CHAPTER 9
Pinadaanan ni Eliana ng mga kamay ang hilera ng damit na nasa harapan niya. Iba't ibang kulay, disenyo, maging ang mga materyales na ginamit sa mga iyon. Pero kung may isa siyang natitiyak ay sigurado siyang lahat iyon ay hindi basta-basta ang halaga. Isang tingin pa lang kasi ay mukha ng mamahalin ang mga damit na nasa harapan niya.
Inaasahan niya kasi na sa ordinaryong mall lang sila pupunta ni Rovan pero sa pagkagulat niya ay naging malayo ang biyahe nila at ngayon nga ay nandito na sila sa isang tila prestihiyosong mall na wala siyang makilala kahit isa man lang na establishimento sa loob.
"Kunin mo lahat ng gusto mo."
Napalingon siya sa lalaki na ngayon ay nakatayo na pala sa likuran niya. Muli niyang ibinalik ang tingin sa mga damit. Kahit isa lang siguro no'n ay sobra-sobra na para sa kaniya.
Inangat ni Eliana ang kamay at hinawakan ang isa. Bumaba iyon sa tag price ng damit at napabitaw kaagad siya sa nakitang presyo. "Wag na lang kaya? Marami pa naman akong mga damit. O kaya sa iba na lang. Masyadong mahal dito."
Napaigtad siya nang maramdaman niya ang kamay ng lalaki na pumaikot sa bewang niya. Sa pagkagulat niya ay inikot siya nito hanggang sa mapilitan siyang humarap dito. Pinasadahan siya ng lalaki ng tingin mula ulo hanggang paa bago ito bumaling sa hilera ng damit na ipinarada sa harapan nila kanina ng sales lady na nandoon.
Nanglaki ang mga mata niya nang basta na lang kumuha ro'n ang lalaki ng mga damit at inabot iyon sa nag-iintay na sales lady. "R-Rovan..."
Nagbaba ng tingin sa kaniya ang lalaki at bahagyang ngumiti, "The one who made those clothes should feel grateful that someone as beautiful as you will wear their creations. You're worth every penny kaya 'wag mong isipin ang presyo."
Alam naman niyang mayaman ang lalaki base na rin sa mga bagay na naibigay na nito sa kaniya. Pero doktor ito. Ganoon na ba talaga kalaki ang kinikita ng mga doktor at nakakaya ng lalaki na basta na lang magsunog ng pera?
"Hindi ko naman kasi magagamit lahat 'yan. Lalo na 'yung mga dress. Wala naman akong pupuntahan-"
"Then we'll make sure that you'll be able to use them all."
Mataman lang siyang tinitigan ng lalaki na para bang hinihintay kung may iba pa siyang sasabihin dahil paniguradong may ibabalik na naman ito sa kaniya na sagot. Napapabuntong-hininga na nag-iwas na lang siya ng tingin at binalingan ang sales lady na nakangiting hinihintay siya.
Dinala siya ng babae sa fitting room at inabot sa kaniya ang ilang mga damit. Wala ng magawa na sinukat na lang niya ang mga iyon. Nang marahil ay masiguro ng sales lady na tapos na siya ay kumatok ito sa pintuan. "Ma'am tapos na ho kayo? Gusto raw makita ni, Sir."
Muli ay napapabuntong-hininga na lang siya na lumabas ng fitting room. Simpleng blouse lang naman ang suot niya. Kulay puti iyon at may itim na trimmings. Ang tanging naiiba ro'n ay lace ang tela no'n sa bandang balikat niya at paikot habang ang mga sleeves naman no'n ay mahaba at may flare effect.
Nag-init ang mukha niya nang mamataan niya si Rovan na nakaupo at prenteng nakasandal sa sofa na naroon at mukhang kanina pa siya hinihintay. Umangat ang sulok ng labi nito nang makita ang ayos niya at tumango ito sa isa pang sales lady na kaagad may pinindot sa hawak na tablet.
"Gusto kong makita rin ang iba pa."
Hinayaan niya ang uma-assist sa kaniya na sales lady na muli siyang dalin sa fitting room. Ilang damit pa ang sinubukan niya at pinakita kay Rovan. Halos lahat iyon ay sinasang-ayunan nito at bilang pa sa isang kamay ang hindi nito nagugustuhan. Baka pagkatapos namin dito nabili na niya ang buong boutique.
BINABASA MO ANG
D-Lair Trilogy #1: Rovan Veserra
RomancePakiramdam ni Eliana Azarel ay siya na ang pinakamalas na tao sa buong mundo. Sunod-sunod ba naman kasi ang kinakaharap niyang problema. Kaya nga nang may magbigay sa kaniya ng business card na makakatulong daw sa kaniya ay kaagad niyang pinatulan i...