Kabanata 18

23 1 0
                                    

KABANATA 18

NASA CAMPUS NG KANILANG UNIBERSIDAD SI FRANCE, MAG-ISA SIYANG nakaupo sa bangko at nagpapahangin habang hinihintay ang susunod niyang klase. Dapat ipapahinga niya ang kanyang isip dahil kagagaling lang niya sa isang mahirap na pagsusulit pero heto na naman at nasa isip na naman niya si Rene. Alam niyang kahit kailan hindi niya sinabi o nasabi sa binata na mahal niya rin ito. Naputol ang kanyang pagmumuni-muni nang maramdaman niyang may tumabi sa kanya, paglingon niya ay si Rene pala ang tumabi sa kanya. 

"Hi!" ang bati ni Rene habang nakangiti siya kay France, "Mukhang malalim ang iniisip mo, ah! Baka mabaliw ka niyan, ikaw rin. Gusto mo bang grumadweyt sa mental hospital?" 

Napangiti lang si France at dahan-dahang umusog siya palayo kay Rene pagtapos ay umusog naman si Rene papalapit sa kanya. 

"Puwede bang magtanong?" tanong ng binata. 

Samantala paparating naman si Kaye, nakangiti siya sa kanyang paglalakad ngunit napawi iyon nang matanaw niya sina Rene at France. Napansin niyang masyadong silang malapit sa isa't isa habang nakaup. Tumayo lang siya sa lugar kung saan napapanood niya ang mga kilos ng dalawa. 

Tumawa si Rene, "Ay, nagtatanong na nga pala ako." 

"Bakit? Ano ba 'yon?" tanong ni France. 

"Nililigawan ka ba ni Will?" 

"Oo." ang diretsong sagot ng dalaga. 

Nagulat si Rene sa narinig niya, hindi niya talaga akalain na tinanggap ni France si Will bilang manliligaw niya. Gusto sanang magpaliwanag ni France sa binata pero mas minabuti niyang huwag na lang upang tuluyan nang magkaroon ng pader sa kanilang dalawa. Nakaramdam naman ng hapdi sa puso si Rene, hindi pa rin siya makapaniwalang hanggang dito na lang sila ni France. 

Samantala hindi namamalayan nila Rene at France ay pinanonood lang silang dalawa ni Kaye sa di kalayuan. Pinipilit ni Kaye na maintindihan ang pinag-uusapan ng dalawa sa pamamagitan ng pagbasa ng kanilang mga labi pero hindi niya magawa dahil natutuon ang pansin niya sa mga mata ni Rene na nakatitig kay France. Ramdam niya ang kakaibang titig ng binata sa kanyang matalik na kaibigan at kahit kailan hindi siya tinitigan ng ganoon ni Rene. Habang tumatagal siyang nakatitig sa dalawa ay para bang aatakihin siya sa puso. Hindi niya namalayan ang paglapit sa kanya nina Daphine at Divine. 

"Ah, bakit kaya masyadong malapit sila sa isa't isa?" ang wika ni Divine habang nakatanaw din kina Rene at France. 

"Mukhang kakaiba ang titig ni Rene kay France di ba?" ang sabi ni Daphine. 

"Sigurado ka bang ikaw ang nobya niya?" patuksong tanong ni Divine. 

"Sinasabi ko sa'yo, bantayan mo 'yang matalik mong kaibigan. " ang sabi naman ni Daphine. 

Sumama ang mukha ni Kaye, binangga niya si Daphine sa kanyang pag-alis at tumakbo siya papalayo. Nakangiting nagtinginan ang dalawang magkapatid at pinagtama pa ang kanilang mga palad sa isa't isa. 

"Sabihin mo nga sa'kin... Sasagutin mo ba siya?" tanong ni Rene. 

Umurong palayo si France kay Rene at narating na niya ang dulo ng bangko, "Malalaman mo rin ang sagot sa tanong mo." 

"Bakit ka ba lumalayo sa'kin?" ang tanong ng binata nang umusog siya ulit papalapit kay France. 

Biglang tumayo si France, "Rene, pakiusap naman. Maglagay tayo ng espasyo sa gitna nating dalawa. May nobya ka na at matalik kong kaibigan ang nobya mo kaya tama na!" 

Huminga ng malalim si France at iniwan niya ang binata samantalang naiwang malamig ang pakiramdam ni Rene. 

Yumuko si Rene at huminga ng malalim, "Hindi ako papayag na makuha ka ni Will, France!" 

Nakaramdam na naman ng lungkot si France habang naglalakad palayo sa lugar na iyon. Nagsasawa na siya sa kalagayan nilang tatlo at gusto na niya ng katahimikan sa puso at isip niya pero paano mangyayari iyon gayong isang mundo lang ang ginagalawan nila? 

"Kahit anung paraan gagawin ko basta makalimutan lang talaga kita, Rene. Kung kailangan kong tanggapin ang pag-ibig ni Will gagawin ko kung ito lang ang paraan para matahimik na tayo."

Nang sumapit ang gabi, nasa kuwarto ni France si Kaye at doon siya matutulog ngayong gabi. Nakapatay na ang ilaw sa kwartong iyon at ang ilaw ng lampshade lamang ang nagbibigay ng liwanag. Nakaupo ang matalik na magkaibigan sa malaking kama at pareho na silang nakasuot ng pantulog. 

"Nag-away ba kayo ni Rene?" tanong ni France. 

"Bakit mo naman natanong 'yan?" 

"Kasi simula pa nung kumain tayo ng hapunan sa labas, hindi mo siya pinapansin siya kanina kahit nagpapapansin na siya sa'yo at pinanindigan mo 'yun hanggang mahiwalay na tayo kina Rene at Cris." 

"Hayaan mo na lang siya!" ang nakasimangot na sagot nito, "Para magtanda. Kinalimutan niya akong sunduin kanina sa huling klase ko." 

"Hindi ba nga defense na namin kanina, ginanap 'yon sa kalagitnaan ng klase mo." paliwanag ni France kay Kaye. 

"Kahit na obligasyon pa rin niyang sunduin ako dapat hindi niya nakalimutan. Ni hindi man lang niya pinaalala sa akin!" 

"Kaye..." 

Biglang ngumiti si Kaye, "Siya nga pala... Kamusta na kayo ni Will?" 

Kumunot ang noo ni France, "Anung kamusta?" 

"Ano ka ba?! Kelan mo ba siya sasagutin?" 

"Sasagutin?! Binasted ko na siya pero ayaw pa rin niyang sumuko." 

"O, ibig sabihin seryoso sa'yo si Will." 

"Teka... Bakit parang tinutulak mo ako kay Will?" 

"Kasi alam ko ang mas makakabuti sa'yo dahil matalik mo akong kaibigan at 'wag kang mag-alala matinong lalaki ang pinsan ko. Wala pa siyang naging nobya, ikaw ang una at malamang huling pag-ibig niya." 

"Hindi ko kailangan ng nobyo." 

"Ay! Hindi! Wag mong sabihin 'yan! Masarap ang may nobyo at sa tingin ko kailangan mo na para hindi ka naman malungkot." sabay niyakap ni Kaye si France. 

"Hay! Naku! Mabuti pa matulog na tayo." ang yaya ni France. 

Sumimangot si Kaye, "O, sige na nga!" 

Pinatay ni France ang lampshade, ang tanging liwanag na naiwan ay ang liwanag ng buwan sa langit at tumatagos sa bintana ng kuwarto. Nagbatian na ang matalik na magkaibigan ng "Good Night" sabay humiga sila sa kama at ipinikit ang mga mata.

Friends 4Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon