CHAPTER 18
Hindi magawang itigil ni Eliana ang pag paparoon parito niya habang kagat ang ibabang labi na napapatingin sa ngayon ay natutulog na si Rovan. Pagkatapos ng nangyari sa jacuzzi at mag-aya na itong umahon ay halata na niya ang tila panghihina ng lalaki. Tinangka niya itong tulungan pero tumanggi ito at sa halip ay pinakiusapan siya kung pwedeng umorder siya ng pagkain dahil nagugutom ito. Iyon na nga ang ginawa niya pero nang balikan niya ito sa kwarto ay natagpuan niya itong nakasadlak sa sahig at walang malay. Ngayon nga ay isang oras na ang nakakalipas at malamig na ang pagkain na dumating. Hanggang ngayon din ay hindi niya pa rin alam kung anong gagawin niya.
Muli siyang napabuntong-hininga at lumapit sa kama. Umuklo siya at inilapat niya ang palad niya sa noo ng lalaki. Napasinghap siya at marahas niyang binawi ang kamay niya. Normal na mainit ang temperatura ni Rovan pero sa pagkakataon na ito ay tila nag aapoy ito sa sobrang init na ang hawakan lang ito saglit ay nakakapaso na sa pakiramdam.
Napapitlag siya nang marinig niya ang pag-ungol ni Rovan. Natatarantang tumakbo siya palabas ng kwarto at nagtungo ng kusina. Binuksan niya ang freezer at kumuha ng yelo ro'n. Kalalagay niya lang ng ilan sa mga iyon kanina. Kung ano-ano na ang pinaglagyan niya. Tupperware, plastic, maging mga cup na nakita niya.
Hindi niya alintana kahit na hindi pa buong solido ang mga iyon at itinakbo niya na iyon paakyat pabalik sa kwarto kung nasaan ang lalaki. Ibinaba niya ang mga iyon sa bed side table at pagkatapos ay inabot niya ang bimpo na nakuha niya sa banyo kanina. Kaagad niyang hinuho ang ilan sa mga yelo roon at maingat niya iyong tinalian gamit ng tali niya sa buhok bago niya idinikit sa mukha ni Rovan.
Kita ang hirap sa mukha nito na para bang lumilikha ng pisikal na latay ang init na gumagapang sa buong katawan nito. Sa kabila rin ng lamig na nagmumula sa air conditioning ay nananatili ang butil-butil nitong pawis.
"Rovan...hindi ko alam ang gagawin ko." mahina niyang bulong habang pinipigilan ang pangangatal ng mga labi. Halos malasahan niya ang sariling dugo sa pagkakakagat niya sa mga iyon.
Alam niya kahit hindi pa nito sabihin na hindi siya maaaring tumawag ng doktor dahil hindi normal ang nangyayari rito. Tiyak siyang walang ospital ang magagawang solusyunan ang problema ni Rovan.
Halos mabitawan niya ang hawak nang bigla na lang magmulat ng mga mata ang lalaki. Ngunit hindi ang maamong mga mata nito ang sumalubong sa kaniya dahil ang noon ay itim na mga mata ng lalaki ngayon ay pulang-pula. Hindi na pwede 'to. Kailangan may gawin ako.
"Don't be scared." he whispered in a pained voice. "J-Just...just sleep in another room, Eliana."
Umiling siya at muli niyang idinikit ang bimpo na may yelo sa mukha nito. "Hindi ako natatakot. Dito lang ako. Hindi ako aalis sa tabi mo."
"Eliana..."
"Kailangan kitang itayo. Hindi ko alam kung paano...pero kailangan...."
Halos buong lakas niya ang kinuha nito nang alalayan niya ito at mahiga sa kama. Hindi niya alam kung paano niya magagawa iyon ulit na sa pagkakataong ito ay sa may kalayuang distansiya. "Rovan, please..."
Muli itong napaungol na tila ba hirap na hirap ito na ikilos ang katawan nito. Sa kabila niyon ay pinilit nito ang sariling katawan na maingat habang siya ay kaagad dinaluhan ito. Nilagay niya ang braso nito sa balikat niya at inalalayan niya ito sa pagtayo. Pinigilan niya ang sarili na gumawa ng ingay hindi lang dahil sa bigat nitong nakadantay sa kaniya kundi maging sa balat nito na nagdudulot ng hapdi sa balat niyang nadidikitan niyon.
"Okay lang tayo. Okay lang, Rovan, ha? Kaya natin 'to."
Hindi iilang beses na tumama sila sa kung saan at hindi rin iilang beses na halos manghina ang mga tuhod niya. Pero hindi niya binitawan ang lalaki. Nanatili siyang pinapasan ang bigat ng katawan nito at tinitiis ang pagkagat ng sakit sa balat niya hanggang sa makarating sila sa banyo.
BINABASA MO ANG
D-Lair Trilogy #1: Rovan Veserra
RomancePakiramdam ni Eliana Azarel ay siya na ang pinakamalas na tao sa buong mundo. Sunod-sunod ba naman kasi ang kinakaharap niyang problema. Kaya nga nang may magbigay sa kaniya ng business card na makakatulong daw sa kaniya ay kaagad niyang pinatulan i...