Nagpatuloy ang malakas na sipol ng hangin hanggang sa pagdating ng gabi. Hindi man nila banggitin ay dama nina Sam at Aaron na parang malagkit ang hangin. At may parang amoy sunog na ang pinagmumulan ay sa kuwarto nila.
Nasa kusina si Sam para magluto ng kanilang makakain sa hapunan. Binuksan niya ang ref at nakita na may kaserola roon na may laman pang beef stew.
"Aaron! Gusto mo pa ba ng beef stew?" sigaw niya.
"Opo, Tita!" balik ni Aaron.
Nasa sala ang 12-year old, nakaupo sa sofa at nanonood ng TV, Nickelodeon, kasabay ng kanyang paglalaro ng PSP. Sinadya nilang buksan ang TV para matabunan ang nakababahalang katahimikan ng gabi, at hindi makarinig ng mga ingay na ayaw nilang marinig. Anila, hindi ba't nakakatulong na mabawasan ang takot sa multo o barang o masamang espiritu kung ang naririnig mo lamang ay ang malakas na boses ni SpongeBob, Patrick Star, Squidward at Mr. Krabs?
Tahimik naman si Misty sa puwesto niya sa may fireplace. Alerto siya at kung minsa'y napapatahol. Medyo naririndi ang aso sa mga boses nila SpongeBob, hindi sanay na ang palabas ay cartoons. Naisip ni Sam na sana ay alam niya kung paano paganahin ang fireplace pagka't napagdesisyunan nila ni Aaron na sa sala na lang sila matutulog.
Matapos mapainit ni Sam ang beef stew ay tinawag niya si Aaron para kumain. At habang kumakain ay nilipat niyang channel sa music videos. Agad na bumulaga si Miley Cyrus na sinundan nina Katy Perry, Kanye West at Pitbull.
Tumawag naman si Jane para mangumusta at sinabi ni Sam na okay naman sila.
"Puwede ka bang pumunta dito sa umaga, ate?" hiling ni Sam. "May sasabihin ako."
"Ano 'yon?"
"Basta bukas na lang."
"Okay, sige."
Binaba ni Sam ang cellphone. May mahalaga silang bagay na dapat pag-usapan ng kanyang ate. Mga bagay na sinabi sa kanya ni Rommel.
Maya-maya'y tumugtog ang kanta ni Pink na Just Give Me a Reason.
"Uy! Paborito ko 'yan, Tita!" sabi ni Aaron na napatigil sa pagkain.
"Talaga?" ngiti ni Sam. "Gusto ko rin 'yan."
Napa-duet ang dalawa, si Sam si Pink, si Aaron si Nate Ruess. Ganado ang pagkanta nila bago pa na-realize ni Sam na ang kanta ay tungkol sa heartache, sa break-up, sa pagmamahalan ng dalawang couple na unti-unti nang naglalaho, at sa ikalawang chorus na:
Just give me a reason, just a little bit's enough
Just a second we're not broken just bent, and we can learn to love again
It's in the stars, it's been written in the scars on our hearts
We're not broken just bent, and we can learn to love againAy hindi napigilan ni Sam na maluha.
Nang matapos ang kanta'y pinahid niyang kanyang mga mata.
"Okay ka lang, Tita?" malungkot na pansin ni Aaron. "Naalala mo ba 'yung boylet mo?"
BINABASA MO ANG
Ang Banga sa Silong
HorrorUpang makalimutan ang masakit na break-up ay naisipan ni Samantha na magbakasyon sa bahay ng kanyang lolo at lola sa Baguio. Hindi magtatagal ay madidiskubre ni "Sam" ang malagim na sikretong nakatago roon sa ilalim ng madilim na silong.