May mga bagay siguro talaga na hindi mo kaagad matatangap...mga katotohanan na hindi mo gugustuhing tanggapin kahit pa nga wala ka naman talagang magagawa.
"Breathe, Ara," naramdaman ko ang mahigpit na yakap sa'kin ni Ahyessa. Dinayo niya pa talaga rito sa Rkive.
"Ayoko, hindi pa ko nagtu-toothbrush,"
"Ay punyeta ka," sagot nito bago ako tinulak bahagya palayo sa kanya. Humahikgik naman ako bago itinali muna ang magulo kong buhok.
Dalawang Linggo na ang lumipas. Tapos na ang klase. Nakalabas na rin si Killua at magkasama kaming dumalaw sa puntod ni Rianne.
Hindi tulad ko ay tahimik lamang na tinaggap ni Killua ang lahat. Walang luha, walang kahit na ano. Parang normal pa rin siya at panay pa ang pagbibiro.
Hindi ko alam kung maganda bang sensyales iyon ngunit wala na akong panahon para mag isip. Sa ngayon ay si Killua ang nagiging sandalan ko.
Wala ang mga Puntavega. Wala si Julio dahil normal na sa pamilya nila ang pumupunta sa abuela nila kapag bakasyon. Idagdag pa roon na mas napaaga ang alis ni baby Julio dahil kay Juliene.
"I can stay..." pagsusumamo niya noon pero hindi ako pumayag. Ngayon siya higit na kailangan ni Juliene. Hindi na ako nabigyan ng pagkakataong makausap ang dalaga.
Sa kaibuturan ng puso ko, hindi rin ako sigurado kung ano ang dapat maramdaman sakaling naging tunay ko nga siyang kapatid. Hindi kaya mas magulo iyon?
Pumayag rin naman itong umalis basta mangako ako na palagi kong sasagutin ang kanyang nga tawag na ginagawa ko rin naman. Isa pa, kahit papaano ay napapakalma niya ako.
"Sa susunod ay tawagan mo kami ganitong may iniinda ka. Kung hindi pa kita sinilip dito ay hindi ko pa malalaman na nagbubuhay mongha ka na. Bwisit kasi iyang si Julio at binlock ang number ko sa phone mo," ingos nito ng tuluyan ng lumayo sakin.
Ngumiti ako sa kanya. Nasa common room kami at pinahiram ko siyang muli ng aking damit. Ang sakit talaga sa mata ng mga suot niya.
"Okay lang naman ako, Ahyessa,"
Inirapan ako nito. "Hindi ka okay, Ara. Minsan hindi masama na tanggapin mo sa sarili mo na may mali, na may nararamdaman kang nakakapagpabigat sa kalooban mo,"
Mapait akong napangiti bago yumuko. Tinitigan ko ang aking kandungan at pinilit huminga ng maayos. Nitong mga nakaraan ay madalas akong kapusin ng hininga dahil sa panay paghilata ko at kawalan ng ganang kumilos. Pansamantala rin kasi akong tumigil sa pagdalaw sa puntod ni Rianne dahil parang ayaw ni Killua na pumunta madalas doon.
Narinig ko na huminga si Ahyessa ng malalim. "Ako din hindi ako okay,"
Napaangat ako ng tingin ng marinig ang kanyang tinuran. Hindi na ito nakatingin saking gawi at napansin ko din ang kalungkutang bumabalot sa kanyang mga mata.
"Ang plastik ko no? May pagbigay bigay pa ako ng payo sa'yo pero ako din naman hindi okay. Pero ganoon kasi eh. No matter how much you have lost, tuloy pa rin ang buhay,"
Nakagat ko ang pang ibabang labi sa kanyang tinuran. Nakaangat na ang kanyang mga paa sa couch.
"Hindi ka plastik dahil lang nagbibigay ka ng payo sa iba. May mabuti ka lang na puso kaya nagagawa mong isantabi pansamantala ang bigat na iyong nararamdaman at damayan ang mga taong mahalaga sa'yo,"
Natawa ng kaunti si Ahyessa ngunit kitang kita ko pa rin ang mga luhang naglalandas sa kanyang mga pisngi. Sinubukan niyang punasan iyon ngunit hindi naman niya magawang itago.
"Puta, bakit kapag ikaw ang nagsasabi pakiramdam ko totoo? Kapag si Andeng feeling ko ginagago ako eh,"
Napangiti ako sa kanyang ibinulong. Kusa na ring gumalaw ang aking katawan at niyakap siya.
Para kaming nakawala sa hawla at magdamag na nag inuman. Dumating na sa punto na pinalo ako ng tsinelas ni Killua dahil muntik ko na siyang sinukahan.
"Alam mo-hik!" natigil ito ng sininok kaya naman huminga muna ito ng malalim bago nagpatuloy, "Tangina nung si Vis eh. Mahal ko naman talaga iyong gago na iyon. Kaya lang putspa, na fall out of love. Kung kailan ako hinang hina...kung kailan kailangan ko ng kasangga...tsaka ako iniwan!" tumunga na naman ito ng alak. Naiiyak na naman ito habang ako naman ay napanguso.
Sino ba iyong Vis?
"Tapos, si Toni pa..." napayuko ito. "Ang hirap hirap magalit, nakakapagod." pagkatapos ay tumingin ito sa'king gawi, "Bakit ikaw Ara? Bakit hindi mo kayang magalit? Nadinig ko ke Lexo may kalaplapan daw last time dyowa mo ah? Tangina kung ako iyon, bungi na sila pareho sakin - yang dyowa mo tsaka kapalitan laway niya. Mga puta!"
"Ang lala ng mga bibig. Kadiri,"
Napalingon kami ng makita namin si Killua na dumadaan at may dala pang tuwalya. Maliligo yata ito.
"Ikaw Killua! Bakit ang laki ng eyebags mo?" sigaw ni Ahyessa rito habang si Killua naman ay binelatan lamang ang huli.
"Magkwento ka nga, masarap ba?"
Napakunot ang aking noo. Lasing na ako at medyo nag i i-slur na ang pananalita ngunit naiintindihan ko pa rin naman ang aming pinag uusapan.
"Alak? Mapait pero okay lang naman,"
Napahagikgik ito saking tinuran. Pulang pula na ang kanyang pisngi at sobrang cute niya na lalong tignan.
"Hindi, si Julio kako!" humagikgik na naman itong muli. "Natutulog siya dito, hindi ba? So nagtabi na kayo. Nakailan na kayo, dali, kwento ka!"
"Magkatabi? Marami na," inosente kong sagot. Minsan nakakatulugan ko na kasi ang pag uusap namin noon ni Julio.
Panay ang panunuliglig niya sa'kin na hindi ko naman masyadong nagets. Ang ending ay oareho kaming nakatulog sa sala. Sobrang takot ko pa ng magising kami kinaumagahan at ang tiya kaagad ang bumungad sa'min.
"Tita," nahihiyang bungad ni Ahyessa na mabilis nakatayo mula sa couch habang ako ay bagsak pa roon. Malinis na ang aming paligid at napansin ko pa si Killua na naglalakad pababa at nag me make face pa eh ang panhgit naman.
"Maligo muna kayong dalawa at ng gumaan ng pakiramdam ninyo. At ikaw Ara, kailangan mong mag empake ng mga damit dahil aalis tayo mamayang gabi,"
"Huh?" napaayos ako bigla ng upo. "Saan po tayo pupunta tiya?"
"Sa pamilya ng nanay mo. Matagal tagal na na rin kayong hindi nakikita ng mga iyon,"
Napaawang ang aking labi sa kanyang tinuran. Nawala na rin sa isip ko na marahil mayroon pa kaming mga kamag anak sa side ni nanay dahil wala namang sinabi samin si tatay. Ang buong akala ko ay sila na lang ng tiya noon ang pamilyang mayroon kami.
"Hindi naging maayos ang pagtanggap ng pamilya ng nanay mo sa pagkawala niya kaya hindi na rin tumigil doon ang iyong ama. Ngunit dahil dumating na rin naman sa puntong ito, siguro ay panahon na rin para bumisita kayong magkapatid roon,"
Wala na akong nagawa kung hindi ang tumango. Napatulala ako saglit at tila bigla na ring tumibok ng mabilis ang aking puso.
"Aalis ka rin?" parang malungkot na turan ni Ahyessa. Nilingon ko ito at hindi nakaligtas sa akin ang bigat na tila dala dala niya. Bigla tuloy akong may naisip.
"Sama ka?" tanong ko na ikinangiti nito kaagad.
Okay lang naman sigurong kasama siya, hindi ba?
YOU ARE READING
JULIO (P.S#5)
Romance"You're too innocent, too pure for me...masasaktan lang kita..."