"Kung hahayaan kita na sila ay ipadakip, sasabihin mo ba sa akin ang dahilan?" Muli na namang sumilay sa kanilang mukha ang pagkagitla."Ano ang iyong sinabi? Walanghiya ka babae," mariin na wika ni Sempio. Tahimik lamang si Miling subalit halata sa kaniya na hindi niya nagustuhan ang aking sinabi.
"Hindi," tipid na sagot ni Felipe habang nakayuko.
"Kung sasamahan kita ngayong gab-"
"Riona!" Napataas ang aking kilay dahil nagsabay pa talaga si Felipe at si Miling sa pagtataas ng kanilang tinig.
"Bakit? Ayaw mo talagang sabihin kung bakit? Kung sabagay, ayaw mo rin namang sabihin na kasapi ka ng kilusang tumataliwas sa Haring Espanya," nakaismid kong sambit. Hindi nagbago ang kaniyang ekspresyon sa mukha, hindi siya katulad ng kaniyang Kuya Lorenzo na nagpakita ng gulat. Si Felipe ay halatang sanay na magsinungaling, nakakatakot. Subalit anong karapatan ko magsalita ng mga bagay tungkol sa kaniya kung ako mismo ay mas malala?
"Tanging ang Espanya at ang Guardia Civil ang aking kaanib. Ang bandido na iyong tinutukoy ay isang maliit na pagkakamali lamang sa pagpapataw ng disiplina sa mga indio," walang emosyon niyang pagtanggi.
"Hindi ko alam kung matutuwa ba ako sa iyong katapatan o magagalit dahil para ito sa bansang Espanya," natatawa kong saad na siyang nagpatigagal sa kanilang tatlo.
"Bakit ka natahimik? Hindi mo ba alam na nababasa ko sa iyong mukha na nais mong sabihin na ito ay ginagawa mo para sa inang bayan at hindi para sa manlulupig-"
"Detener!"
"Bakit mo ako pahihintuin? Dahil ba tama ang aking sinasabi? Kung nais mo talaga na ako ay patigilin sa aking mga sinasabi, bakit hindi mo na lamang gamitin ang iyong katayuan upang ako ay iyong arestuhin-"
"Riona!"
"O kaya naman ay mas mabuti kung gamitin mo ang iyong baril dahil kailanman ay hindi na nagsalita pa ang mga bangkay."
Mabigat na tensyon ang pumalibot sa amin, lahat ay nagpipigil ng hininga.
"Felipe, patawad sa aking inasta. Nais lamang kitang ipakilala kay Pingkian, ang taga-usig ng Kataas-taasang Pangulo ng kilusan."
"A-ano kamo? Siya?" nanlalaki ang kaniyang mata habang nakaturo kay Sempio.
"Paumanhin," sambit ko at itinulak si Miling upang mapunta sa harapan ni Sempio.
"Nawa'y ako ay iyong patawarin sa hindi ko pagpapakilala noong una nating pagkikita sa Zapote," wika ni Miling nang maintindihan na niya kung ano ang nangyayari.
Iniligay ni Felipe ang kaniyang kanang kamay sa dibdib saka ito ikinuyom. Ginawa rin ito nina Miling at Sempio, sagisag na nakikita kong ginagawa ni Miling at ang iilang mga nakasasalubong niya noong nag-iikot kami sa bayan. Marahil ito ang pagbati sa isa't-isa ng mga kapwa katipunero.
"Baki-" Bigla akong hinatak ni Felipe palayo sa kanilang dalawa, bago pa ako makapagtanong ay pinigilan na niya ako.
"Sandali, bago ka magsalita ay hayaan mo muna ako na pakalmahin ang sarili," sambit niya habang nakataas ang isang kamay. Naririnig ko ang malalim na paghinga niya, talagang kinabahan siya sa nangyaring sagutan kanina.
"Pasensya na talaga, nais ko lamang ipakita sa Pingkian na ikaw ay mapagkakatiwalaan. Na hindi mo isisiwalat ang samahan, at iyon lamang ang tamang oras upang-"
"Sandali, anong tamang oras? Hindi mo ba naaalala ang ginawa natin sa kaniya noon?" nangangamba niyang tanong.
"Nangyari noon?" Sunod-sunod na bumalik sa aking isipan ang mga nangyari. Mula sa pagyakap sa akin ni Felipe, hanggang sa pagpapaalis niya kay Miling habang ako ay nakahiga sa kama ng nauna.
BINABASA MO ANG
Sa Harap ng Pulang Bandila
Historical Fiction#1 in HISTORICAL FICTION 11/02/20 March 25 2019 - on going Isang pangkaraniwang estudyante na namuhay sa nakaraan. Babaeng nagmula sa kasalukuyan ang napadpad sa yugto ng himagsikan. Naroon lamang upang masaksihan ang bawat kaganapan, ang mga k...