Kabanata 2

110 2 0
                                    

SA CAMPUS NG UNIBERSIDAD, NAKAUPO SA BANGKO SI FRANCE. NAKADEKWATRO siya, may songhits na nakapatong sa kanyang hita at tinitignan ang chords ng isang kanta habang pinatutugtog n'ya ang gitara. Tinutugtog niya ang piyesang "I'll Be" ni Edwin McCain pero wala ito sa tono at paulit-ulit niyang sinisimulan sa umpisa. 

"Hindi mo kaya 'yan..." 

Inangat ni France ang kanyang mukha at nakita niya si Rene na nakangiti sa kanya, "Ang yabang mo!" 

Biglang nagtawanan ang dalawa, umupo sa tabi ni France si Rene. Nagpatuloy sa pagtutugtog ng gitara si France samantalang tinititigan siya ni Rene mula ulo hanggang paa. Nakasuot ng cap si France at ito ang nagtatago sa mahaba niyang buhok, hindi na niya ito pinagupitan dahil ang gusto ni Kaye ay pareho silang mahaba ang buhok. Nakasuot ito ng T-shirt na asul, ang pantalong suot niya ay maluwag ang laylayan at nakasuot ng rubber shoes. May suot pa siyang wristband sa kanyang kanang kamay. Napailing si Rene pagkatapos suriin ang dalaga, maganda naman talaga si France ang kaso nga lang ay tomboy nga ito kaya natatakpan minsan ang kagandahan. Kung umasal kasi at manamit para talagang lalaki. Sa totoo lang ay natatawa siya kapag sinasabi ni France na mas guwapo daw ito kaysa sa kanya. Napansin ni France na nakatitig sa kanya si Rene kaya napahinto siya sa pagtugtog ng gitara. 

"O, Bakit?" ang kunot-noo na tanong ni France. 

Ngumiti si Rene at hinawakan ang gitara, "Ako nga..." sabay kinuha nito ang gitara kay France, "Ganito lang 'yan. Tignan mo ang mga darili ko at 'yung chords." Tinugtog ni Rene ang gitara habang tumitingin sa songhits at kumanta pa ito, "The strand in your eyes that color them wonderful, stop me and steal my breath..." 

Samantala si France ay titig na titig sa kanya. Hindi nakapagtataka kung bakit heartthrob si Rene sa campus nila, guwapo talaga ito kahit probinsyano at kapag ngumiti killersmile talaga. Lahat ng mga babae sa kanilang unibersidad ay gustong-gusto at mahal siya. Hanga siya sa lalaking ito, kahit ang daming problema sa buhay ay nagagawa pa rin niyang ngumiti ng napakatamis.  

Tumingin si Rene kay France habang patuloy ang pagkanta at pagpapatugtog ng gitara, "And tell me that we belong together—" 

Biglang tumigil sa paggigitara si Rene, itinabi niya ang gitara at nakangiting tumitig kay France. Kumunot ang noo ni France sa ginawa niyang ito. 

"Rene, bakit?" tanong ni France. 

Tumingin si Rene sa suot ni France, "'Yan na naman ang suot mo?" 

Tumingin si France sa kanyang suot, "Oo...Bakit?" 

Ngumiti si Rene, "Nasuot mo na ba 'yung mga bigay sa'yo ni Kaye?" 

"'Yung mga blouse, skirt, fitted jeans?" umiling si France, "Wala akong balak suotin 'yun." 

Umiling-iling si Rene, "Bakit hindi mo kaya suotin? Baka 'di mo alam nagdadamdam si Kaye dahil hindi mo lang naman pinapahalagahan ang mga regalo n'ya sa'yo." 

"Pinapahalagan ko lahat ang mga binibigay n'ya sa'kin, nakatago 'yon ng mabuti." 

"Kahit na." giit ni Rene, "Ang pinakamagandang pagpapakita ng pagpapahalaga ng mga bagay na ibinigay sa'yo ay gamitin mo ito kagaya ng mga damit na binili n'ya sa'yo." 

"Kasalanan naman n'ya 'yon. Alam naman n'yang 'di ako nagsusuot ng mga ganoong klaseng damit, binibigyan pa rin n'ya ako." 

"Kaya nga, bakit hindi mo subukang suotin?" sabay ngumiti si Rene, "Bagay naman sa'yo...mas lalong gaganda ka." 

Tumawa si France, "Rene, kailan ka pa natutong mangbola?" 

Natawa si Rene, "Hindi po ako nambobola, hindi nga ako marunong maglaro ng basketball, eh!" 

Friends 4Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon