Kabanata 4

76 2 0
                                    

KINABUKASAN, SINUNDO NILA CRIS, FRANCE AT KAYE SI RENE SA BAHAY NITO. Doon na nalaman ni France na nagkasakit nga si Rene. Sila'y nasa kuwarto ni Rene kasama si Mang Jim. 

Nakaupo si Kaye sa papag at katabi si Rene, "Ok ka lang ba, Rene?" sabay hinawakan niya ang noo ni Rene. 

"Medyo maayos-ayos na'ko." sagot ni Rene. 

"Hindi 'yan nakapasok sa trabaho kagabi at hindi 'yan makakagawa ng gawain niya dito!" pasingal na sabi ni Mang Jim, "Hah! Walang kuwenta!" sabay umiling. 

Nagtaas ng kilay si Cris, "Walang kuwenta? Look who's talking? Ang kapal naman ng mukha ni Tito Jim! Kulang na nga lang maging house boy si Rene sa bahay na'to!" 

Bumangon si Rene sa papag, "Gagawa po ako at papasok ako sa klase." 

"Huwag, Rene! Baka mabinat ka." ang pag-alalang sabi ni France. 

"Oo nga. Magpahinga ka na lang." wika ni Cris. 

"Pero..." tutol pa si Rene. 

"Ako na ang gagawa. Ako ang mag-aalaga kay Rene." ang sabi ni Kaye at tumingin siya kina France at Cris, "Hindi ako papasok, dito lang ako." 

"Tutulong ako sa'yo, Kaye." wika ni France. 

"Huwag na... Ako na lang." tutol ni Kaye. 

"Anong ikaw na lang? Hindi ka sanay ng gawaing-bahay, Kaye." tutol din ni France. 

"Huwag kang mag-alala kakayanin ko." at tumingin si Kaye kay Cris. "Cris, pumasok na kayo ni France. Pakisabi niyo na lang kay Mang Kanor." 

"Naku, Kaye! Huwag na! Nakakahiya sa'yo." wika ni Rene. 

"Hindi, Rene." ngumiti si Kaye. "Ok lang." 

Natuwa si Mang Jim, "Talaga, Iha? Naku, salamat!" 

Tumaas na naman ang kilay ni Cris, "Talaga naman! Pininindigan na batugan talaga siya. Gagawin lang katulong dito si Kaye." 

"Magtigil nga kayo d'yan, 'Tay!" saway ni Rene. 

"Ikaw ang magtigil d'yan! Tutulungan ka na nga, nagmamataas ka pa!" sermon nito sa anak. 

Nagtinginan ang magkakaibigan sa isa't isa at sabay nagkibit-balikat. Nagpaiwan talaga si Kaye sa bahay ni Rene. Tumuloy na sa biyahe sina Cris at France papuntang unibersidad at baka mahuli pa sila sa klase nila. 

Huminga ng malalim si France, "Kasalanan ko 'to! Kasalanan ko kung bakit siya nagkasakit! Ako dapat ang nandun at gumagawa ng mga gawain ni Rene sa bahay nila." 

Tinapik-tapik ni Cris si France sa balikat, "Ok lang 'yan. Huwag mo sisihin ang sarili mo." 

Nang nasa loob na ng unibersidad si France ay hindi mawala sa isip niya si Rene at nag-aalala siya kay Kaye dahil hindi naman marunong sa gawaing-bahay ang matalik niyang kaibigan. Nakailang beses na niyang tinawagan sa cellphone si Kaye at sinasabi naman nito na ayos lang naman daw ang lahat at nakakayanan nito ang mga gawaing-bahay doon pero 'di pa rin mapawi ang pag-aalala niya. Halos hindi na siya makatuon sa mga tinuturo ng mga propesor niya. Samantala tagaktak na ang pawis ni Kaye sa paggawa ng mga gawaing-bahay. Siya ay nag-igib ng tubig sa may kanto, naglinis ng banyo kahit masuka-suka siya dahil kinamay lang niya ang paglilinis nito lalo na sa paglilinis niya ng inodoro. Pagkatapos ay nagsaing din siya at nagluto ng ulam. Dahil hindi siya marunong magsaing nasunog ang ilalim ng kanin. Dahil wala naman siyang alam sa pagluluto ay nagprito lang siya ng apat na porkchop at nagtamo pa siya ng mga paso dahil sa tumatalsik na mantika. Nagluto rin siya ng instant mami para makahigop ng mainit na sabaw si Rene. Gustuhin man niyang magreklamo ay hindi niya magawa dahil siya naman ang nagboluntaryo na gagawa ng mga ito. 

Friends 4Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon