A/N: Third person ang gamit ko sa story na 'to <3 Sana mahalin niyo rin ang bagong boylet sa buhay ko gaya ng pagtanggap niyo sa BHO CAMP boys, kay Gaige, at kay Bossing Thorn :* Lab yah lovies!
CHAPTER 1
"Noong maganap pa lang ang unang paglikha pinanatili na ang balanse sa mundong ginagalawan. Bago pa lang magawa ang orihinal na kasalanan ay nabuo na ang konsepto ng kasamaan at kabutihan. Nakakubli sa kamalayan ng unang babae at lalaking nilikha hanggang sa ginawa nila ang orihinal na kasalanan na nagmulat sa kanilang mga mata para husgahan ang tama sa kamalian.
Pitong sangay ng kasalanan ang nabuhay mula sa paglabag sa utos ng Lumikha; Kapalaluan, Inggit, Katakawan, Poot, Pagkaganid, Katamaran, at Kahalayan. Laban dito ay nilikha ang pitong bertud na proteksyon sa temptasyon na dulot ng pitong nakamamatay na kasalanan. Pagpapakumbaba, kabaitan, pagtitimpi, pasensya, karidad, sigasig, at kalinisang-puri ang bigat na nakadantay sa kasalungat ng timbangan upang mapanatili ang pantay na daloy ng liwanag at dilim sa sansinukob.
Sa pagdami ng disipulo ng Lumikha upang ipalaganap ang kabutihan sa lugar na pinaninirahan ng buhay na mga nilalang ay ganoon din ang mga alagad na siyang nanalig sa pagkalat ng kasamaan. Isa sa unang nilikha na naging masugid na tagasunod na matatawag sa panig ng kasamaan ay ang Sukubo na sa pamamagitan sa pakikipagsiping sa mga lalaki ay dumadagdag ang lakas na nakakamkam at patuloy na nadadagdagan ang buhay. Lubos ang lakas ng unang Sukubo dahilan sa pagkakaroon niya ng kakayahan na padamihin ang kaniyang lahi. Siya ang lumikha ng unang Ingkubo, ang lalaking katumbas ng Sukubo, at sa tulong nito ay pinalaganap nila ang kanilang lakas.
Naging lubos ang pagdami, lubos na pagkaganid na lamangan ang disipulo ng kabutihan. Para mapanatili ang balanse tinanggalan ng nasa itaas ang lahat ng mga ito ng kakayahan na padamihin ang bilang ng sinasakupan sa pamamagitan ng pagbuo ng supling sa mga mortal. Ang tanging paraan na lang upang madagdagan sila ay ang ianib sa kanila ang mga kaluluwang ipinatapon sa apoy ng impyerno. Hindi kasing puro ng paglikha mula sa kanilang sariling kakayahan. Dahil dito ay tila tinanggalan ng kapangyarihan ang mga sukubo at ingkubo maliban sa unang nilikha na siyang ang orihinal na sukubo. Ito ang naging hudyat ng tahimik na kasunduan na mapanatili ang pantay na bigat sa magkabilang eskala. Kasama ng iba pang mga kasalanan ay patuloy nilang isinasagawa ang kanilang sari-sariling layunin; sa mga sukubo at ingkubo ito ay ang patuloy na pagbiktima sa mga mortal para makuha ang lakas ng mga ito."
Umihip ng malakas ang hangin dahilan para mapatigil sa pagkwento ang ama ng tatlong batang mga lalaki. Nakaupo sila sa damuhan habang natatabingan ng malagong dahon ng puno ang araw na nakatutok sa direksyon nila.
Matiyagang nakikinig ang sampung taong gulang na batang lalaki habang ang nakababatang kapatid ay nakapalumbaba na bahagya pang napapapikit ang mga mata, at ang bunso naman ay naaagaw na ng mga makukulay na insektong lumilipad ang atensyon.
"Bakit po ang unang Sukubo lang ang hindi natanggalan ng lubos na kapangyarihan?" tanong ng nakatatandang batang lalaki.
"Dahil orihinal siya na nilikha mula sa dungis ng pagkakasala. Hindi katulad ng mga sumunod pa na nanggaling pa rin sa mga mortal na naging biktima lang nila."
"Ibig sabihin po ba ay pwede maging normal na tao muli ang iba?"
Natigilan ang matandang lalaki sa tinuran ng anak. Tila kay layo ng nirating ng diwa niya na animo biglang lumipad palayo sa kasalukuyan. Kung hindi pa niya naramdaman ang pagkilos ng bunsong anak para habulin ang insekto na lumilipad ay hindi pa mapuputol ang tila malalim niyang iniisip.
"Ang kaakibat na pinamanang pagkakasala ng mga sukubo at ingkubo ay nakapaloob sa kanilang eksistensiya. Nabuhay sila sa layunin na gumawa ng kasalanan ng paulit-ulit. Nilikha sila para sa bagay na iyon. Walang sinuman ang nagnais na kumawala maliban sa isa. Ang unang Ingkubo."
BINABASA MO ANG
D-Lair Trilogy #1: Rovan Veserra
RomancePakiramdam ni Eliana Azarel ay siya na ang pinakamalas na tao sa buong mundo. Sunod-sunod ba naman kasi ang kinakaharap niyang problema. Kaya nga nang may magbigay sa kaniya ng business card na makakatulong daw sa kaniya ay kaagad niyang pinatulan i...