Bandang alas-singko y medya na nang makauwi ng bahay si Sam. Kumukulimlim na ang langit, ginintuang dapit-hapon sa mga huling liwanag ng araw.
Pagtuntong pa lang sa itaas ng batong hagdanan ay sinalubong na agad siya ni Misty.
"Misty!"
Hindi naman siya nagkulang sa labrador pagka't binilhan niya ito ng dog biscuits at nang kanyang bigyan ay agad na nilantakan. Natuwa si Sam nang makita ito kung kaya't hindi pa muna siya pumasok ng bahay kundi'y naglaro pa sila ni Misty sa damuhan sa harap-bakuran na nagsisimula nang magipon ng mga tuyong dahon.
Si Misty ay anak pa ng nauna nilang labrador na si Willow. 11 years old pa lamang si Sam noon nang dumating si Willow, ang kanyang Ate Jane ay 14. Si Sam ang nagpangalan sa mga aso pagka't siya ang mabilis makaisip ng mga ito, at mas aso niya sila pagka't ang nakatatandang Jane noo'y nauna nang magkainteres sa mga "boys."
"No, Misty! No!" sigaw ni Sam pagka't dinamba siya ni Misty at dinilaan sa mukha. Napaupo sa damo si Sam, pinagpawisan na't hinihingal. "Stop na, Misty. I'm tired na."
Huminto si Misty, alam ang ibig sabihin ng "stop," at naupo sa harap ni Sam na nakalaylay ang mahabang dila. Nagkatinginan ang dalawa.
12 years old si Willow nang mamatay, ang normal life span ng mga labrador. Si Misty ay 8 na ngayon. May four full years pa siya.
"Come here, Misty."
Naisip iyon ni Sam at kanyang niyakap ang aso.
Pagkatapos ay tumayo si Sam, sinukbit ang kanyang tote bag at binitbit ang mga grocery bags.
"Let's go, Misty!" pagmamadali ni Sam tungo ng bahay.
Masayang humabol ang labrador.
Sa bahay, bumukas ang ilaw ng front porch sa pagsalubong sa gabi.
***
Nang pumasok sa loob ng bahay si Sam ay kasalukuyang nagsisiga ng kahoy si Lolo Charlie sa fireplace.
"O, iha, narito ka na pala," bati ng matanda.
Ibinaba muna ni Sam ang mga grocery bags at ipinatong ang kanyang tote bag sa sofa bago bumeso sa kanyang lolo. Si Misty ay pumuwesto na sa paborito niyang spot malapit sa fireplace.
"Si lola?"
"Nasa kusina."
Inabutan ni Sam si Lola Edna na nagluluto. Suot ay apron at kitchen mittens.
"Anong niluluto n'yo, 'La?" tanong ni Sam habang ipinatong ang mga grocery bags sa kitchen counter table at sinimulang ilabas ang mga laman nito.
"Paborito mo, apo!" masayang hayag ni Lola Edna.
"Beef stew?"
Tumango ang matanda.
"Yes!"
***
BINABASA MO ANG
Ang Banga sa Silong
HorrorUpang makalimutan ang masakit na break-up ay naisipan ni Samantha na magbakasyon sa bahay ng kanyang lolo at lola sa Baguio. Hindi magtatagal ay madidiskubre ni "Sam" ang malagim na sikretong nakatago roon sa ilalim ng madilim na silong.