"May mga daga po ba sa ilalim ng bahay?"
Umaga. Ito ang bungad na tanong ni Sam habang nagaalmusal sila ng kanyang 'Lo at 'La. Sa mesa ang toasted bread at strawberry jam. Fresh milk ang kanilang inumin. Maganda ang sikat ng araw mula sa bintana, may hangin na humahawi sa kulay puti na kurtina. Si Misty ay kumportableng nakaupo malapit sa screen door.
"Bakit mo naitanong, apo?" pagtataka ni Lola Edna nakatayo sa may kitchen counter at nagto-toast ng tasty bread sa oven toaster.
"Kagabi po may narinig ako sa ilalim ng bahay," ani ni Sam. "Para pong daga."
"Daga?" ulit ng lola.
"Opo."
"Baka mga dagang gubat," sabi ni Lolo Charlie habang uminom ng gatas. Kaharap niya si Sam sa mesa. "'Yung mga pumipeste sa tanim kong gulay."
May munting taniman si Lolo Charlie sa likod na hardin para sa carrots at kamatis. Noong bata pa sila'y may ilang beses ding naglagi roon sina Sam at Jane para tumulong na magtanim o kaya'y magdilig. Kung kay Lola Edna'y ang mga kuwento, ang bonding time ng magkapatid sa lolo nila'y ang gulayan. Umaga o pahapon kung kailan hindi mainit ang araw.
"Baka nga," sang-ayon ni Lola Edna at kinuhang mga toasted bread sa oven toaster nang tumunog ang orasan nito. "Ano bang ingay nila?"
Napaisip si Sam, at kanyang inilarawan ang unang gabi niya sa bahay:
Hatinggabi. Nasa itaas si Sam ng double deck na kama nang siya'y magising. Patay ang ilaw ng kuwarto kaya't napakadilim. Aninag lamang niyang hugis ng kanyang katawan at mga bagay sa kuwarto, tukador at mesa, dahil sa mahinang liwanag ng buwan mula sa bintana. At napakatahimik. Daig pa ang kumbento ng mga madre. At least, iyon ang comparison na naisip ni Sam. Naalala niya noong isang beses siyang nagpunta kasama si Viv sa isang kumbento sa Tarlac, Our Lady of Carmel Convent kung hindi siya nagkakamali, para ihatid ang isang kaibigan na magmamadre. Pinagovernight sila roon at nakaranas siya ng kakaibang katahimikan. Ng peace of mind. Dumaan nga sa kanyang isipan na pupuwede siyang madre.
Kundi lang niya nakilala si Greg.
Krrrk.
Pagdilat ni Sam ay napakunot-noo siya't pinakinggan kung ano bang gumising sa kanya—nakababahalang ingay na nagmumula sa ibaba ng kama. Pinakiramdaman ni Sam. Ang ingay ay para bang may kumukutkot sa kahoy ng sahig.
Krrrrk. Krrrk.
Kinapa ni Sam ang kanyang cellphone sa kutson at nahanap ito sa kanyang bandang tagiliran. Binuksan niyang flashlight ng cellphone at yumuko pababa ng kama at inilawan ang sahig. Ini-expect niyang makakita ng tumatakbong daga, pagka't iyon ang palagay niyang gumagawa ng kaluskos. Inikutan niyang ilawan ang loob ng kuwarto, nguni't wala siyang nakitang daga. At kanyang natanto, na ang ingay pala'y nanggagaling sa ilalim ng kahoy na sahig—sa ilalim mismo ng bahay.
Krrrk. Krrrk.
Sa silong.
Marahang bumaba si Sam ng hagdan ng double deck na kama, nagiingat na hindi madulas sa suot na medyas. Naka-t-shirt siya at jogging pants. Nang makalapag sa sahig ay binuksan niyang ilaw ng kuwarto at pinatay ang flashlight ng kanyang cellphone. Inakala niyang titigil ang kaluskos nang magliwanag ang kuwarto, nguni't sa kanyang dismaya, ay patuloy pa rin ito.
Lumuhod siya sa sahig at tinapat ang tenga sa pinanggagalingan ng kaluskos.
Krrrk. Krrk.
Galing nga sa silong. Parang matatalas na mga kuko ang kumukutkot sa kahoy ng sahig mula sa ilalim. Mga daga nga, wari ni Sam.
Hinampas niya ng palad ang sahig.
Blag!
At tumigil ang pagkutkot.
Napangiti si Sam. Ganon lang pala takutin ang daga.
Tatayo na siya nang biglang may malakas na hampas ang gumanti mula sa ilalim.
BLAG!
Gulat na napaatras si Sam.
Hindi siya makagalaw. Nanginginig ang dibdib niya.
Maya-maya'y bumalik ang mga pagkutkot.
Krrrk. Krrrk.
Naisip ni Sam na hampasin ng kanyang mga paa ang sahig para takutin ang daga—o kung anu mang hayop ang gumagawa ng ingay na ito. Ngayo'y hindi na siya sigurado kung daga nga. Nakaramdam siya ng takot na baka ito'y gumanti kapag hinimok niya.
Tahimik na umatras si Sam habang patuloy ang ingay at nagtungo sa may study table na nasa may bintana. Inabot niyang kanyang tote bag na nakapatong doon at mula sa loob ay kinuha niyang kanyang earphones.
Pinatay ni Sam ang ilaw at maingat na nagbalik sa kama at umakyat sa top deck at nahiga.
Krrrk. Krrrk.
Binigyan niya ng isa pang tingin ang sahig bago sinuot ang earphones na kinonekta niya sa kanyang cellphone. Hindi agad siya nakatulog sa pag-iisip, at isang oras pa bago siya hinele ng tugtog sa kanyang i-tunes.
"Naku, hindi ka ba nakatulog, apo?" concerned na tanong ni Lola Edna.
"Nakatulog naman po," sagot ni Sam. "Nagsuot po ako ng earphones."
"Ah."
Saglit silang natahimik. Si Sam tinitignan ang reaksyon ng kanyang lolo at lola matapos isalaysay sa mga ito ang naranasan niya kagabi.
"Hayaan mo, iha," tumatangong sabi ni Lolo Charlie na may pagtaas pa ng hintuturo. "Pagdating ni Rommel, pasasabuyan ko ng pamatay daga ang ilalim ng silong."
Tumango si Sam, although hindi na nga siya sure kung daga nga iyon. Kung hindi iyon pusa o aso, ay tiyak na napakalaking daga niyon para gawin ang ganong malakas na hampas.
"Thank you po," pasalamat ni Sam.
"Huwag kang mag-alala, si Rommel ang bahala do'n," ani ng lolo, inubos ang kanyang gatas at tumayo para magtungo sa gulayan.
Nang wala na ang kanyang lolo ay naiwan sina Sam at kanyang Lola Edna. Ngayo'y, nalihis ang isip ni Sam sa daga pansamantala at napunta kay:
"Magugustuhan mo si Rommel," ngiti ni Lola Edna habang niligpit ang pinagkainan ng asawa.
Rommel. Parang nabasa lang ng lola ang isipan ni Sam.
"Ah, ok po," pag-react ni Sam. Na-curious siya kung sino ba itong "handyman" na ito na palaging binabanggit sa kanya na may matinding approval, at ipinagpalagay niya na ito'y malamang na isang may-edarang manong na lokal ng Baguio. Ka-tipo ni manong na taxi driver. Pamilyado.
***
Matapos mananghalian ng araw na iyon ay nagpaalam si Sam na bababa ng bayan para mamili ng ilang mga bagay. Naghabilin ng ilang mga bibilhin ang kanyang lola na kailangan na raw niya. Dishwashing paste. Toothpaste. Insenso. Asin. Kandila.
"Candles, 'La?" ngiti ni Sam na may pagtaas ng kilay. "Nag-e-expect ba kayo ng brownout?"
"Aba, hindi mo masasabi," sagot ni Lola Edna. "Mabuti na iyong handa."
"Baka kailangan n'yo ng walis tambo," biro ni Sam, pagka't magwawalis sana siya ng kuwarto noong umaga pero wala siyang makitang walis.
"Naku, may maganda akong walis!" mulat na sabi ng lola.
Napataas na lang ng balikat si Sam at ipinasok ang listahan ng kanyang lola sa kanyang tote bag. Suot ang kanyang bonnet, scarf at olive green na jacket ay bumeso siya ng paalam. Huwag magpapagabi, sabi ng kanyang lola, at nagpromise pa na paguwi ng apo'y nakahanda na ang masarap nilang hapunan.
NEXT CHAPTER: "Sa Burnham Park"
BINABASA MO ANG
Ang Banga sa Silong
HorrorUpang makalimutan ang masakit na break-up ay naisipan ni Samantha na magbakasyon sa bahay ng kanyang lolo at lola sa Baguio. Hindi magtatagal ay madidiskubre ni "Sam" ang malagim na sikretong nakatago roon sa ilalim ng madilim na silong.