Naramdaman ko ang buong pagod sa aking sistema nang makapag-out ako. Kagaya nitong mga nakaraang araw ay 10:00 p.m na naman ako nakalabas ng Dou Hotel.
Tahimik na naglakad lang ako papunta sa parte kung saan nagpi-pick up ng pasahero ang mga taxi. Ayaw ko ng abalahin pa si Daniel lalo pa at nagsabi iyon sa akin kanina na idi-date niya si Rona. Nakakahiya namang mangdisturbo sa love life ng iba.
"Ay kugtong!" pulahaw ko pa nang may biglang bumusina. Huminto pa ang isang pamilyar na sasakyan sa tapat ko at bumukas din ang bintana.
"Good evening, baby!" masiglang bati sa akin ni Tyron at bumaba na.
Preskong-presko ang mukha nito. Nakapagpalit na rin ito ng damit kaya malamang ay nakauwi na ito kanina.
Bumalik lang siya para sunduin ako? Wow, ha? Iba talaga ang effort ng mga lalaki kapag nasa ligawang stage pa lang.
Umikot siya sa bandang likuran ko at ipinatong ang kaniyang magkabilaang kamay sa aking mga balikat at marahan akong inalalayan papasok sa kaniyang sasakyan. Wala naman akong nagawa kundi ang makiayon na lang din.
Pagod na pagod talaga ako. Hindi na biro ang tamlay ng katawan ko. Napasandal ako, humalukipkip at pumikit.
"Seatbelt, Miss," paalala niya pa sa akin. Labag sa aking kalooban ang dumilat ng mga mata. "Ako na," dagdag niya at dumukwang papalapit sa akin para isukbit ang seatbelt.
"Thank you," mahina kong sabi. Tumango naman siya at ngumiti.
Habang nagmamaneho siya ay sa maaliwalas na mukha niya lang ako nakatitig. Ibang-iba na siya sa Tyron na una kong nakausap sa rooftop noon. Guwapo na siya noon pero hindi ko alam na may mas ikakaguwapo pa pala siya.
Iba talaga ang naidudulot ng stress sa isang tao.
"Bakit?" tanong niya sa akin nang mahuli niya akong nakatitig sa kaniya.
Napaayos naman ako ng upo. "Wala," tipid kong sagot.
"Daan tayo sa LC Resto, ha? Sabay na tayong kumain."
"Hindi ka pa kumakain?" gulat ko namang tanong.
Umiling naman siya at kinuha ang kamay ko para hawakan lang. "Hindi pa. Hinihintay kita. Wala kang makakasabay kapag nauna na ako."
"Ano ka ba naman? Sanay akong kumaing mag-isa..."
"Hindi na ngayon. Sasabayan na kita sa gabi at sa umaga at tanghali namin, depende sa schedule natin. Ayaw kong ma-pressure ka."
Napaawang na lang ang aking bibig dahil sa sinabi niyang iyon. Ngayon ko lang mas napagtanto na family oriented talaga siya. Kaya pala tumagal din ang relasyon nila ni Allison.
Pinigilan kong mapabuntonghininga. Alam ko ang problemang kinakaharap ko ngayon. Insecure ako sa past relationship nila. Hindi ko rin masisisi ang sarili kong pagdudahan ang nararamdaman niya sa akin kasi nasaksihan ko kung paano siya umiyak at nagluksa noong naghiwalay sila. Idagdag pa na isang dekada rin ang relasyon nila. Si Allison ang kasama niya sa loob ng sampung taon.
Kailangan ko munang sanayin ang sarili kong hindi na si Allison ang nagmamay-ari ng atensiyon niya kundi ako na.
Aish! Sounds weird pa rin talaga. Ano ba, Lavinia?!
"Magsalita ka naman," untag niya pa sa akin. "Sorry kung nagiging makulit ako..."
"It's fine," nakangiti kong sabi. "Sorry, pagod lang ako," paumahin ko at pinisil ang kamay niyang nakahawak pa rin sa kamay ko. Ipinatong ko sa lap ko ang kamay niya para hindi siya mahirapang magmaneho gamit ang isa niya pang kamay. "Ang lambot ng kamay mo," komento ko pa.
BINABASA MO ANG
Late-night Talks
Roman d'amour🌠Slow burn romance 🌠 New Adult 🌠 Slice of life Lavinia Collins fears falling in love again after her first love betrayed her a decade ago, sheltering her heart behind thick walls she constructed over the years. Meanwhile, Tyron Del Valle grapples...