XIV. Di-inaasahang pangyayari

371 65 9
                                    


"Nay Nati, bakit po tayo narito sa pinagtatrabahuhan ni Ginoong Primo?" Nakapagtataka sapagkat kanina lamang bago ko makilala si Ginoong Dumangan, ilang beses akong pinaalalahanan na dapat kaming makabalik habang hindi pa lumulubog ang araw.

"Linang, habang kami ni Manuelito ay naghahanap sa iyo, naharang kami ng mga guwardiya sibil. Hinanapan kami ng sedula, at nang kukuhanin na sana sa aming bulsa ay pinaghinalaan kaming bubunot ng patalim kaya kami pinaputukan ng riple. Tunay ngang mahabagin ang Maykapal. Ligtas at wala ni isang galos ang matatagpuan sa katawan namin ni Manuel. Datapwat tinamaan ang kabayo na siyang nagdulot ng walang humpay na pagdurugo na kalauna'y ikinasawi ng kaawa-awang nilalang," pagpapalinawanag niya sa akin.

Tanging katahimikan lamang ang naisagot ko sa kaniya. Dahil siguro hanggang ngayon ay hindi pa rin nag-sisink in sa utak ko ang mga kaganapan. Sa sandaling oras na nawala ako ay mayroon na kaagad nangyaring masama. Kung sana lamang ay nandoon ako pero wala pa rin naming kasiguraduhan na hindi 'yon mangyayari. Baka nga sakaling lumala pa kung ipaglalaban ko ang aming karapatan. Ngunit ang tanong dito ay kung mayroong ba talagang karapatan ang mga Pilipino sa panahong ito?

"Binibini, hayaan mo na ang mga naganap. Ang mahalaga ay ligtas kayong lahat. Halina't ihahatid ko kayo ni Manang sa itaas. Ipagpatawad ninyo na ito lamang ang abot ng aking kakayahan na ibigay sa inyo. Hindi man singlaki ng tahanan sa Cavite el Viejo, tiyak naman na walang mangyayaring kapahamakan hanggang kayo ay nananatili rito," wika ni Primo na papalapit sa amin. Sa tingin ko ay katatapos niya pa lang maligo dahil mamasa-masa pa ang kaniyang buhok. Hindi talaga maipagkakaila ang kakisigan ng lalaking ito. Hindi lamang siya, lahat ng kaniyang mga kapatid ay mahahalatang maganda ang wangis ng mukha. Mismong ina nila ay nagtataglay pa rin ng kagandahan sa kabila ng edad nito.

Napaiwas ako ng tingin nang marinig ang pagtikhim ni Manong Manuel na nasa likod pala ni Primo, kasunod nito ay ang pagtawa ng huli. Dali-dali akong pumanhik at nilagpasan sila dahil sa kahihiyan.

"Ano na namang ka-shungahan ang aking sunod na gagawin?" bulong ko sa aking sarili nang mapagtanto na hindi ko pala alam kung alin sa mga silid ang aking pagtutuluyan. Nasagot naman ang aking agam-agam pagkatapos marinig ang kanilang mga yabag. Nagtama ang tingin namin ni Primo at hindi na naman niya napagilan na pakawalan ang napakalakas ngunit kaaya-ayang halakhak.

"Tila napakasaya ng binata. Ito ba ay dulot ng nahihiyang dalaga?" pang- uusisa ni Manong Manuel. Hindi ko alam pero ang lakas yata  ng tama niya ngayon, o baka sobrang kumportable lang talaga siya kay Primo kaya nagagawa niyang makipagbiruan. Sa akin naman noon ay hindi masyadong nang-aasar si Manong Manuel, siguro ay malapit lang talaga silang dalawa ng ginoo.

"Wala ho ito, Mang Nuel. Napukaw lamang ang aking interes sapagkat kakaiba ang mga kilos ng binibini. Marahil iba ang kaniyang kinagisnang mga kaugalian," sagot nito nang mahimasmasan.

"Ang mga kalalakihan, hindi marunong makiramdam! Halika na nga, Linang. Hayaan mo ang mga pilyong iyan." Marahan akong hinatak ni Nay Nati papasok sa silid na katapat lamang ng opisina ni Primo.

"Salamat po, kung hindi dahil sa inyo, malamang hanggang ngayon ay tampulan pa rin ako ng kantiyaw." Inilapag ko ang aking hawak na rosas sa mesa at hinarap ang matanda. Sinuklian niya lamang ako ng isang ngiti na nakatutunaw ng puso. Pinaghalong kirot at ginhawa ang aking naramdaman nang maalala sa kaniya ang aking ina.

"Huwag mong damdamin ang kanilang panunukso. Intindihin mo na lamang ang mga ginoong hindi pa naranasang magpasagot ng babae," sambit niya at sabay kaming natawa sa kaniyang tinuran.



KINABUKASAN ay natagpuan ko na naman ang aking sarili sa harap ng Uste kung saan ko unang nakita si Dumangan. Hindi pa rin talaga ako sigurado kung iyon ba talaga ang kaniyang tunay na pangalan o biniro niya lamang ako dahil Idianale ang pagpapakilala ko sa kaniya.

"Kami ay tenedor de libro mula sa aklatan ng Magdalla, at naririto kami upang ihatid kay Padre Buenaventura ang ihinabilin niya sa amin." Napalingon ako kay Jose nang magsalita ito. May kinakausap na pala siyang guwardiya.

Sumama lang ako sa kaniya ngayong umaga hanggang mamayang hapon. Ayaw ko naman na makulong lang ako sa loob lalo na at nasa kabisera ako, maraming matutuklasan kaya hindi ko na papalampasin pa. Noong magkakasabay kaming kumakain ng hapunan, naikuwento sa amin ni Jose na ang kaniyang trabaho ay hindi talaga sa loob ng silid-aklatan. Sa kaniya iniatas ni Primo ang paghahatid ng mga ipinagbibili, kaya nama'y araw-araw siyang napupunta sa kung saan-saan. Tuwing mahahalagang kalakalan lamang daw umaalis si Primo upang siya mismo ang magrepresenta sa negosyo.

Kagabi rin ay napansin ko na nawala ang tensyon sa pagitan namin ni Primo matapos kaming tukso-tuksuhin ni Manong Manuel at ilang manggagawa sa aklatan. Tinanggap lang namin ang mga kantiyaw nila bilang isang biro at dahil doon ay masasabi ko na magkaibigan na kami ni Primo, siya na rin naman ang mismong nagsabi na tanggalin ang salitang ginoo kapag kakausapin ko siya. 

"Nasaan ang inyong sedula?" Nanlaki ang aking mga mata sa narinig na tanong ng guwardiya. Pumuslit lang ako kahapon habang nagpapalit na ng shift, kaya hindi ko alam na i-checheck pala. Eh wala naman akong ganoon, ano na ang aking gagawin?

Ipinakita ni Jose ang kaniya. Nag-aabang na silang dalawa na ipakita ko rin ang akin. "Hindi po ako papasok sa loob," wika ko at nararamdaman ang pamumuo ng nanlalamig na pawis sa aking katawan. Palapit nang palapit ang kawal sa akin, subalit bigla kaming napalingon dahil sa tinig ng isang lalaki na tila pinagsakluban ng langit at lupa.

"Soldados, hindi ka ba naabisuhan ng iyong Señores na naglabas ng panukala si Padre Buenaventura? Kanina pa siya nag-aalburuto sapagkat magsisimula na ang kaniyang palatuntunan at wala pa rin ang kaniyang mga kakailanganing libro. Huwag mo na silang abalahin, kagyat nang papapasukin  ang may dala ng aklat na Boletín Oficial Agrícola de Filipinas,   Cuestiones Filipinas. Primera Parte, Los Chinos: Estudio social y politico,   Guia Oficial de Filipinas : Anuario Historico, Astadico, Administrativo,  at . . ." Napatingin ako sa nag-iisang libro na aking hawak-hawak saka binasa ang pamagat na nakalimbag. 

"Estadistica General" Napansin ko ang pagpigil ni Jose na mapabunghalit ng tawa, dahil siguro hirap ako sa pagbigkas ng titulo at pantig-pantig kung ito ay aking bigkasin. Bakit ba kasi ang sakit sa mata ng pagkakasulat? Doktor ba ang gumawa nito?

"Halika na ginoo at binibini." Sumenyas pa ang lalaki na sundan namin siya, walang nagawa ang kaninang nagbabantay kung hindi ang hayaan na lamang kami na makapasok. Nagmamadali sina Jose at ang ginoo na makarating kung saan man, ngunit bago pa kami makapasok sa isang gusali ay ipinatong ko na sa librong hawak ni Jose ang aking dala-dala at nagbalak na humiwalay kanila. Nagtataka siyang bumaling sa akin.  

"Uuwi rin ako," sambit ko at tumakbo palayo sa kanila.

"Binibining Paulina," pabulong na sigaw ni Jose  upang hindi siya marinig ng lalaki sa kaniyang harapan.  

Hindi ko na siya nilingon at dumire-diretso na lang sa pagtahak ng daanan hanggang sa marating ang lugar na mayroong mga punong accacia, sampaloc, at halamang rosas na kulay bughaw. Hindi nga ako nagkakamali! Ang lalaking iyon ay talagang si

"Dumangan!" 



≿━━━━༺❀༻━━━━≾

REFERENCE

These are some of the books from 1894 that are still kept in UST's Archives

-Boletín Oficial Agrícola de Filipinas

-Cuestiones Filipinas. Primera Parte, Los Chinos: Estudio social y politico

-Guia Oficial de Filipinas : Anuario Historico, Astadico, Administrativo

-Estadistica General


http://library.ust.edu.ph/assets/vol3.pdf

Sa Harap ng Pulang BandilaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon