Prólogo

2.2K 202 424
                                    

Hindi ba pareho lamang ang nangyayari noon at ang mangyayari pa lamang?

"Tumakbo na tayo"

"Mga terorista!"

Kapwa Pilipino ang kumikitil at sumisira sa ating bansa, pati na rin sa kaniyang mga sariling kapatid.

"Maawa po kayo"

"Mga mamamatay tao!"

Ang danak ng dugo na unti-unting dumidilig sa ating lupang tinubuan, nanggaling sa kaniyang mga anak na siya ring sanhi ng kaguluhan.

"Pilipino ang nalupig. Kapwa Pilipino rin ang manlulupig."

"Ang pinagkaiba natin, ako ay sumusunod sa prinsipyo. Ikaw, bulag-bulagang sumasamba sa iyong amo!"

Ang pakikibaka sa mananakop, hindi para sa kalayaan kundi para sa isang kasakiman. Handang kumitil ng kapwa upang matiyak ang kaligtasan ng iniidolo.

"Hindi ba dapat bansa ang siyang ating suportahan, bakit ka nagbibingi-bingihan sa mga tunay na kaganapan?  Nariyan ka at sinisigaw sa buong bayan ang kaniyang malilit na magagawa subalit pipilitin mo na patahimikin ang kung sinuman na magpakalat ng malagim na katotohanan. Gawin natin ito para sa bayan at hindi para sa pangulo sapagkat ang pinuno ay napapalitan samantalang ang likas na karikitan ng bansa, kailanma'y hindi mapapantayan."

Bakit ba tayo nag-aaway away na tila isang bata dahil lamang sa hidwaan ng ating mga tinitingalang nakaupo sa puwesto?

"Kabataan ang pag asa ng bayan, ang mga nakatatanda naman ang siyang gagabay sa landas na tatahakin upang makaiwas sa kapahamakan."

Kung gayon ay bakit nila kami pinipigilan? Ganito na ba talaga ang aming kapalaran?

"Bata ka pa! 'Wag ka nang mangialam sa pulitika, ija. Wala ka namang alam! Napakaingrata mo! Puro ka na lang reklamo, wala ka namang nagagawa kundi ang ngumawa."

Wala ba talagang puwang sa bayang ito ang aming tinig? Kami ba ay wala talagang karapatan upang ipahatid ang aming saloobin? Hindi ba kami bahagi ng bansang ito?

"Hindi kayo ipinadala rito upang baguhin ang kasaysayan, narito kayo upang matuklasan ang katotohan. Tanging ang kasalukuyan lamang ang kaya ninyong itahak sa wastong landas."

Para saan pa? Wala naman nang saysay ang aming mga gagawain.

"Lahat ng inyong matutuhan ay dalhin ninyo sa kasalukuyan, ang dunong at kagitingan na inyong gagamiting armas, kasangga ang nag-aalab na damdamin ng pusong makabayan, ang siyang maghahatid sa inyo tungo sa tunay na kapayapaan."

Sino... sino ka? Ano ang iyong layunin? Bakit kami pa?

"Hindi mo ba nadirinig ang ating ina? Siya ay tumatangis."

 Ano pa ang magbabago? Hindi pa ba siya nasanay na ganito ang ating tadhana? Mula noon ay ganito na rin naman ang mga pangyayari.

"Iligtas ninyo ako mula sa kamay ng aking mga anak."

"Ikaw ba ang..."

Inang bayan, binihag ka, hindi lamang ng mga dayuhan, inalipusta ka, ng aming kapwa kababayan.

"Mga anak..."

"Tulungan ninyo ako..."

"Pakawalan ninyo ako!"

Bakit pa tayo naririto? Wala naman na tayong magagawa, kahit isalba ang isang buhay ay hindi abot ng ating kakayahan. 

"Tama na, magsitigil na kayo! Nag-uumapaw na ang karagatan na yari sa dugo ng inyong mismomg kapatid. Aking mga anak, nawa'y inyong dinggin ang aking pagsusumamo."

Sino nga ba talaga ang tunay na kalaban? Mayroon ba talaga kaming kakampi na aming mapagkakatiwalaan?

"Aking mga anak, huwag niyo na akong saktan. Huwag na kayong magsakitan ng inyong mga kapatid"

"Sagipin ninyo ako..."

"Ipagtanggol niyo ako..."









"Idianale..."



"Idianale"

"Idianale!"

"S-sir?" Napabalikwas ako nang marinig ang paghampas ni sir ng kaniyang kamay sa aking mesa. Luminga-linga pa ako at napansin na nakatingin ang buong klase sa aming dalawa.

"Huwag mo akong idaan sa ngiti, Ms. Idianale. Ang lakas ng loob mong matulog! 'Buti sana kung umaabot man lang kahit sa sangkapat ng kabuohan ang iyong marka sa bawat pagsusulit! Ano? Nakatulog ka na? Tumayo ka sa harap, ikwento mo sa'min ang panaginip mo."

"Ah, hehehe, sorry po sir. Hindi ko alam kung bakit pero parang ang sakit po ng ulo ko dahil sa panaginip. Kaso kahit 'yon hindi ko na maalala, pasensiya na po talaga." Napabuntong-hininga naman siya dahil sa aking sinabi.

"Teka, namumutla ka yata. Oh sige na, sige na. Magpahinga ka muna ngayong lunch break. Mamayang uwian ka na lang mag-take ng remedial."

"Thank you po sir, saka sorry din po."

"'Nga pala. Ang panaginip mo, mas mainam kung hindi mo na alalahanin. Parang nahihirapan ka kasi kaya ginising na kita. Alam mo namang 'di ako tarantado 'di ba?"

"Mapagmura lang sir, pero mabait!" natatawa kong sambit.

Dinismiss niya na kami kaya nagtungo na agad ako sa katabing silid.

Sa Harap ng Pulang BandilaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon