Pagkaalis ni Rommel ay napagpasyahan ni Sam na mag-jogging. Naka-jogging pants naman na siya't nagsuot na lamang ng sweatshirt at running shoes.
"'Lo! 'La! Magjojogging lang po ako!" sigaw ni Sam mula sa likod na porch habang tinatali ang kanyang buhok. Tanaw niyang kanyang lolo at lola sa hardin.
"Ingat, apo!" sigaw pabalik ni Lola Edna. Nakangiting kumaway naman si Lolo Charlie. Kapuwa naka-gardening gear ang dalawa, gloves at boots.
Bago pumasok muli ng bahay ay lumingon pa si Sam sa dalawa at saglit silang pinagmasdan. Gamit nina Lola Edna at Lolo Charlie ang maliit na pala o spade at gumagawa ng maliliit na hukay sa lupa kung saan nila ibinabaon ang mga buto. Sanay na si Sam makita ito. Dati'y siya pa nga mismo ang nagbabaon ng mga buto na kanyang didiligan. Naalala niya isang umaga nang bumalik siya sa hardin ay nakita niyang may tumubong dahon kung saan niya tinanim ang buto. Sprout na 'di naglaon ay naging hinog na kamatis.
Pero ngayon, pakiramdam niya'y may kakaiba kasi. May hindi normal.
Naisip niya ang mga buto sa loob ng kabinet. Kung anong mga buto iyon? Kasama ba iyon sa mga tinatanim ng kanyang lolo at lola? At paano naman iyong mga kakaibang bulaklak na nasa loob ng garapon? Ang maliliit na mga batong kulay itim? Ang maliliit na pirasong kahoy?
Patungo ng sala ay sinadya niyang huminto para titigan ang kabinet sa ilalim ng hagdan. Tingin na may paghamon. Na nagsasabing hahanapan niya ng pagkakataon para alamin ang sikreto nito.
Dinampot ni Sam ang kanyang cellphone kasamang earphones sa sofa at lumabas ng front porch.
Sa harap-bakuran, naroon pa rin si Misty na nakababad sa araw. Nag-stretching muna si Sam sa damuhan habang ang labrador ay nakatitig sa kanya.
"So, Misty, gaano mo na katagal kilala si Rommel?" sabi ni Sam habang nag-stretch ng legs.
Nakatingin lang si Misty.
"Naglalaro pa kayo ng fetch ha."
Napataas ng ulo si Misty nang marinig ang "fetch."
"Asa..." pag-roll ng eyes ni Sam habang tumayo at naglakad pababa ng batong hagdan.
Sinundan siya ni Misty hanggang sa maliit na kahoy na gate sa may kalsada. Lumabas si Sam at sinara ang gate. Si Misty, parang gustong sumama at inaabot ang lock.
"Misty, stay," turo ni Sam ng daliri. "Stay!"
Umungol ang aso.
"Stay!" ulit ni Sam. Tinignan niyang kanyang wristwatch. 10:05 AM. Medyo late na, aagahan ko next time, aniya sa sarili. Sinuot niyang earphones, sinuksok ang cellphone sa bulsa ng sweatshirt at nagsimulang mag-jogging.
***
Paikot-ikot ang kalsada sa subdivision. Taas-baba. May sobrang tarik na hindi kayang takbuhin. Tanaw ni Sam ang nagtataasang mga pine trees na kumukulimlim sa paligid, mga anino na parang jigsaw puzzle sa simento. Naalala niya ang biyahe sa bus kung saan pumipitik-pitik ang liwanag ng araw sa mga dahon ng puno. Gusto nga niyang pumikit ng matagal habang tumatakbo at langhapin ang malamig na hangin kung hindi lang siya natatakot na madapa at gumulong pababa ng kalsada.
BINABASA MO ANG
Ang Banga sa Silong
HorrorUpang makalimutan ang masakit na break-up ay naisipan ni Samantha na magbakasyon sa bahay ng kanyang lolo at lola sa Baguio. Hindi magtatagal ay madidiskubre ni "Sam" ang malagim na sikretong nakatago roon sa ilalim ng madilim na silong.