Kabanata 21

28 1 0
                                    

KABANATA 21

MAG-ISANG NAGLALAKAD SI KAYE SA CAMPUS NG UNIBERSIDAD, MAY dala siyang mga libro at shoulder bag. Sa paglalakad niya ay napansin niya na ang mga taong nasa paligid ay pawang magbabarkada. Sa nakita niya ay parang nakaramdam siya ng pangungulila at kalungkutan. 

"Aba, tignan niyo kung sino ang bumalik galing impiyerno?!" 

Paglingon ni Kaye ay nakita niya sina Daphine at Divine, hindi siya nagsalita kahit isa mang letra. 

"O, hindi ba tama ako? Ahas ang matalik mong kaibigan?" ang sabi ni Daphine. 

"Kung nakinig ka lang sana sa'min ni Ate. E, 'di sana nailayo mo si Rene kay France." ang sabi naman ni Divine. 

Napangiti si Kaye, "Pasensiya na. Minsan kasi may pagkatanga ako. Tara sa Cafeteria, ilibre ko kayo ng meryenda!" 

Tumawa si Daphine, "Ang kinasusuklaman mong magkapatid na Daphine at Divine Velasco ay niyayaya mong kumain ng meryenda?" 

"At ililibre mo kami?" natawa si Divine, "Katapusan na ba ng mundo?" 

"Puwes, hindi na ngayon." ang nakangiting sagot ni Kaye. 

Ngumiti ang magkapatid sa isa't isa at tumango sila kay Kaye. Masaya silang naglakad patungo sa Cafeteria. 

Sa gusali ng Computer Science ay naglabasan na ang mga estudyante sa kanilang silid pagkatapos tumunog ang bell. Lumabas mula sa isang silid si France dala ang kanyang maliit na bagpack at mga libro, at sunod na lumabas ay si Rene. Nakasunod lang si Rene kay France, nasa gitna sila ng maraming tao habang sila ay naglalakad. Hinahabol ni Rene si France ngunit nahihirapan siyang makalapit sa dalaga sa dami ng taong nakakasalubong niya at mabilis pang maglakad si France. Sa hagdanan na lang niya nahabol ito, nahawakan niya ang kaliwang braso ng dalaga habang pababa sa hagdan. 

"France... Pwede bang mag-usap tayo?" 

Inalis ni France ang kamay ni Rene sa braso niya, "Rene, utang na loob. Ayoko munang makipag-usap sa'yo at saka may klase pa ako." 

Hindi nakaimik si Rene, tumalikod si France at humakbang sa baitang. Hinabol ulit ni Rene ang braso ni France at nahawakan niya ulit ito. 

"France." 

Nilingon ni France ang binata at seryoso ang mukha niya, "Rene, pakiusap..." 

Unti-unting binitawan ni Rene ang braso ng dalaga at tuluyang bumaba ng hagdan si France. Walang nagawa si Rene kung hindi huminga ng malalim habang tinitignan ang dalaga na naglalakad palayo sa kanya.

Pagkatapos ng klase ni France ay pumunta siya sa Locker Room. Pagdating niya doon ay nakita niya si Kaye na may hinahanap sa loob ng locker nito. Agad niyang nilapitan ang matalik na kaibigan dahil naisip niyang ito na ang pagkakataon para magkausap sila. 

"Kaye... Pu-puwede ba tayong mag-usap?" 

Saglit na nilingon ni Kaye si France at padabog na sinarado ang locker niya sabay kinandado, "Mag-uusap tayo?! Para ano?! Para makarinig ako ng paliwanag mo na puno ng kasinungalingan?!" sabay tinalikuran niya si France. 

"Kaye, pakiusap..." ang naiiyak na sabi ni France, "Pakinggan mo naman ako." 

Hinarap ni Kaye si France at tinignan ng masama, "Wala akong oras makinig sa'yo at ayokong makita ang mukha mo baka kung ano pa ang magawa ko sa'yo!" 

Inirapan ni Kaye si France sabay umalis at naiwang nanliliit si France sa harap ng maraming tao. Naiiyak na si France pero pinipigilan niya na tumulo ang mga luha galing sa kanyang mga mata. Hindi na niya alam tuloy kung ano ang gagawin niya para magkaayos na silang dalawa ni Kaye. Maya-maya'y tumunog ang cellphone niya at si Will ang tumatawag sa kanya. 

Friends 4Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon