Nakakainis ang mga teleserye no
Sa tuwing magsisimula na ipapaalala muna sayo ang nakaraan
Ipapaalala kung saan ka nagtapos at kung anong mga nangyari
Bakit ba hindi na lang nila simulan sa kung ano na ang kasunod
Kasi yun naman talaga ang inaabangan nating mga manonood
Kung anong pinakita sa abangan noon
Pero sabagay tayong mga tao mahilig naman talaga sa mga ganoon
Pilit na binabalikan ang nakaraan kahit hindi na dapat, parang ako
Pilit ko pa ring inaalala kahit alam kong masasaktan lang ako
Kasi sa totoo lang naman ang mga alaala ang pinakamahirap kalimutan
Kasi nga sila yung nagpapaalala sa atin sa mga taong iyon
Sa mga taong kasama nating bumuo ng mga iyon
Kaya nga diba kapag wala tayong alaala sa isang tao kahit pa nakilala na natin sila
Kahit pa nakausap na natin sila
Kahit na ilang beses na natin silang nakasalubong sa kung saan
Ang bawat pagsasalubungan ay laging parang una pagkikita pa lang
Ang dali lang natin silang makalimutan kasi nga wala naman silang iniwang alaala
Kasi wala naman tayong naramdaman sa kanila
Hindi naman nila sa atin pinaramdam ang pagmamahal
Hindi naman nila tayo nasaktan
Kaya minsan naisip ko sana isa na lang siya sa mga taong iyon
Sana isa na lang siya sa mga minsang nakasalubong ko
Nang sa gayon ay wala akong nararamdamang sakit ngayon
Pero wala e, napakaraming alaala ang iniwan niya sa aking puso
Kaya mas lalong mahirap kalimutan
Kasi sa puso ko iniwan, hindi lang sa aking isipan
Dahil kung nasa utak ko lamang ang mga alaalang yon madali lang na kalimutan
Kasi nga diba ang utak maaaring makalimot pero ang puso hindi kailanman
Pero tulad ng lahat ng teleserye sa telebisyon laging darating ang katapusan
Matatapos ang pagmamahalan
Matatapos ang sakitan
Pero hindi natin makakalimutan
Dahil sila ang makapagsasabing minsan tayong sumaya
At ang katapusan ang magsisilbing palatandaang nakaya nating makarating sa dulo
Nakaya nating lagpasan ang lahat ng takot, sakit, at pagsubok na binigay sa atin
At sana sa susunod na teleseryeng isusulat natin maramdaman natin ulit ang mga ito
Pero sana sa pagkakataong iyon maging masaya na ang wakas nito
Kaya para sa kung sino man ako sa hinaharap sana sa tamang tao ka na bumuo ng mga alaala
Mga alaalang hindi ko kailanman gugustuhing kalimutan.