Chapter 2: Red

14.7K 448 30
                                    

CHAPTER 2

Abala si Eliana sa pag-aayos ng mga gamit na dadalin niya. Umuwi lang naman kasi siya sa tinitirhang apartment para laban ang mga marurumi niyang damit at para na rin makakuha ng panibago. Halos magdadalawang buwan na kasi siyang namamalagi sa ospital kung saan ngayon naka-confine ang nanay niya.

Binuksan niya ang isa sa mga kahon na nakakalat sa kwarto. Puno iyon ng damit niya. Magtatatlong buwan pa lang kasi mula ng lumipat sila ng kaibigan niya sa apartment na iyon. Wala kasi talagang laman ang apartment kaya wala pa rin siyang malalagyan ng mga damit. Hindi naman niya na nagawang intindihin iyon dahil sa biglang pagkakaospital ng nanay niya. Mas malaki nga lang talaga ang apartment kesa sa dati nilang tinitirhan at may tatlong kwarto. Ideya iyon ng kaibigan niya dahil nalaman nito na kinakailangan nilang ibenta ang maliit na bahay sa Laguna para patuloy na matustusan ang kinakailangan ng nanay niya sa ospital. Minungkahi nito na lumipat na lang sila ng apartment kung saan pwede nilang makasama ang nanay niya kapag nakalabas na ito.

Mas gusto niya naman talaga iyon. Hindi naman kasi niya talaga gustong umalis sa probinsiya. Kaya lang kinakailangan niyang magtrabaho sa Maynila kaya napilitan siyang mag board. Mabuti na lang at kasama niya ang malapit na kaibigan noong college kaya kahit paano ay nakayanan niya ang pamumuhay sa siyudad.

Pero ngayon ay narito na rin sa Maynila ang nanay niya dahil na rin sa tulong ng dating doktor nito. Ito kasi ang nag rekomenda sa Angelstone Medical Hospital kung saan may medical assistance program na makakatulong sa kanila ng nanay niya.

Malala na kasi ang diabetes nito kaya nagkaroon na ng iba't-ibang komplikasyon lalong-lalo na sa kidney nito. Noon insulin lang ang pinaggagastusan nila pero ngayon ay napilitan na siyang ipa-dialysis ito. Ang problema kahit iyon ay hindi na sapat.

"Els! Nakauwi ka na pala."

Nag-angat siya ng tingin mula sa ginagawa. Namataan niya ang kaibigan na si Mila na nakatayo sa pintuan. Mukhang ayos na ayos ito at malamang ay galing na naman sa pakikipag-date. Sabado kasi ngayon kaya tiyak na lumakwatsa na naman ito kasama ng kung sinong pontio pilato na bagong "forever" na naman ng kaibigan.

Sa totoo lang hindi niya talaga alam kung paano silang nagkasundong dalawa. Mahiyain kasi siya habang ito naman ay hindi nauubusan ng mga bagong kilala. Kaya nga mula nang matapos sila sa kolehiyo ay ito pa lang ang matatawag niyang malapit niyang kaibigan habang ito ay marami ng mga nakilala.

"Sandali lang din ako. Alam mo namang hindi ko maiiwan si nanay ng matagal na mag-isa sa ospital."

Pumasok ito sa kwarto at pagkatapos ay umupo sa kama niya, "Kamusta na nga pala si tita? Alam na ba raw kung kailan siya makakalabas?"

Natigilan siya sa tanong ng kaibigan. Iyon din kasi ang gusto niyang malaman. Iyon ang gusto niyang mangyari. Gusto na niyang makalabas ang nanay niya ng ospital kasi alam naman niyang ayaw nito manatili roon. Hindi naman ang pera ang problema niya. Kaya niya naman kumayod ng kumayod para lang matustusan lahat ng pangangailangan nila. Kahit pa magkandakuba siya basta lang maging ayos na ang nanay niya.

"Els okay ka lang?"

Parang naging hudyat ang tanong nito na iyon para kumawala lahat ng nararamdaman niya na pilit niyang itinatago at itinatanggi sa sarili niya nitong mga nakaraang linggo. Kailangan niya kasing magpakatatag. Wala siyang panahon para sa kahit na ano dahil ang iniintindi niya lang ay ang maipagamot ang ina.

Pero hindi siya okay. Hindi siya okay kasi nahihirapan siya sa nakikitang nangyayari sa ina niya. Hindi niya kayang makita ito na nanghihina at parang sumusuko na sa kalagayan nito. At kahapon...kahapon akala niya talaga tuluyan na siyang iiwan nito.

D-Lair Trilogy #1: Rovan VeserraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon