Naroon pa rin ang double deck na kama sa kuwartong tinutulugan nina Sam at Jane.
Naalala ni Sam ang mga oras na nilagi nila ng kanyang ate sa loob ng kuwartong ito noong maliliit pa sila. Ang mga habulan, talunan at hampasan ng unan. Sa ingay nila'y madalas silang sawayin ng kanilang mama't papa, huwag daw maingay at nagsisiyesta ang kanilang lolo. Lalong naaalala ni Sam ang gabi tuwing sila'y matutulog, ang mga bulungan nila sa dilim. Dito sila nasanay ng kanyang ate na matulog na patay ang ilaw, walang nightlamp o anuman, ang liwanag nila sa gabi'y ang sinag ng buwan sa bintana na gumagawa ng parisukat na anino sa pader.
"Sigurado ka bang gusto mo dito matulog?" tanong ni Lola Edna. "Aba'y pwede ka naman sa itaas, sa kuwarto ng iyong mama't papa."
May dalawang kuwarto sa itaas, kuwarto ng kanyang lolo at lola at isa para sa kanyang mga magulang. Dito sa ibaba'y ang kuwarto para kina Sam at Jane—dito kung saan hiyang matulog si Sam. Noo'y lagi siyang talunan sa paligsahan at nauuwing mapupuwesto sa ibaba, ngayo'y nakakaramdam siya ng certain satisfaction na solong-solo niya ang itaas na kama. Sibling rivalry lang. And in a good way.
"Okay lang po ako dito," ngiti ni Sam. "Alam n'yo naman, sentimental ako."
"Sigurado ka ba?"
"Opo."
"Siya, kung 'yan ang gusto mo, apo," sabi ni Lola Edna.
Dumating si Lolo Charlie dala ang maleta ni Sam.
"O halika na sa itaas," aya niya.
"Dito raw gustong matulog," sabi ng lola.
Nagkatinginan ang dalawang matanda.
"Kasya ka ba diyan sa kama na 'yan?" nagtatakang tanong ni Lolo Charlie. "Sa itaas naroon ang malaking kama."
"Okay na po ako dito," ngiti ni Sam.
"Sentimental daw siya," tugon ni Lola Edna.
Nagkatinginan muli ang dalawang matanda. Wala naman silang magawa kung iyon ang kagustuhan ng kanilang apo.
"Siya, siya, okay, sige," sabi ng lolo at pinasok sa kuwarto ang maleta ni Sam.
Biglang nagring ang cellpone ni Sam na kanyang hinugot mula sa bulsa ng pantalon. Tawag ni best friend Viv.
"Hello?" sagot ni Sam. "Dito na ko, friend."
Sumenyas si Sam sa kanyang lolo at lola na may kausap siya sa phone. Hindi agad nagets ng dalawa na gusto pala ni Sam ng privacy, kung hindi pa nagbabay si Sam sa kanila't isinara ang pintuan ng kuwarto.
Naupo si Sam sa ibabang kama, itinaas ang kanyang mga binti.
"Kumusta naman diyan, friend?" malakas lang ang boses ni Viv sa kabilang linya.
"Okay naman," sabi ni Sam sa kausap. "Heto..."
Tanaw ni Sam sa bintana na hapon na't kumukulimlim na. May ginintuang ningning ang mga dahon sa mga puno at ang mga ulap sa langit ay may shade ng gray. Magandang tanawin nguni't ito'y nagpalungkot lamang kay Sam.
BINABASA MO ANG
Ang Banga sa Silong
HorrorUpang makalimutan ang masakit na break-up ay naisipan ni Samantha na magbakasyon sa bahay ng kanyang lolo at lola sa Baguio. Hindi magtatagal ay madidiskubre ni "Sam" ang malagim na sikretong nakatago roon sa ilalim ng madilim na silong.