Kabanata 3

50 6 0
                                    

"Ginabi ka ah?" bungad sa akin ni Carlo pag-uwi ko ng room.

"May pinuntahan lang," sagot ko naman.

Tumango lang siya at doon ko lang napansin na kaming dalawa lang ang nandito.

"Nasaan sila Vince at Nathan?" tanong ko.

"Hindi ko alam, dumating ako rito wala ng tao."

Pumunta ako ng kusina at nakitang may kanin nang naluto. Tiningnan ko ang mga stock ko at inisip kung ano ang pwedeng lutuin. Bago pa man ako makaisip ay narinig ko na ang pagdating ni Vince.

"Geo, magluluto ka?" tanong sa akin ni Vince nang dumiretso siya sa kusina.

"Oo sana kaso nag-iisip pa ako," sagot ko.

"Huwag ka na magluto. May ulam na tayo," bawal naman niya sa akin.

"Oo nga Geo! Ang sarap nitong dala nila o!" sigaw pa ni Carlo mula sa bedroom.

"Oo na."

Bumalik na ako sa bedroom at nagulat na naroon na rin pala si Nathan. Magkasama sila ni Vince?

"Saan naman kayo nanggaling na dalawa?" tanong sa kanila ni Carlo.

"Namalengke talaga ako sa bayan, tapos nakita ko itong si Nathan, kasama ang girlfriend niya," kwento ni Vince.

Hindi naman siya pinansin ni Nathan at nanatiling nakahiga lang sa bed niya.

"Eh nasaan ang mga pinamalengke mo?" tanong ulit ni Carlo kay Vince.

"Wala, tinamad ako mamalengke kaya bumili nalang ako ng lutong ulam doon." Tumawa si Carlo at napailing-iling pa.

"Lumayo ka pa, may food court at canteen naman dito," mapangsermon lang na sinabi ni Carlo kay Vince.

"Huwag mo 'ko husgahan Carlo. Hindi mo alam ang istorya ng buhay ko," madramang sinabi iyon ni Vince.

Tumawa ako sa asaran ng dalawa at nagawi ang tingin kay Nathan na nakikitawa na rin pala sa dalawa, tahimik lang. Nang makita niyang nakatingin ako sa gawi niya ay iniwas na niya ang tingin.

"Kumain na tayo! Gutom na 'ko!" biglang sigaw ni Vince.

"Kaingay mo, baka ireklamo tayo noong mga nasa kabilang room," bawal naman ni Carlo.

Nagkanya-kanya na kaming kilos para kumuha ng kanin. Si Carlo ay huminto naman sa tapat ng bed ni Nathan at inaya na ito. Tumanggi si Nathan pero hinila lang siya patayo ng bed kaya wala na rin siyang nagawa.

"Minsan na lang tayo magkakasabay-sabay kumain kapag naging busy na tayo kaya cherish this moment guys," pabirong sinabi iyon ni Carlo nang nakaupo na kaming lahat sa harap ng mesa.

"Gutom lang 'yan Carlo," biro rin ni Vince rito.

Nagkakatuwaan lang kami habang kumakain. Sumusulyap ako kay Nathan at nakikita kong nakikitawa rin naman siya sa kulitan noong dalawa. Umiiwas lang ako ng tingin kapag napapatingin din siya sa akin.

"Ikaw Nathan, saan kayo pumunta no'ng girlfriend mo kanina?" malisyosong tanong ni Vince.

"Wala!" tipid na sagot lang sa kanya.

"Masikreto, nako, magaling 'to," natatawa pang sinabi lang ni Vince.

"Ikaw Geo, may girlfriend ka?" Nasamid ako nang itanong sa akin iyon. Agad naman nila akong inabutan ng baso ng tubig.

Seryoso ba siya sa tanong niya? Hindi ba ako ganoon kahalata? Narinig ko ang bahagyang tawa ni Nathan na nasa tapat ko. Si Carlo ay napailing-iling din.

Huling Awit ng AdarnaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon