Kabanata 9

28 1 0
                                    

KABANATA 9

PAGKAGISING NI FRANCE AY BUMANGON AGAD SIYA, MARAHANG SINUOT ANG TSINELAS saby tumayo at inayos ang kama. Pumasok siya sa banyo upang umihi at nagmumog, pagkatapos ay pumunta na siya sa silid-kainan. Nabutan niyang umiinom ng kape si Fred at kumakain ng pandesal na may palamang pritong itlog 

"Magandang Umaga!" bati niya sa kanyang kapatid at umupo ito sa upuan. 

"Magandang Umaga din. Mabuti at nagising kana." wika ni Fred. 

Kumuha ng pandesal si France at nagsimulang kumain. Ilang sandali ay napansin niya ang isang palumpon ng tulips na nakalagay sa lamesa, "Ay! Ang gaganda ng mga tulips na yan. Malamang para kay Ate Carmen yan." sabay nilingon ang kapatid at ngumiti. 

"Hindi 'yan para sa nobya ko." sagot ni Fred. 

"Ha? Kung gano'n para kanino yan?" 

Humigop ng kape si Fred at inilapag ang tasa sa lamesa, "Anu ba sa tingin mo, para sa akin? Malamang para sa iyo, di ba?" 

Napatigil sa pagkain si France at kumunot ang noo, "S-Sa akin?!" 

"Tapatin mo nga ako, pinayagan mo bang manligaw sa'yo si Rene?" 

Nagulat si France, "Manligaw? Anong sinasabi mo d'yan?" 

"Nanggaling kay Rene 'yan!" sabay turo nito sa bulaklak. 

Gulat na gulat si France, hindi niya akalaing bibigyan pa siya ni Rene ng bulaklak. Halos tumalon ang puso niya sa tuwa habang tinitignan ang mga bulaklak. Alam ng binata ang gusto niyang bulaklak, hindi niya gusto ang rosas dahil masyado na itong karaniwan kaya tulips ang paborito niya. Nagpapatunay pa rin na hindi pa rin sumusuko si Rene sa panunuyo nito sa kanya. Unti-unti siyang napapangiti habang hawak ang pandesal at ito ay parang papel na kanyang napinipilas. 

"Tumawag pala kanina si Kaye, inalam niya kung gising ka na. Sarado daw 'yung cellphone mo kaya hindi siya makatawag sa'yo mismo." 

Natunaw ang kasiyahang nadama ni France, napalitan ito ng sakit at lungkot. Si Kaye...hindi dapat niya makalimutan ang damdamin nito. Tumingin siya sa mga bulaklak at huminga ng malalim. 

"O, d'yan na lang ba 'yang mga tulips na 'yan?" 

"Kuya, pahiram ng cellphone mo. Wala na kasi akong load, eh!" 

Inabot ni Fred ang cellphone niya, kinuha ito ni France at nagdayal siya ng numero. Samantala naglilinis si Rene ng kanyang kuwarto nang tumunog ang cellphone niya. Huminto siya sa pagwawalis at kinuha n'ya ang cellphone niya sa bulsa. Nakita n'ya sa screen na tumatawag si Fred, sinagot niya ito kaagad. 

"Hello, Kuya Fred?" 

"Si France 'to..." ang narinig ni Rene sa kabilang linya. 

Napangiti si Rene, "Fra-France!" 

"Magkita tayo sa plaza mamayang alas tres ng hapon." 

"Oo, sige!" 

Magsasalita pa sana si Rene pero binabaan na siya ni France. Nakasuot siya ng magandang ngiti at dahil sa nangyaring ito ay lalo siyang ginanahan sa paggawa ng mga gawaing bahay. Ipinagpatuloy ni Rene ang kanyang pagwawalis na may ngiti sa mukha samantala si France naman ay nakasimangot nang binalik niya ang cellphone kay Fred. 

"Salamat, Kuya." at nagpatuloy sa pagkain niya ng almusal. 

Nagsalubong ang mga kilay ni Fred, "O, bakit ganyan ang mukha mo?" 

"Aalis ako mamayang hapon. Magkikita kami ni Rene." sabay kinuha ang pitsel upang isalin ang tubig sa baso at ininom ito. 

"Narinig ko nga pero bakit matamlay ka?" 

Nilapag ni France ang baso sa lamesa, "Kasi ayoko na ligawan ako ni Rene. Ipapaintindi ko sa kanya 'yon." 

"Grabe, babae na talaga ang kapatid ko. Marunong na mangbasted ng lalaki ah! Ang haba talaga ng buhok mo! Gusto mong ako ang magsuklay niyan?" sabay tinuro ang buhok ni France gamit ang nguso. 

Hinawakan ni France ang buhok niya, "Huwag hahawakan ang buhok ko!" sabay pakunwari ay umismid sa kapatid. 

Sabay tumawa ang magkapatid, kinuha ni Fred ang mga bulaklak sa lamesa at natatawang inabot kay France. 

"Mahal na prinsesa pakikuha na po ito at baka masama sa rekado ng lulutuing ulam." biro pa ni Fred. 

"Akin na nga at maibalik na sa pinanggalingan." sabay kinuha ni France ang mga bulaklak. 

"Ang taray naman!" sabay tumawa si Fred. "Payo ko lang sa'yo, kausapin mo siya ng maayos. Alang-alang sa pagkakaibigan niyo at huwag mo ihampas sa kanya yan ha!" 

"Grabe ka naman. Di naman ako maldita, eh." sabay tumawa. "Kaya ko na ito, Kuya. Salamat." 

Tinitigan ni France ang mga bulaklak, desidido talaga siyang huwag tanggapin ang pag-ibig ni Rene kahit masakit sa kanya. Alang-alang na rin sa katahimikan ng barkada nila.

Bago sumapit ang alas-tres ng hapon ay nagtungo na sa plaza si Rene, nakaupo siya sa bangko at naghihintay kay France. Sa totoo lang ay sabik na sabik na siya sa pagkikita nila, hindi pa nga siya makapaniwalang humiling ang dalaga na magkita sila. Ang ngiti n'ya ay abot hanggang tainga habang naghihintay. Patingin-tingin siya sa suot niyang relo, ilang sandali pa'y sumapit na ang alas-tres. Natanaw na niya si France, napangiti siya ngunit napawi ang ngiti niya nang mapansin niyang dala nito ang bulaklak na ipinadala niya at nagkaroon siya ng masamang kutob. Pormal ang mukha ni France nang lumapit ito sa kanya. Yumanig ang kanyang mundo nang iniabot sa kanya ang mga bulaklak. 

"Salamat sa mga bulaklak pero hindi ko matatanggap." ang sabi nito sa kanya. 

Binitawan ni France ang mga bulaklak, sinundan ng mga mata ni Rene ang pagbagsak nito sa putik. 

"Ba-Bakit? Bakit mo ako pinapahirapan ng ganito? Alam mo namang totoong mahal kita." 

"Rene! Ano ka ba?! Hindi mo ba naiintindihan?! Hindi mo pa rin ba nauunawaan?! Hindi puwedeng maging tayo! Kaya puwede bang huwag ka nang umasa pa!" pasinghal ni France. 

"Bakit hindi puwede?!" tumayo siya at hinawakan ang dalawang braso ni France. "France, kaya natin 'to! Kaya nating ipaglaban ang pag-ibig natin. Maiintindihan din ito ni Kaye. France, naiintindihan mo ba ako?" 

Naiiyak na si France, gusto rin niyang ipaglaban ang pag-ibig niya sa binata pero natatakot siyang baka hindi maintindihan ni Kaye. Nagpumiglas siya habang nakatitig sa binata at binitawan naman siya ni Rene. Nang makawala siya ay tinulak niya ang binata sabay umatras. 

"Rene, utang na loob! Tama na! Huwag na nating ipagpilitan pa. Tanggapin mo na lang ang katotohanan na hanggang magkaibigan lang tayo!" 

"Hindi! Ayoko, France!" mariing tutol ni Rene. 

Biglang hinila ni Rene si France at niyakap ito ng mahigpit. Dahil sa ginawa niya ay lalong sumisidhi ang damdamin ng dalawa sa pagtatalo. 

"France, parang awa mo na...itigil mo na ito! Hirap na hirap na ako... Huwag mong gawin sa'kin ito!" ang pakiusap ni Rene. 

"Rene, ano ba?!" ang naiiyak na saway ni France. 

Buong lakas na tinulak ni France si Rene, nabitawan siya sa pagkakayakap nito at sabay sinampal niya ang binata. Nagulat si France sa ginawa niya hindi niya sinasadyang gawin 'yon, tumakbo na lang siya papalayo kay Rene na tumutulo ang kanyang mga luha. 

"Rene, patawad kung mas pinili ko si Kaye..." 

Naiwang nakatayo si Rene at tinatanaw ang pagtakbo ni France palayo sa kanya. Nang di na niya matanaw ang dalaga ay yumuko siya upang kunin ang mga bulaklak sa putikan. Bumuhos ang luha niya nang pinulot niya ang mga bulaklak na puro putik at doon tumulo ang mga luha niya.

Friends 4Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon