S O L
"P're gising! Gigising ka o gigising ka?!" Sigaw ni Elijah na napakalakas. Dahil sa inis, minulat ko na ang aking mga mata.
"Bakit p're?!" Naiinis kong tanong sa kanya.
"May pasok na tayo ngayon! Hindi mo ba alam?" Tanong niya habang nakatitig sa mukha ko.
"Kainis naman oh! Sarap pa ng tulog ko eh," reklamo ko sa kanya.
Umalis na si Elijah sa tabi ko at nagtungo na sa kusina para ihanda ang almusal namin.
Napalingon ako kay Marcus na malakas pa rin ang paghilik. Lumapit ako sa kanya at nakitang tumutulo ang laway. Dali-dali kong kinuha ang phone ko at kinunan siya ng litrato siya.
Lumapit ako kay Elijah na abala sa pagpipirito ng hotdog, sumasayaw at kumakanta pa ito habang nagluluto.
"Elijah, tingnan mo 'to," sabay turo sa kanya sa litrato ni Marcus sa phone ko. Lumingon si Elijah sa akin. "Post mo sa facebook dali! Tag mo siya," nakakalokong sambit ni Elijah.
Makalipas ang dalawampung minuto, natapos na magluto si Elijah at inayos na namin ang hapag-kainan. Ginising ko na rin si Marcus.
"Marcus, p're gising na! Oras na oh! Aba masarap pa rin tulog mo ha?" Mahina kong pinag-tatapik ang malaki niyang noo. Buti na lang nagising din ang batugan.
"Rise and shine p're," sabi ko sa kanya.
"Ano ba? Ang sarap ng tulog ko eh," reklamo pa niya.
"Bahala ka riyan. Gusto mong iwanan ka namin ni Elijah? Nagluto na siya, kain na tayo." Agad naman siyang bumangon at umupo sa tabi ng kuya niya. Sabay-sabay na kaming kumain.
Pinanganak na kambal sina Elijah at Marcus. Pareho makisig ang kanilang pangangatawan, kulot ang buhok at moreno ngunit mas matangkad ng tatlong pulgada si Elijah kay Marcus at mas matanda ito ng apat na segundo.
Nakitira kami ni Mama Lorraine ko sa kanila dahil matalik na magkaibigan ang Nanay ko at ang Nanay nila. Hindi ko pa rin makalimutan noong unang beses akong pumunta sa kanila.
***
Tanghali ngayon at tirik ang araw. Buti na lang ay may dalang malaking payong si Daddy Harvey.
Nasa likod kami ng mall ngayon, may isang malaking parke dito at maraming mga pamilyang nag-ba-bonding ngayon, marami ring mga batang kasing edad kong naglalaro sa swing at slide. Ako naman ay busy sa pagkain ng sandwich na ginawa ni Mama Lorraine. "Sol, anak, heto pa oh marami pa akong sandwich na ginawa para sa 'yo." Inabot ni mama sa akin ang isa pang sandwich at kinain ko ulit 'yon.
Iniwan kami ni Daddy Harvey para bumalik sa loob ng mall. Nakalimutan niya kasing magdala ng inumin at kung ano-ano pa.
Pagkabalik niya ay may dala-dala siyang isang malaking plastic bag na mayroong mga orange juice, at iba pang mga pagkain.
"Sol, tara laro tayo doon sa swing," pagyaya ni Daddy sa akin. Pinagpagan ko ang suot kong shorts nang bumangon ako mula sa kinauupuan ko.
Habang tinutulak niya ako, hindi ko maiwasang mapatingin sa kanya at mapangiti dahil sobrang saya niya habang tinutulak ako.
Nakita ko rin si Mama Lorraine na nakatingin sa amin. Nilabas niya ang kanyang phone at kinuhanan niya kami ng litrato ni Daddy.
"Daddy's gonna give you a piggy back ride!" Dali-dali akong tumalon sa kanya at inalalayan ako ni Mama para maka-akyat sa likod ni Daddy.
Tumatakbo si Daddy habang nasa likuran niya ako. Hindi niya napansin ang isang truck na laruan at bigla kaming natumbang dalawa. Natawa kami ni Daddy at dali-daling lumapit sa 'min si Mama.
"Sorry, anak. Hindi kasi tumabi 'yong laruan eh. Kasalanan talaga ng laruan kaya tayo natumba."
"Daddy, isa pa! Gusto ko pang maglaro, Daddy." Biglang piningot ni Mama si Daddy.
"Harvey! Kung ikaw lang sana ang madapa, ayos lang dahil wala akong pakialam sa 'yo. Huwag mo naman sanang hayaang masaktan ang anak nating si Sol."
"Oo naman, Love. Pasensiya na ha?" Biglang kinarga ni Daddy si Mama at tinakbo ito. Ang saya nilang tingnan dalawa at para silang mga bata.
Kinurot ni Mama si Daddy sa tagiliran kaya't ibinaba na niya si Mama.
Hinayaan naming lumipas ang oras at lumubog ang araw, biglang nag-iba ang kulay ng kalangitan.
Yakap-yakap ako nina Daddy Harvey at Mama Lorraine, habang pinapanood namin ang paglubog ng araw.
Nang makaramdan na ako ng antok dahil sa kalalaro, kinarga na ako ni Daddy at sumakay na kaming tatlo sa sasakyan namin para makauwi na.
BINABASA MO ANG
Sol at Luna (A Solar Eclipse Love Story)
Teen FictionSi Luna Mercado ay isang simpleng babaeng mahilig sa kape, magbasa ng mga libro at mag-alaga ng pusa. Nagbago ang kaniyang simpleng buhay nang makilala ang lalaking 'di niya akalaing mamahalin niya habang buhay. Ang lalaking ito ay nagngangalang, So...