Epilogue

12.3K 517 53
                                    

EPILOGUE

Nakapikit na inabot ni Eliana ang cellphone niya nang marinig niya ang pagtunog no'n. Kinapa niya ang bed side table at nang magawa niyang hawakan ang aparato ay saka lang siya nagbukas ng mga mata. Pinatay niya ang alarm no'n at imbis na bumangon ay nananatili siyang nakahiga sa kama habang nakatingin sa kisame.

Hindi pa nagsisimula ang araw pero napapagod na siya. Ang gusto niya na lang ay ang magkulong sa kwarto niya. Dahil nakakapagod. Nakakapagod humarap sa lahat at ipakita sa mga ito na masaya siya kahit hindi iyon ang nararamdaman niya. Nakakapagod na kahit anong gawin niya parang may kulang.

Sa totoo lang ay hindi niya rin maintindihan ang sarili. Kung tutuusin swerte siya. Walang-wala siya pero isang araw gumising na lang siya na nasa kaniya na lahat. Isang araw parang pinagsakluban ng langit at lupa ang buhay niya kung saan wala siyang pera, may sakit ang nanay niya, at wala siyang trabaho. Pero nang sumunod ay gumising siya na iba na ang buhay niya mula sa buhay niya na alam niya. Nagising siya sa isang ospital dahil natagpuan daw siyang walang malay sa isang simbahan. Hindi niya alam kung paano siya nakarating doon dahil ang huli niyang naaalala ay tumatawid siya ng daan palayo sa opisina niya kung saan siya nasesante. Ang sabi din sa kaniya may isa pa daw pasyente na katulad niya ang sitwasyon na dinala sa ospital pero hindi katulad niya ay hindi pa raw gumigising ang pasyente na iyon kaya nagdesisyon ang pamilya nito na iuwi na ito.

Hindi niya maintindihan ang nangyayari nang mga panahon na iyon pero mas lalong hindi niya maintindihan nang dumating ang nanay niya na ang alam niya ay nasa ospital. Magaling na ito at kalalabas lang ng ospital dahil magaling na raw ito. Bukod pa roon ay umuwi sila sa malaking bahay at may pera sila. Pera na ang sabi ng nanay niya ay nakapangalan sa kaniya na natagpuan ng mga ito sa bahay. Ang bahay din daw ay nakapangalan sa kaniya at kalilipat lang nila roon. Hindi rin alam ng nanay niya kung paanong nangyari lahat ng iyon basta raw nang lumabas ito ng ospital ay magandang buhay na ang sumalubong dito.

Wala siyang maalala ni isa sa mga iyon. Ang alam niya lang ay gumising siya na meron na siya ng lahat. Isang milagro. Isang malaking swerte. Pero bakit hindi niya maramdaman iyon? Bakit pakiramdam niya ang laki ng nawala sa kaniya?

"Eliana?"

Tumingin siya sa pinto nang maingat na bumukas iyon. Sumungaw ang ulo ng nanay niya at may maliit na ngiti na sumilay sa mga labi nito nang makitang gising na siya, "Gising ka na pala. Akala ko nagsulat ka pa kagabi. Sasabihin ko lang sana na aalis ako kasama ni Pearl at pupunta lang kami sa may clubhouse."

Bumangon siya para makaupo at nilingon niya ang desk na nasa isang gilid ng kwarto niya. Sa ibabaw no'n ay may laptop at sa tabi no'n ay may apat na libro. "Bukas ko pa itutuloy, Nay. Ayaw pa kasing gumana ng utak ko para magsulat."

Pumasok ito sa kwarto at lumapit sa kaniya. Umupo ito sa tabi ng kama niya bago inangat ang kamay para hawiin ang magulo niyang buhok. Automatikong napaatras siya, may ibayong sakit na tila tumarak sa kaniya sa ginawa nito na iyon. Binaba nito ang kamay at sa halip ay pinisil na lang ang braso niya.

Sanay na ang ina niya sa mga bagay na kahit siya ay hindi alam kung bakit niya iniiwasan. Basta may mga pagkakataon na ayaw niyang gawin ang isang bagay kahit pa wala naman siyang maalala na dahilan. Ayaw niyang tumitingin sa bakanteng bahay sa tabi ng sa kanila, ayaw niyang natutulog na may espasyo sa tabi niya kaya kailangan marami siyang unan, ayaw niyang sumasakay sa passenger seat, hindi siya nag-aalmusal sa bahay, hindi niya gustong nakikita ang patio set sa bahay nila, hindi siya pumupunta sa convenience store malapit sa tinitirhan, at ayaw niyang pumapasok ng simbahan. Dahil lahat ng iyon pakiramdam niya ay ikinadudurog ng puso niya at hindi niya iyon maintindihan.

"Kailangan mong lumabas, Anak. Nag-aalala na ako sa'yo."

"Nay, ayos lang ako." pilit ang ngiti na sabi niya rito.

D-Lair Trilogy #1: Rovan VeserraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon