Chapter 10: Own

11.3K 436 41
                                    

CHAPTER 10

Naiwang nakatayo si Eliana sa labas ng bahay ni Rovan nang umalis na ang taxi na kanina ay kinasasakyan niya. Kagagaling niya lang sa ospital at sapilitan na siyang pinauwi ng nanay niya na habang lumilipas ang mga araw ay mas lalong lumalakas. Kaya nga may energy na ito para ipagtabuyan siya.

Ganoon naman kasi ang nanay niya. Kapag nagkakasakit ito ay ayaw na ayaw nitong tinatrato ito na para bang imbalido. Sanay kasi ang nanay niya na ito ang nag-aalaga at hindi ang kabaligtaran.

Nagbaba siya ng tingin sa nakasukbit sa balikat niya na bag. Isa iyon sa mga binili ni Rovan. Gusto kasi nitong gamitin niya ang mga pinamili nito at dahil ayaw din naman niyang masayang ang mga ginastos nito ay sinunod na lang niya ang lalaki. Isa pa ang bag na 'to ang pinakapaborito niya na gamitin dahil ito ang pinakasimple sa lahat ng mga pinamili ni Rovan. Itim lang iyon at maliit kaya madaling bitbitin at hindi rin nakakaagaw pansin. Maliban na lang siguro sa mga nakakakilala talaga ng mga mamahalin na gamit.

Kasi kung siya ang tatanungin ay hindi naman niya malalaman na mahal iyon kung sa isang tingin lang. Marami namang peke kasi niyon panigurado na mabibili sa Baclaran o sa mga online shop.

Binuksan niya ang bag at kinuha niya ro'n ang cellphone niya. Isa pa iyon. Bago rin. Lahat na lang ata ng gamit niya ay bago dahil kay Rovan. Noong una naiilang siya sa mga ginagawa nito pero ngayong malapit na siyang mag isang buwan na kasama ito ay nagsisimula na siyang masanay dito. Hindi kasi si Rovan ang klase ng tao na mapipigilan sa gusto nitong gawin.

At oo, halos isang buwan na silang magkasama. Lumagpas na sila sa orihinal nilang napagkasunduan. Pero wala itong binabanggit tungkol doon at maging siya ay hindi itinatanong ang bagay na iyon sa lalaki.

Binasa niya mula sa notes ng cellphone ang pin number ng bahay na hanggang ngayon ay hindi pa rin niya kabisado. Kadalasan naman kasi kapag umuuwi sila pabalik do'n ay kasama niya ang lalaki kaya ito na ang nagbubukas ng bahay. Kaya nga lang mamaya pa ito makakauwi kaya pinauna na siya nito. Kailangan niya rin kasing intayin ang dadating na mag-aayos sa kaniya.

May a-attendan kasi na charity ball si Rovan at gusto nitong isama siya. Dapat ay ang mga kapatid ng lalaki ang mga kasama nito pero hindi naman makakasama ang isa nitong kapatid habang ang isa ay may kasama ng kapareha.

Ilang beses na niyang nakita ang mga kapatid nito na sina Lucius at Halton. Mas maayos na nga lang ang mga sumunod kesa noong unang beses niyang nakita ang mga ito at tinakot siya. Galit na galit si Rovan sa mga ito ng mga oras na iyon at kung hindi nga lang niya siniguro sa lalaki na okay lang siya at nagulat lang ay baka literal na pinatalsik na nito ang mga kapatid palabas ng bahay. Pero mababait naman ang mga kapatid ni Rovan. May mga pagkakataon nga lang na katulad ng binata ay may ugali ang mga ito na para bang nanadiyang...lumandi. Pero mukha namang natural na talaga sa mga ito iyon at harmless naman. Tinatawanan na nga lang niya minsan. Hindi nga lang natutuwa sa mga ito si Rovan.

Tumuloy siya sa kwarto na ginagamit nila ni Rovan at ibinaba niya ang bitbit sa kama. Akmang hihiga sana siya ro'n nang mapapitlag siya sa pagkagulat dahil sa biglang pagbagsak ng kung ano. Nagpalingon-lingon siya at hinahanap ang bumagsak hanggang sa mapadako ang tingin niya sa isang panig ng malaking kuwarto kung saan naroon ang malaking bookcase ni Rovan. Umuklo siya at kinuha ang libro na nahulog. Akmang ibabalik na niya iyon sa kinalalagyan nang may mapansin siya na buton na nasa gilid ng bookcase. Kung hindi lalapit do'n at hindi magagawi sa parte na iyon ang paningin ay hindi pa magiging kapansin-pansin iyon.

Bago pa niya mapigilan ang sarili at dala na rin ng kursunidad ay pinindot niya ang nakitang buton. Napaawang ang mga labi niya nang sa isang iglap ay nakarinig siya ng mahinang langitngit kasabay ng dahan-dahan na pagbukas ng bookcase na para bang isang pintuan iyon.

D-Lair Trilogy #1: Rovan VeserraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon