Mas magiging kumportable kayo rito, 'La," sabi ni Sam. "Solong-solo n'yo ni 'Lo ang kuwarto."
"Parang nag-second honeymoon lang kayo tulad namin ni Jim!" tawa ni Jane.
"Susmaryosep, ang tatanda na namin!" nahihiyang iling ni Lola Edna.
"Nag-second honeymoon na kami, iha," sabi ni Lolo Charlie, nakahiga sa kama ang naka-cast na binti'y naka-suspend ng tali. "Sa HongKong pa nga. Sa honeymoon suite na may bathtub na korteng puso. Mantakin n'yo, buong araw kaming nagbabad hanggang kumulubot ang mga balat namin..."
"Too much info, 'Lo!" singit ni Jane.
Nagtawanan sila.
Nagawa nilang makakuha ng private room sa ospital at noong hapon din ay nailipat si Lolo Charlie. Halatang natuwa sa paglipat nila ang pamilyang kasama nila sa semi-private room, ang lalaking may bali sa braso, kanyang asawa, lalo na ang batang babae na si Tina. Bukod sa bali sa kamay ng lalaki ay inaantay pala'ng resulta ng kanyang CT Scan.
Kasinlaki rin naman ng semi-private room na pinanggalingan nila pero dahil iisa lang ang kama ay maluwag ang loob ng bagong kuwarto, at mas maraming nauupuan. Solo na ref at TV. Mukhang mas maayos pa nga ang C.R. at mas malamig ang airconditioning. Ang importante ay ang sofa na mas malaki, malambot at may sandalan kung saan mas kumportable na makakatulog si Lola Edna.
"Okay naman ako doon sa dati," ani ng matanda. "Ba't lumipat pa tayo? Mapapalaking gastos tuloy..."
"Kaming bahala, 'La," sabi ni Jane, sabay tingin sa asawa. "Sagot kayo ni Jim. 'Di ba, honey?"
"Oo naman!" ngiti ni Jim. Kalahating ngiti. Hawak ng med rep ang remote at nanonood sila ni Aaron ng NBA sa TV. Miami Heat vs. Orlando Magic.
"Bakit wala si Lebron, Pa?" tanong ni Aaron, nanonood habang naglalaro ng PSP.
"Injured."
Maya-maya'y may pumasok na nurse at pinainom si Lolo Charlie ng gamot at kinuhanan ng blood pressure. May hitsura ang nurse at biniro nila kung nililigawan ba ito noong isang lalaking nurse na may hitsura rin. Nag-blush ang dalaga at sinabing bawal daw iyon sa ospital.
"'Wag lang kayong pahuhuli," biro ni Jim. Tinaasan siya ng kilay ni Jane.
Nang matapos ang basketball game ay lumabas sina Jim at Aaron para hanapin ang canteen. Trip ni Jim ang kumain ng aniya'y "hospital food." Beterano siya ng mga pancit na lutong ospital.
Paglabas nila'y kinausap nina Lola Edna at Lolo Charlie sina Sam at Jane at inamin ang ilang mga bagay: na sila nga'y nagpapraktis ng magic noon. Alam ito ng mga magulang nila Sam. Ipinaliwanag ng dalawang matanda na matagal naman na nilang itinigil iyon kundi lang nangyari iyong kina Agatha at Lucia at kinailangan ang kanilang tulong ng salamangkerong ama ni Rommel.
"Pagpaumanhin ninyo, mga apo, na nasangkot ko kayo," malungkot na sabi ni Lola Edna. "Ngayon nalagay ko pa sa panganib ang inyong buhay. Lalo ka na Sam."
BINABASA MO ANG
Ang Banga sa Silong
HorrorUpang makalimutan ang masakit na break-up ay naisipan ni Samantha na magbakasyon sa bahay ng kanyang lolo at lola sa Baguio. Hindi magtatagal ay madidiskubre ni "Sam" ang malagim na sikretong nakatago roon sa ilalim ng madilim na silong.