Kabanata 11

32 1 0
                                    

KABANATA 11

TUMUNOG NA NAMAN ANG BELL AT NATAPOS NA NAMAN ANG ISANG ORAS ng klase. Nagsilabasan na ang mga estudyante sa kanilang mga silid. Naunang lumabas sina Rene at France sa kanilang silid aralan. Kasama  nila ang kanilang mga malalapit na kaklase na sina Jack, June at si Thessa.

Tinapik-tapik ni Jack ang balikat ni Rene, "Astig ka talaga, Rene!" 

Inakbayan ni June si Rene, "Astig ka talaga, Beauty Queen ang nililigawan mo!" 

Natawa lang si Rene sumabay sina June at Jack sa pagtawa nito. Isang Beauty Queen nga si Kaye, nanalo siya sa Beauty Pageant ng kanilang unibersidad nitong nakaraang taon. 

"Magpakain ka kapag sinagot ka n'ya ha?!" ang sabi ni Jack sabay tinapik si Rene. 

Tawa lang ang sagot ni Rene, tumingin siya kay France. Pormal ang hitsura nito, walang bakas ng reaksyon sa pinagkukuwentuhan nila.  

"France, libre ka ba mamayang hapon? Punta tayo sa mall." yaya ni Thessa. 

"Hindi ako puwede eh. May ensayo pa kami ng Fame Dancers." ang sabi ni France. 

Tumingin si Rene kay France at napangiti ito. Naisip niya na pagkakataon na niyang makausap ang dalaga dahil matamlay na matamlay ang komunikasyon nilang dalawa. Nangungulila na talaga siya ng husto sa dalaga. Hinahanap n'ya ang sandaling binibiro niya ito at ang tawa nito sa mga korny niyang biro, "Sa tingin ko magiging maganda ang buong araw ko." nawika niya. 

Inakbayan ni Jack si Rene, "Mukha nga, pare!" sabay tumawa ito. 

Napatingin si France kay Rene, nakita niya ang saya sa mukha nito. Naisip niya na masaya na ito sa mga nangyayari, mukhang nagpatuloy na siya sa buhay at iniwan na ang mga nangyari sa kanilang dalawa. Pero ano itong nararamdam niyang kirot sa kanyang puso? Bakit ba parang nahihirapan siyang limutin ang lahat. Hindi na lang niya pinansin ang nararamdaman dahil baka ano pa ang maisip niyang gawin.

Malakas ang tugtog sa loob ng malaking gym sa unibersidad. Limang lalaki ang sumasayaw habang may tumutugtog na kanta samantalang pinanonood lang sila ni France. Maya-maya'y nag-iba ang kantang tumutugtog, ang mga lalaki ay umalis sa entablado samantalang ang apat na babae na nakatayo lamang kanina sa may gilid ay pumunta sa unahan at sumayaw. 

Pangiti-ngiti lang si France, pagkatapos ng kanta ay pinatay niya ang cassette, "Magaling!" sabay pumalakpak siya. 

Ngumiti si Boyet, "Ayos ba, Coach?!" 

"Ayos na ayos! Pahinga muna tayo!" 

Naghiyawan ang mga lalaki at ang mga babae ay ngumiti. Kinuha nila ang kanilang mga gamit at mabilis na lumabas ng gymnasium. Naisip niya na gutom na talaga ang mga ito, 'di lang sila makareklamo sa kanya. Umupo siya sa mahabang bangko at pinunasan ang pawis niya gamit ang kanyang malaking tuwalya nang may nag-abot sa kanya ng isang bote ng malamig na tubig. Inangat n'ya ang kanyang paningin dahil si Rene pala ang nag-aabot ng bote. Ngulat siya at biglang bumilis ang tibok ng puso n'ya nang tinitigan siya ng binata habang nakangiti sa kanya. 

"O, bakit ganyan ang hitsura mo? Ba't parang nakakita ka ng multo?" tanong ni Rene. 

Tumingin si Rene sa kanyang likuran at tumingin-tingin s'ya sa paligid sabay kinamot ang ulo. Kumunot naman ang noo ni France sa ginagawa ng binata. 

"Wala naman, ah!" ang sabi ni Rene sabay tumingin ulit sa likuran at tumingin kay France, "May nakikita ka ba na hindi ko nakikita?" 

Nang marinig ni France ang sinabi ng binata ay hindi n'ya napigilang tumawa ng malakas, "Mukha kang sira-ulo sa ginagawa mo!" at humabol pa ng tawa. 

Friends 4Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon