CHAPTER 8- BETRAYAL

380 78 3
                                    

"Ano ba?" mahinang asik ko nang marinig na naman ang pag-ring ng aking cellphone.

Mga dalawang minuto na rin siguro itong tunog nang tunog. Hindi naman puwedeng sabihing alarm clock ang salarin dahil iba ang ringtone na gamit ko para doon.

Nakapikit pa na kinapa ko ito sa bedside table. Binuksan ko ang isa kong mata para suriin kung sino ang tumatawag sa ganitong oras.

Diyos ko! 3:10 a.m pa lang!

Napipilitan kong sinagot ang tawag ni Raine na siyang kapalitan ko palagi. Paniguradong may bad news na naman itong dala kaya bumangon na ako para ihanda ang aking sarili.

"Ma'am Raine, good morning," bungad kong sabi. Hindi pa rin magaling ang aking lalamunan kaya medyo paos pa rin ang aking boses.

"Good morning, Ma'am Lav. Puwede mo ba akong palitan kahit dalawang oras lang? Isinugod sa hospital si Mama..."

"Okay. I'll be there in a minutes," pamumutol ko sa linya nito.

Pinatay ko na muna ang tawag at nagmamadaling pumasok ako ng CR para maghilamos at mag-toothbrush. Mga tatlong minuto lang din siguro ay tapos na ako.

Nagmadali rin akong magsuot ng uniform at kaagad na lumabas ng apartment. Dumaan ako sa coffee house dahil bukas na rin naman. Bumili lang ako ng kape at nag-taxi papuntang Dou Hotel.

"Thank you, Ma'am Lav. Bawi na lang ako sa 'yo, ha?" bungad na sabi ni Raine. Halata sa pagmumukha nito ang matinding pag-aalala para sa ina.

"Ano ka ba? Okay lang. Ingat ka."

Ganito naman kami rito sa Dou Hotel. Bigayan lang ng oras. Handa kaming intindihin ang sitwasyon ng isa't-isa. Para na kaming magkakapamilya rito.

"Thanks!" sagot nito at nagmamadali ng lumabas ng hotel.

Ngumiti ako sa kay Fatima at Kris na siyang nasa front desk ngayon. Nag-isip ako kung ano pa ba ang hindi nagagawa ni Raine.

"Hindi pa po nadalaw ni Ma'am Raine ang matanda doon sa 3rd Floor. Ito po ang gamot na iniwan ng anak ni Ma'am Nina," sabi ni Fat sabay abot sa akin ng paper bag.

Kinuha ko naman ito at pumanhik na ng elevator. Nang huminto ito sa ikatlong palapag ay bumaba na rin ako. Nasa bandang dulo ang kuwarto ni Ma'am Nina.

Nang nasa kalagitnaan ako ay nahagip ng aking paningin si Allison na girlfriend ni Tyron. Hindi ako puwedeng magkamali sa aking nakita.

Agad akong napakubli sa isang sulok nang mapadaan ito sa aking kinaroroonan. Hindi naman din kababakasan ng pagmamadali ang galaw nito. Komportable lang din itong sumampa sa elevator at mukhang ground floor na ang destinasyon nito.

Anong ginagawa niya rito sa ganito kaaga? Dito ba siya natulog?

Sa halip na mag-isip ay pinuntahan ko na lang muna ang matanda at ibinigay sa care giver nito ang gamot. Bumaba na rin ako dahil wala naman akong gagawin. Naiwan ko rin pala sa desk ang kape ko. Kailangang magkaroon ng caffeine ang aking sistema para tuluyang magising ang aking diwa.

Nakatitig lang ako kay Fatima habang nagdadalawang isip kung magtatanong ba o hindi. Mukhang napansin naman nito ang kilos ko.

"Bakit po? Ano po 'yon, Ma'am Lavinia?" usisa nito habang nagtatanong din ang tingin sa akin.

"May Allison bang nag-check in dito?" pabulong kong usisa.

"Si Ma'am Allison Roque po ba?"

Napakurap-kurap naman ako. Sa tono ng pananalita nito ay para bang sanay na ito sa presensiya ng babae. Para bang regular na si Allison dito.

Late-night TalksTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon