CHAPTER 18- PURSUIT

61 29 6
                                    

"Papuntang work na rin ako, sumabay ka na sa akin," sabi ng lalaking kugtong sa akin. Hindi pa ito nakontento at hinawakan ang aking kamay at marahang kinaladkad papasok sa kaniyang sasakyan.

Hindi ako nakapalag dahil may gusto rin akong linawin sa kaniya. Hindi ako matatahimik hanggang hindi ko ito maitanong. Gusto ko nang malinaw na sagot dahil ayaw kong nag-o-overthink ako.

Nang umusad na ang kaniyang sasakyan ay napatikhim ako at napaayos ng upo. Nararamdaman ko na kasi ang tensiyon sa pagitan namin.

"Nagustuhan mo ba ako dahil ako nasa tabi mo noong nag-i-struggle ka?" direktang usisa ko sa kaniya. Saglit naman niya akong tinapunan ng tingin pagkuwa'y itinuon na iyon sa unahan.

"Alam kong iisipin mo rin 'yan. Sana nga ay nakilala na lang kita pagkatapos na ng break up namin ni Allison para walang isyu."

"Sagutin mo ang tanong ko, huwag kang tumalon."

"Hindi kita nagustuhan dahil lang doon. Gusto kita dahil ikaw si Lavinia Collins. No explanation. Basta gusto kita."

Hindi naman ako nakaimik. Mahigit isang taon na kaming magkakilala. Nasaksihan ko kung paano at bakit natapos ang huling relasyong napasukan niya kaya ang weird lang din sa pakiramdam na ako na ang gusto niya ngayon.

"Pareho naman tayong single ngayon pero bakit parang kasalanan din ang magustuhan kita?" rinig kong pabulong niyang tanong.

Hindi ko rin alam kung bakit gano'n ang aking pakiramdam. Baka dahil kahit noon pang in a relationship siya ay pinaghihinalaan na kami ng mga kasamahan namin. Kapag naging kami ay hindi ba at parang kinumpirma lang din namin na totoo ang hinala nila kahit hindi naman?

Wait... Maging kami?! Ano ba itong iniisip ko?

"Eleven years na akong single dahil sa una at huling heartbreak na naranasan ko samantalang ikaw ay one year lang? Nakakainggit ka naman. Ang unfair naman ng panahon."

"Hindi ka pa move on sa ex-boyfriend mo?"

"Move on na, ha? Ang tanga ko na kapag mahal ko pa rin ang gagong iyon."

"Wala kang balak na magkaroon ulit ng boyfriend?"

"M-Mayroon naman," may halong pagkautal ko pang sabi.

"Puwedeng ako na lang? Ayaw mo naman sa kay Veil kaya baka ako talaga ang para sa 'yo."

Ang cringe naman pala ng linyahan ng isang ito.

"Kilabutan ka nga," naaasar kong sabi sabay hampas sa kaniyang braso. Pareho pa kaming natawa.

"Why? Kagaya ba ni Veil ay wala ka talagang maramdamang spark sa pagitan natin?"

Natigilan naman ako sa kaniyang tanong. Mayroon nga ba o wala? I don't know. Hindi ko pa naman din pinag-iisipan ang gano'n dahil wala naman siyang motibong ipinapakita sa akin.

Kaya pala wala dahil confession agad ang gusto niya.

"Huwag mo pala munang sagutin ang huling tanong ko. Pag-isipan mo muna ng ilang beses. Isa pa ay ngayon pa lang ako nagsisimulang manligaw sa 'yo."

Napaawang naman ang aking bibig at napatitig sa kaniya.

Ganito ba talaga ang mga genius kapag umaamin ng nararamdaman nila? Masyadong tuwid ang mga salita? Wala man lang paligoy-ligoy.

"Noong nagkagusto ka ba kay Allison ay ganito ka rin? Masyadong honest?"

"Yeah, kaya hindi ko maintindihan kung bakit naging gano'n siya sa akin. Masyado naman akong transparent sa nararamdaman ko. Sinasabi ko sa kaniya kapag masaya o nasasaktan ako sa mga salita o kilos niya."

Late-night TalksTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon