CHAPTER 7
Pilit niyang kinakalma ang sarili at pinipigilan ang mga luhang gustong bumagsak mula sa mga mata niya habang tinitignan ang nanay niya. Nakatulog na ito dahil sa lubos na panghihina. Katatapos lang ng isa na namang dialysis session nito.
"Anak, parang hindi ko na kaya."
Napakagat siya sa ibabang labi at nag-angat ng tingin para pigilan ang luhang nagsimula ng mangilid sa mga mata niya. Hindi siya pwedeng umiyak dito kasi ayaw niyang makita ng ina na nahihirapan siya. Kailangan niyang maging matatag para sa kanilang dalawa. Kaya lang ang hirap pala. Ang hirap kasing makita ito na nagkakaganito.
Hindi niya pa kayang mawala ito. Ito na lang ang nag-iisang kasama niya sa mundo. Paano na lang siya kapag nawala ito? Para saan pa ang mga ginagawa niya kung wala na ito para makasama niya? Alam niyang selfish ang mga gano'ng isipin ngayong nahihirapan na ang nanay niya. Pero kasi hindi niya kaya na isuko ito basta-basta.
Kahit na parang pakiramdam niya hindi pa natatapos ang laban nila ay tila sinasabi na ng mundo na malaki ang tiyansa na hindi sila ang mananalo. Pero anak siya eh. Hindi siya basta pwedeng mawalan ng pag-asa lalo na ngayon na nahihirapan na ito. Kailangan niyang maging malakas para rito.
Huminga siya ng malalim bago siya bumaling sa ina. Hinawakan niya ang rosaryo na inilagay niya sa kamay ng ina at pagkatapos ay inayos niya na ang kumot nito. Maingat niyang ginawa iyon para hindi magalaw ang mga nakakabit dito.
Nalasahan niya ang sariling dugo nang mapadiin ang pagkakakagat niya sa ibabang labi niya. Kusa na kasing naglandas ang mga luha mula sa magkabila niyang pisngi habang nakatingin sa ina kahit ano pang pigil niya roon. "Nay, sorry, pero 'wag muna ha? Konti pa, Nay. Laban pa tayo. Hindi ko pa talaga kayang maiwan eh. Hindi ko pa kaya na wala ka. Ikaw na lang ang kakampi ko."
Halos hindi na niya makita ang ina sa sobrang panlalabo ng mga mata niya. Humugot siya ng malalim na hininga bago pilit niyang kinumbinsi ang sarili na tumalikod na at umalis. Namataan pa niya ang nurse sa ICU na nakikisimpatyang nakatingin sa kaniya. Binigyan niya lang ito ng maliit na ngiti bago siya tuluyang lumabas sa lugar na iyon.
Tumuloy siya ng elevator at akmang pipindutin ang floor kung saan naroon ang hospital room na tinutuluyan niya nang magbago ang isip niya. Nanghihinang napasandal siya sa malamig na pader ng elevator habang nararamdaman ang pag-akyat niyon. Nilagpasan no'n ang orihinal na palapag na pupuntahan niya dapat hanggang sa tumigil iyon sa pinakamataas na bahagi ng ospital. Lumabas siya roon at tumuloy sa isang pintuan na nakita niya.
Niyakap niya ang sarili nang pagbukas ng pintuan ay malamig na hangin ang sumalubong sa kaniya. Naglakad siya papunta sa pinakadulo kung saan tanaw niya ang maliliit na ilaw na siyang tanging makikita sa madilim na kabuuan na pumapaligid sa kinaroroonan niya.
Huminga siya ng malalim at bahagyang hinawi ang buhok niyang nililipad ng hangin at pagkatapos ay tumingin siya sa kalangitan na walang kahit na isang bituin.
"Lord, pwedeng humiling ng konti pang oras? Hindi pa kasi ako nakakabawi kay, Nanay. Gusto ko pa kasing maranasan niya 'yong maalwan na buhay na ipinangako ko sa kaniya. K-Kaya 'wag po muna." basag ang boses na bulong niya sa kawalan.
Akala niya ay magagawa niyang saidin ang mga luhang nagkukumawala mula sa kaniya ngunit nagpatuloy ang mga ito sa pagbagsak na tila galing sa balon na walang katapusan. Muling umihip nang malakas ang hangin ngunit nanatili siya sa tahimik na pag-iyak. Hanggang sa maramdaman niya ang mainit na bagay na dumampi sa pisngi niya.
Gulat na napaangat siya ng tingin kung saan ang mukha ni Rovan ang nakita niya. Hindi niya man lang naramdaman ang paglapit nito.
"A-Anong ginagawa mo rito?"
BINABASA MO ANG
D-Lair Trilogy #1: Rovan Veserra
RomancePakiramdam ni Eliana Azarel ay siya na ang pinakamalas na tao sa buong mundo. Sunod-sunod ba naman kasi ang kinakaharap niyang problema. Kaya nga nang may magbigay sa kaniya ng business card na makakatulong daw sa kaniya ay kaagad niyang pinatulan i...