12:32AM.
"Yung kama!" turo ni Sam.
Sa loob ng kuwarto, magkakatulong na hinarangan nina Sam, Jane at Jules ang butas sa sahig. Binaligtad nila ang study table at ipinantakip ito. Tapos ay binuhat nilang double deck na kama at itindig ang mga paa nito sa taas ng mesa. Mabigat ang double deck bed. Hindi ito kayang buhatin ng nag-iisang tao.
"Okay na 'yan," tingin ni Sam. Nakita naman nilang imposible nang may makapasok sa butas.
"Sana mahanap nila si Aaron," pag-aalala ni Jane, parang maiiyak.
Hinawakan siya ni Sam sa balikat.
"Mahahanap nila Rommel si Aaron, ate," pag-assure niya.
Mula sa sala, narinig nila ang halakhak ng dimonyo.
***
"AARON!"
Umalingawngaw ang boses nina Rommel at Jim sa kalaliman ng gabi. Ang bilog na buwan ay nagsisilbing natural na liwanag, sa pagkakataong ito ay may kapulahan sa pagitan ng maiitim na mga ulap. Isang Witch's Moon. Kilala sa magic ang kapangyarihan ng buwan, si "Mother Moon" kung ituring nila, si "Father Sun" sa umaga. Ang energy ng bilog na buwan ay nagbibigay ng mas mabisang kapangyarihan sa mga gumagawa ng magic. Kaya't sa gabing ito, mas malalakas ang Witch Sisters.
Paglabas nila ng front porch ay naroon sa harap-bakuran iyong isa pang mangkukulam na nagsasayaw kanina—si Agatha, ang mas matanda sa dalawang magkapatid. Nguni't tumigil na ito at ngayon ay tila nakatayo lamang, nakatirik ang mga mata't mahinang bumubulong.
"Anong ginagawa n'ya?" tanong ni Jim.
"Kausap niya si Abaddon," sagot ni Rommel. "'Wag kang magalala, hindi niya tayo nakikita."
Nang marinig iyon ay humigpit ang kapit ni Jim sa poker.
"Kung ganon, todasin na natin!" aniya at humakbang tungo kay Agatha.
Nguni't, pinigilan siya ni Rommel.
"Si Aaron. Mas importante si Aaron."
Umatras si Jim. Gigil pa rin. Nguni't alam niyang kailangang unahin ang kanyang anak. Kailangang mahanap nila si Aaron.
"Babalikan kita," sumpa ni Jim kay Agatha.
Nagtungo sila sa harap ng silong at sa lupa, nailawan ng flashlight ni Rommel ang ilang mga bakas. Bakas nina Aaron at ng mangkukulam na si Lucia. Gayun din ng kay Misty.
"Doon!" turo ni Rommel. Ang mga bakas ay lumakbay sa gilid ng bahay at patungo sa likod-bakuran. Makarating doon ay wala silang nakita. Sa sampayan, sa utility area, sa damuhan. Wala. At makarating sa gulayan ni Lolo Charlie ay naglaho ang mga bakas.
"AARON!" sigaw ni Jim, frustrated na.
Inikutan ng flashlight ni Rommel ang paligid. Sarado ang pintuan sa likod bahay. Alam niyang wala rin sila sa bubong.
BINABASA MO ANG
Ang Banga sa Silong
HorrorUpang makalimutan ang masakit na break-up ay naisipan ni Samantha na magbakasyon sa bahay ng kanyang lolo at lola sa Baguio. Hindi magtatagal ay madidiskubre ni "Sam" ang malagim na sikretong nakatago roon sa ilalim ng madilim na silong.