Nakabibingi ang katahimikan ng gabi sa labas ng bahay. Tahimik pa sa ihip ng hangin. Wala ni isang kuliglig.
Kung tahimik sa labas, ay ganoon rin sa loob ng bahay, ang tanging ingay ay ang pagputok ng baga habang nilalagay ni Lolo Charlie, na nakaupo sa maliit na upuan, ang mga firewood sa loob ng firebox—ang butas sa fireplace kung saan naroon ang apoy.
Iyon, at ang mahinang pagsinghot ni Sam.
Nakaupo si Sam sa mahabang sofa hawak ng dalawang kamay ang cup ng mainit ng cocoa. Si Lola Edna'y sa rocking chair, may cocoa ring tangan. Nagiingat na hindi siya mapaduyan at matapon ang cocoa. Nagparang estatwa tuloy siya.
Gamit ang "poker," bakal na pantusok, ay inaayos ni Lolo Charlie ang mga baga. Napagdaanan na ng panahon ang fireplace, ang mga bricks nito'y nawala na ang kintab ng pula't nangitim na ang mga gilid. Nauna nang nangitim ang mismong firebox sa maraming pinagdaanang pagsiga. Hindi rin naman ito masyadong napapa-maintenance pagka't ginagamit lamang tuwing magbabakasyon ang pamilya ni Sam. At matagal na ang panahon na hindi sila nagbabakasyon. Gayunpaman, matibay ang pagkakagawa nito.
Malapit sa may fireplace ay nakapulupot ng higa si Misty. Inaantok sa walang imik na mga amo.
Tunog ng paghigop sa cocoa.
Ngayong alam na ng dalawang matanda kung bakit naroon si Sam ay hindi sila makaimik. Nakikidalamhati sa apo sa masamang break-up nito. Natatakot din sila na baka may masabi sa dalaga na lalong ikatulo ng luha nito. Nakilala na rin kasi nila si Greg ng ilang beses at kanilang agad nagustuhan ang lalaki. Magalang, matangkad, at may angking talino, bukod sa ani nila, guwapito. Basa rin nila kung bakit naging magkatipan ang dalawa. Alam nilang pagiging mahilig ng mga ito sa libro. A Match-made-in-heaven, ikanga nila. Kung kaya't ganon na lang ang hinayang nila na nag-break na pala ang dalawa.
Naubo nang bahagya si Lolo Charlie dahil sa usok ng apoy.
Sa sobrang tahimik nila'y naging akward tuloy. Kaya't brineak na lang ni Sam ang silence.
"Ang ganda ng bracelet n'yo, 'La," pansin niya sa suot ng lola. "Bagay sa inyo."
Beads na bracelet ito na maraming kulay.
"Talaga, apo?" ngiti ni Lola Edna. "Aba'y, bigay pa ito ni..."
Natigilan siya. Sa may fireplace, napailing si Lolo Charlie.
Napayuko si Sam. Naalala niyang sila ni Greg ang bumili ng bracelet na iyon. Napasinghot siyang muli.
Tumayo si Lolo Charlie mula sa pagkumpuni ng apoy sa fireplace, naiilang na rin siya sa nananalaytay na katahimikan.
"Mabuksan nga ang radyo," aniya habang naglakad tungo sa antique na radyo, sila na lang ata ang may ganoon kasangkapan sa buong Baguio. Baka sa buong Pilipinas. "Para naman may music tayo."
Pagpihit niya ng bukas sa radyo ay bumulahaw ang boses ni Tony Bennett. Sakto pa sa chorus.
I left my heart in San Francisco
High on a hill, it calls to me
To be where little cable cars climb halfway to the stars
The morning fog may chill the air, I don't care...
Lalo pang nalungkot si Sam. Napalunok si Lolo Charlie at agad na pinatay ang radyo.
BINABASA MO ANG
Ang Banga sa Silong
HorrorUpang makalimutan ang masakit na break-up ay naisipan ni Samantha na magbakasyon sa bahay ng kanyang lolo at lola sa Baguio. Hindi magtatagal ay madidiskubre ni "Sam" ang malagim na sikretong nakatago roon sa ilalim ng madilim na silong.