"Okay lang po. Pwede po ba na i-prito na lang po natin itong isda? Ako na rin po ang gagawa ng sawsawan!"
Mukhang nag aalangan pa ang babae at napakamot na sa kanyang ulo kaya naman isang ngiti ang agad na lumitaw sa aking labi.
Mukha itong mabait at naaalala ko tuloy ang tiya sa kanya. Kaya lamang ay pansin kong kabado ito at ayaw talaga akong hayaang gumalaw rito sa kusina.
"Huwag po kayong mag alala. Mabait naman po iyon eh. Sabi niya po kanina, 'di ba? Ako na daw po ang bahala," paliwanag ko. Iyon naman talaga ang habilin kanina ni baby Julio. Sabi niya ay pwede daw akong maglibot libot pero hindi ko siya sinunod.
Dahil wala nga akong ganang kumain sa labas ay dito ako dinala ni baby Julio sa mansyon nila. Halos malula nga ako kanina nang makapasok. Kasi ano ba 'to, palasyo ba to at may nakakulong na prinsesa sa loob? Dito ba nagtatago iyong prinsesa si Super Mario?
Napakalawak ng kanilang bakuran at ang dami pang gwardya na umiikot sa bandang gate. Imbes kasi na bumalik kami sa Rkive ay dito na lamang daw kami kakain dahil may kailangan daw siyang kuhanin. Sayang nga at wala ang mga pinsan nito. Akala ko pa naman ay chance ko na to para makilala ang pamilya ng baby ko.
Pagkadating na pagkadating namin ay tila bahagya pang nagulat iyong tinawag niyang Manang. Ito yata ang mayordoma sa mansyon. Nagbilin lamang si Julio na magpaluto daw ng kung ano ang gusto ko. Siyempre, dahil wala naman akong gagawin at mukhang may kailangan lang daw itong tapusin saglit ay sumama ako sa isang kasambahay sa kusina.
Nang magtanong ito kung ano ang gusto kong kainin ay halos maliyo ako sa kanyang mga tinuran na putahe.
Bakit kelangang tatlong ulam pa ang lutuin? Baka bukas pa kami makakain kapag ganoon!
Kaya naman ako na ang nagdesisyon na magprito na lamang ng isda. Mayroon naman silang kamatis kaya siguradong gaganahan akong kumain.
"Ma'am, ako na ho ang magluluto, matatalsikan po kayo!" tinangka nitong agawin sa akin ang siyansi na hindi ko naman ibinigay.
"Hala, Ara na lang po, huwag na ma'am. Nagtatrabaho rin po ako sa Rkive. Tsaka dapat po magpahinga na lang kayo. Ang laki laki po ng bahay na 'to. Kayo lang po ang naglilinis?"
Mukhang nagulat ito sa aking biglaang pagtatanong. Pinagsalikop nito ang palad at huminga ng malalim. Mukhang kusa na siyang sumuko dahil hindi rin talaga ako papayag na ipagluto pa ako nito.
Kung maari ay umupo na nga lang muna sana ito sa upuan sa kitchen counter. Iniisip ko pa lamang kung gaano na karami ang tinrabaho nito sa maghapon ay nanghihina na ako.
"Ano nga po ulit ang pangalan ninyo?"
"Be-Belinda, iha,"
Agad naman akong napangiti.
"Nanay Belinda, matagal na po kayo dito? Grabe, sobrang nakakapagod po sigurong maglinis ng ganito kalaking bahay!"
Natawa naman siya habang ako ay iniikot ikot pa rin ang paningin sa kanilang kusina. Malaki pa kasi ang kusina ng bahay nila Julio kaysa sa mismong buong bahay namin sa probinsya.
May mga counter pa at kung ano anong hindi ko naman maintindihan kung para saan.
"Naku hindi naman. May ibang naglilinis ng bahay. Isa pa ay masipag ang magpipinsan. Madalas ay si Aedree ang nasa kusina. Siya at ang kanyang nobyang si Xantha. Mahilig kasing magpustahan ang dalawa kung sino ang maghuhugas,"
Aedree at Xantha? Sino kaya doon ang pinsan ng baby ko?
Mukhang naligayahan si Nanay Belinda at talaga namang nagkwento na. Mainam at nang makalimutan niya ang pakikipag agawan sa akin habang nagluluto.
YOU ARE READING
JULIO (P.S#5)
Romance"You're too innocent, too pure for me...masasaktan lang kita..."