Kabanata 13

30 1 0
                                    

KABANATA 13

MATAPOS ANG MARAMING ARAW NA PAGSASANAY, DUMATING NA ANG pinakahihintay ni France at ng kanyang grupo. Ito ay ang araw ng Dance Showdown Competition sa kanilang unibersidad. Masiglang-masigla ang mga manonood, lahat ay nasisiyahan sa labanan. Kahit ang mga propesor, opisyal at empleyado ng unibersidad ay nakikisaya. Masayang nilalait nina Kaye at Cris ang mga kalaban ng grupo ni France samantalang aliw na aliw naman sina Rene at Will sa sayaw ng mga kalahok. Lahat ng mga naunang kalahok na sumayaw ay talagang magagaling, lahat ay hataw na hataw sa tugtog. Talagang mahigpit ang labanan sa sayawang ito! 

"Booooo! Wala 'yan sa Fame Dancers! Laos na 'yan!!!" ang malakas na tuya ni Kaye. 

"Tama!!! Umuwi na lang kayo! Mga pasaway kayo!!!" sigaw naman ni Cris. 

Pailing-iling lang si Will at Rene sa inaasal ng dalawang ito ngunit maya-maya ay natatawa na si Rene sa pinagsasasabi nila. 

"Grabe manira yung dalawa, p're!" natatawang sabi ni Will. 

Natawa si Rene at sinabing, "Pabayaan mo na lang sila. Magsawa sila sa pang-aalaska sa mga kalaban nila France kahit di naman sila naririnig." 

Nang tinawag na ang Fame Dancers, mas lumakas ang hiyawan at tilian. Umpisa pa lang ng tugtog ay talagang hataw na sila. Nahati ang grupo sa dalawa, grupo ng mga lalaki at grupo ng mga babae. Ang nasa unahan ng dalawang grupo ay sina France at Boyet, sa kalagitnaan ng sayaw ay may panibagong pumasok na tugtog, umalis ang grupo ng mga babae at naiwang nagsasayaw ang mga lalaki. Ang mga manonood ay nagpalakpakan ng lakas. Maya-maya ay ibang kanta naman ang tumugtog, dumating si France at ang kanyang kasamang mga babae. Umalis ang mga lalaki sa gitna ng entablado at ang mga babae naman ang humataw. 

Nakapako lang ang paningin ni Rene kay France habang nagsasayaw ang dalaga. Napangiti ang binata sa suot ni France, ang suot niya na pang-itaas ay maong na jacket at spaghetti strap blouse at sa pang-ibaba ay hipster na elephant jeans. Iba talaga si France sa ngalan ng pagsasayaw kahit magsusuot s'ya ng ayaw n'yang suotin na damit ay gagawin pa rin niya. Hiyaw nang hiyaw si Kaye at tili nang tili naman si Cris. 

"Love you, F1!!!! Whoooh! Go!!! Whoooh!" sigaw ni Kaye. 

"Grabe!!! France, isa ka talagang alamat!!!" ang sigaw ni Cris at tumili pa. 

Kasabay ng pagpunta ng mga lalaki sa gitna ng entablado ay ang pagpasok ng bagong tugtog, umalis ang mga babae at silang mga lalaki naman ang humataw ulit. Walang tigil ang palakpakan, tilian at hiyawan sa loob ng gymnasium. 

Tumili si Cris at sabay sinabing, "Papa Boyet!!!! Love you!!!" 

"Go boys!!!!" sigaw ni Kaye. 

Nakihiyawan na rin sina Will at Rene dahil talagang umiinit ang sayawan sa entablado. Nang nag-iba ulit ang tugtog ay pumunta ulit sa entablado si France at ang mga kasamang babae. 

Nakapako na naman ang paningin ni Rene kay France, "Hindi ko na kayang magpanggap. Aatras na ako sa panliligaw ko kay Kaye at sisimulan ko ulit ang panliligaw sa'yo. Wala na akong pakialam kung ano man ang mangyari basta makapiling lang kita." 

Samantala titig na titig din si Will kay France, kung makatingin siya ay parang tinutunaw niya ito. Talagang malaki ang paghanga niya sa dalaga sa talento nito lalo na sa ugali at talino. 

Nang mag-iba na naman ang kanta ay nagharapan ang grupo ni France at grupo ni Boyet. Nag-iwan sila ng malaking puwang sa gitna nila. Isa-isang nagpakita ng break dance ang bawat isa sa puwang na ginawa nila. Tumindi ang hiyawan, tilian at sigawan nang nagpatalbugan na sa break dance sina France at Boyet. Kasabay nang pagtapos ng tugtog ay pinagtama ni France at Boyet ang kanilang palad sa isa't isa. Sabay silang tumambling paatras at kinawayan ang mga manonood. Lalong tumindi ang ingay na para bang nasa sabungan sila. Tuwang-tuwa si France hindi n'ya napapansin ang tumatagaktak na ang mga butil ng pawis sa kanyang mukha, nakita n'ya ang kanyang mga kaibigan na pumapalakpak at hindi n'ya napigilang sulyapan si Rene na nakangiti pala sa kanya.

Friends 4Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon