Kabanata 20

55 1 0
                                    

KABANATA 20

NAKAHIGA SI FRANCE SA KANYANG KAMA AT SIYA AY MAHIMBING na natutulog. Ilang sandali pa ay binuksan niya ang kanyang mga mata at namalayan niyang siya pala ay nasa kwarto na niya. Maliwanag na maliwanag ang buong kwarto, tinignan niya ang wallclock at nakita niya na ala-una na pala ng hapon. Tumingin siya sa kanyang malaking kalendaryo na nakasabit sa pader. Huminga siya ng malalim dahil naalala na niya ang mga nangyari bago siya nawalan ng ulirat. Napagtanto niya rin na kahapon ang ika-tatlong anibersaryo ng kanilang pagkakaibigan at sa unang pagkakataon ay nasira ang dapat masayang pagdiriwang nilang magbarkada. 

May tumulong luha sa mga mata niya, hindi na naman niya mapigilang umiyak at sisihin ang sarili sa nangyari. Hindi rin niya mapigilang kamuhian ang nararamdaman niya para kay Rene. Alam niyang lampas hanggang langit na ang galit ng kanyang matalik ng kaibigan sa kanya. Nakita niya ang malaking teddy bear na bigay ni Kaye sa kanya sa tabi, kinuha niya ito at niyakap ng mahigpit. Maya-maya'y naramdaman niya na may bumukas ng pinto, pagtingin niya ay si Cris pala ang dumating. Marahan siyang bumangon at tinitigan maigi ang kanyang kaibigan. 

Ngumiti si Cris, "Sa wakas at nagkamalay ka na." lumapit siya sa kama at umupo sa tabi ni France, "Akala ko, kailangan ka pa naming itakbo ng Kuya mo sa ospital. Mabuti na lang at magaling mag-alaga ang kapatid mo. Grabe kasi ang taas ng lagnat mo kahit ako muntikan nang himatayin sa nerbiyos, eh! Natuyo ang kagandahan ko sa sobrang kaba!" 

Hinawakan ni France ang dalawang braso ni Cris, "Si Kaye?! Anong nangyari sa kanya?! Nagpakamatay ba siya?! Sabihin mo sa'kin, anong nangyari?!" at niyugyog niya si Cris. 

"Huminahon ka. Hindi siya nagpakamatay, magdamag siyang umiiyak at umiinom ng alak sa kuwarto niya. Hindi na nga malaman nila Tito Roman at Tita Rosita ang gagawin sa kanya." 

Biglang humagugol ng iyak si France, "Kasalan ko 'to!" 

"Ano ka ba? Wala kang kasalanan!" niyakap niya si France at hinagod ang likod nito, "Tumahan ka na nga..." 

Samantala nasa silid-kainan si Fred at natapos na niyang ilagay sa tray ang pagkain na inihanda niya para kay France. Bubuhatin na sana niya ang tray ngunit pinigilan siya ng tunog ng doorbell. Iniwan niya ang pagkain upang lumabas at puntahan ang pintuan. Napahugot siya ng malalim na hininga pagtapos niyang bukasan ang pinto dahil si Rene ang nakita niya. Matamlay ang mukha nito at halos hindi makatingin sa kanya ito ng diretso. 

"Anong ginagawa mo dito?" 

"Gusto ko sanang...kamustahin si...France." malumanay na sagot ng binata. 

"Muntikan lang naman siyang mamatay sa lagnat!" 

Napatulala si Rene sa narinig niya at hindi siya gumalaw sa kanyang kinatatayuan niya. Sumandal si Fred sa pintuan at pinagkrus ang kanyang mga braso. 

"Pero 'wag kang mag-alala. Ayos na siya, kaya makakaalis ka na!" sabay hinawakan ni Fred ang pinto at aakmang isasara na ito. 

"Mahal ko talaga ang kapatid mo..." 

"Wala akong pakialam kung mahal mo talaga ang kapatid ko! Ang sa'kin lang ayoko ng gulo! Kaya kung ako sa'yo," sabat dinuro ni Fred si Rene, "puntahan mo na ang nobya mo at ayusin ninyo ang problema ninyo!" ang nanggigigil na sabi niya. "Salamat na lang sa pagdalaw mo. Makakaalis kana!" 

Magsasalita pa sana si Rene ngunit biglang pinagsaraduhan siya ng pintuan ni Fred. Idinikit ni Rene ang kanyang noo sa pinto sabay kumatok at tinatawag si Fred ngunit di siya sinagot nito. Tinaggal ni Rene ang kanyang noo sa pinto at huminga ng malalim. Paglingon siya ay tumambad sa kanya si Will, nakatayo ng di kalayuan sa kanya at tinititigan siya nito ng masama. Tinitigan din niya ito at walang sali-salitang dinaanan lang niya si Will. 

Friends 4Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon