S O L
"Anak, gising na."
"Hmm. Wala naman pong pasok ngayon eh."
"May bisita tayo, 'nak."
"Sino po?"
"Sina Lola at Lolo mo." Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi ni Ninang. Nandito ba talaga sa bahay sina Lola at Lolo? Grabe! Kagabi nakasama ko si mama, ngayon sina Lolo at Lola naman. Sana dumating na ang araw na kumpleto kami.
"Hindi po ba ako nananaginip, Ninang?"
"Nakakatuwa ka naman. Hindi ka nananaginip kaya bumangon ka na." Lumabas si Ninang sa kwarto ko at nakita kong tulog pa ang dalawa. Tumayo na ako at pumunta agad sa banyo para maligo.
Habang nakatingin ako sa salamin, napansin kong tuluyan ng nawala ang mga pasa at sugat ko. Napapangisi na lamang ako sa tuwing naaalala kong nakasama namin si Luna tumugtog.
"Worth it ang suntok at ang padyak." Unti-unti na akong nagigising sa realidad na nahuhulog na ako sa kanya – kay Luna. Ano nga ba ang maaari kong gawin para Makuha ko rin ang loob ng Daddy niya?
Nang matapos akong maligo, ginising ko na ang dalawa at niyayang mag-almusal.
"Ang aga mo naman kaming ginising," reklamo ni Elijah habang yakap ang unan niyang pink.
"Nandito ngayon sina Lolo at Lola k– natin."
"Talaga? May dala ba silang pagkain?" Biglang tanong ni Elijah.
"Kahit kailan talaga, pagkain ang nasa isip mo. Hulaan ko, pagkain ang napanaginipan mo 'no?" Pang-aasar ko sa kanya.
"Tama ka! Ang sarap ng chicken wings," nakalolokong tugon nito sa akin.
"Magsipilyo ka na lang, medyo naaamoy ko na eh." Nanlaki ang mga niya at bumangon na nang padabog. Mahina ko namang tinapik sa braso si Marcus at agad naman siyang nagising hindi tulad ng kuya niyang batugan.
"Mga apo, ang popogi at ang laki-laki niyo na!" Masiglang bati ni Lola sa aming tatlo.
"Kanino pa ba sila magmamana? Malamang sa gwapo nilang lolo!" Binatukan ni Lola si Lolo dahil ang aga-aga ay bumabanat na ito. Nakakamiss ang asaran ng dalawa. Sana maging ganito rin kaming dalawa ni Luna.
"Apo, na-miss ka namin. Kumusta kana?" Tanong ni Lola sa akin at niyakap ako nang mahigpit at yumakap din naman ako pabalik sa kanya.
"Ayos lang po ako, Lola. Na-miss ko rin po kayo nang sobra pa sa sobra." Kumalas na ako sa pagkayakap at pinaupo na si Lola sa sofa. Napalingon naman ako kay Lolo na nakikipagkulitan kina Marcus at Elijah.
"Dito Lo, turuan kitang mag-drums," pag-anyaya ni Marcus.
"Talaga, Apo? Sa tingin mo pwede pa akong maging rockstar sa edad kong 'to?"
"Oo naman po! Ang lakas pa po ninyo at sobrang pogi pa rin. Sigurado po akong magkakaroon ka ng maraming chicks kapag sumikat ka po," pambobola ni Elijah. Kahit kailan talaga, babae at pagkain ang nasa isipan ito.
"Hoy! Narinig ko 'yon! Subukan mong mangbabae, kukunin ko 'yang pustiso mo!" Bulyaw ni Lola sa kanila.
"Nagbibiro lang," sabay nag-peace sign si Lolo.
"Lola, sinama ako ni Ninang Myllah sa hospital kahapon. Binisita po namin si Mama," kwento ko kay Lola.
"Kumusta naman siya?" Tanong niya sa akin.
"Ayos lang naman po siya. Sana tuloy-tuloy na po ang pagbuti ng kalagayan niya."
"Apo, kaya lumalaban pa rin ang Nanay mo hanggang ngayon ay dahil sa 'yo. Sa 'yo siya humuhugot ng lakas at sigurado ako hindi siya pababayaan ng Diyos," kampanteng sabi ni Lola.
"Sol, mayroon akong gusto sabihin sa iyo." Hindi na natuloy ni Lola ang sasabihin niya dahil sa lakas ng ingay na nanggagaling sa pag-drums ni Lolo.
Lumapit si Ninang Myllah kina lolo at nagyaya na siyang mag-almusal. Napatingin ako kay Lola at hindi na niya tinuloy pa ang kanyang sasabihin.
"Halika na apo, kain na tayo," pag-anyaya ni Lola sa akin.
Bago kami kumain, nagdasal muna si Lola, "Lord, maraming salamat po sa araw na ito. Maraming salamat sa pagkaing binigay mo sa amin. Nawa'y maging kalakasan po namin ito para sa buong araw. Sa pangalan ni Hesus, Amen."
"Kainin na!" Masiglang anunsyo ni Lolo sa amin habang taas-taas nito ang kutsara at tinidor.
Nang matapos kaming kumain, nagyaya si Lola na magsimba dahil araw naman ng Linggo ngayon at wala kaming masyadong ginagawa. Sumama kaming lahat sa kanilang dalawa ni Lolo at si Ninang Myllah ang nag-drive ulit para sa amin.
Natapos na ang misa at nagyaya naman si Ninang Myllah na magtanghalian sa paboritong kainan nina Lolo at Lola. Sunday is indeed the best day to have a date with your family.
"'Nak, bumili ka nga ng dalawang bottled water. Nauuhaw na ang Lolo at Lola mo," pakiusap ni Ninang Myllah sa akin.
"Sige po," sagot ko naman sa kanya.
Habang mag-isa akong naglalakad patungo sa isang sari-sari store, may isang batang lalaki akong nakabungguan.
"A-aray!" Daing ng isang cute na batang lalaki. Siguro around seven years old na siya. Yumuko ako at hinimas ang kanyang ulo.
"K-Kuya Sol, ikaw ba 'yan?" tanong ng bata.
"Yup! Ako nga si Sol. Bakit kilala mo ako?"
"Palagi ka po kasing kinikwento sa akin ni Mama Laida. Ang Tatay niyo raw po ang nagligta–" Hindi na natuloy ng bata ang sasabihin niya dahil may isang babaeng tumakbo papunta sa amin. Siya siguro ang Nanay ng batang ito.
"Anak! Salamat sa Diyos! Kanina pa kita hinahanap. Ikaw talagang bata ka kung saan-saan ka pumupunta. Aatakihin ako sa puso sa 'yo," alalang sabi ng babae.
Hindi ko maiwasang mainggit dahil hindi ko nakakasama si mama tuwing Linggo. "Pogi, salamat ha? Hindi mo pinabayaan ang anak ko. Kanina ko pa siya hinahanap. Anong pangalan mo iho?" Tanong sa akin ng Nanay ng bata na sa tingin ko ay nasa mid 40s na.
"Sol po. Sol Trinidad," sagot ko sa kanya.
"Sol Tr-Trinidad?" Nauutal na tanong nito sa akin.
"Sol! Kanina ka pa pinapahanap ni Mama! Tubig lang pinapabili ni mama, ba't ang tagal mo?! Buong water station ba binili mo?" Sigaw ng isang lalaki at pagkalingon ko ay si Elijah pala na kanina pa ako hinahanap.
"Mauna na po kami," pagpapaalam ko sa babaeng kausap ko nang hilain ako ni Elijah papunta kina Ninang. Napapikit ako at pilit na inalala kung matagal ko na ba silang kilala. Sa tingin ko, sila na ang magiging susi sa mga katunungang matagal ko ng dinadala.
BINABASA MO ANG
Sol at Luna (A Solar Eclipse Love Story)
Novela JuvenilSi Luna Mercado ay isang simpleng babaeng mahilig sa kape, magbasa ng mga libro at mag-alaga ng pusa. Nagbago ang kaniyang simpleng buhay nang makilala ang lalaking 'di niya akalaing mamahalin niya habang buhay. Ang lalaking ito ay nagngangalang, So...