Kabanata 15

34 1 1
                                    

Nang dumating ang linggo ng intramurals ay naging abala ang buong unibersidad. Ito rin kasi ang panahon para malaman kung sino-sinong mga estudyanteng atleta ang kakatawan para sa Colleges and Universities' Olympics.

"Syempre gagalingan ng College of Education ngayon dahil sabi ng mga seniors, kami ang over all champion last year," pagyayabang ni Vince.

"Siguraduhin mo lang na wala ka sa line up ng mga athletes at baka mapurnada ang pagiging over all champion niyo sana ulit," basag naman ni Carlo.

"Huwag ka mag-alala Carlo, pupunasan ko ang mga luha mo," sagot ni Vince at tumawa pa na mala-kontrabida.

"Okay."

Inayos ko na ang bag ko at naglagay na rin ng tumbler na may tubig kung sakaling mauhaw. Sasamahan ko si Sabrina na manood kay Noel. Ayaw kasi sumama ni Justin dahil baka makita lang daw niya si Alie at Mark doon. Pabor naman na sa akin na pumunta roon dahil nakapangako na rin ako kay Noel na papanoorin siya.

"Saan ka manonood?" biglang tanong sa akin ni Nathan habang namimili ng isusuot sa locker niya.

"Gymnasium, kasama ko ang kaibigan ko na manonood ng arnis," sagot ko.

Sinarado niya ang locker nang nakapagsuot na ng t-shirt at humarap sa akin.

"Kay Noel?" Tinigil ko ang ginagawa ko at tumingin din sa kanya.

"Bakit, sasama ka?" tanong ko naman.

"May pupuntahan lang ako, susunod ako roon. Huwag kang masyadong dumikit sa ibang lalaki," sabi naman niya.

"Pakialam mo ba?" inis ko lang na tanong sabay sarado sa zipper ng messenger bag ko.

Malisyoso namang nag-react sila Vince at Carlo.

"Nathan, nandito sa taas ng locker ko ang ID mo. Ngayon ko lang nalaman na Jonathan pala ang pangalan mo," sabi naman ni Vince sabay balibag ng ID kay Nathan.

"Jonathan? Seryoso?" natatawang tanong ni Carlo.

"Huwag kang tumawa John Carlo," biro naman ni Nathan kay Carlo.

"Hayop naman nitong si Nathan! Ayokong naririnig 'yang first name na 'yan," sabi naman ni Carlo.

"Okay lang naman ah? Ako nga John Vincent eh," tumatawang sabi naman ni Vince.

Bigla namang inagaw ni Carlo ang ID kong nakalapag at binasa ang pangalan ko roon.

"Astig oh! Geodel, kakaiba ang pangalan mo Geo, palit tayo," sabi ni Carlo bago ibalik ang ID sa akin.

"Baliw."

Nang matapos sa pag-aayos ay sabay-sabay na kaming apat na naglakad papunta sa assembly area para sa parade. Dahil magkakaiba ng college ay nagkahiwa-hiwalay na kami hanggang sa maiwan na lang akong mag-isa papunta sa pila ng college namin.

"Kumpleto na ba? Dali picture na tayong buong block!" sigaw ng Class President na si Margie.

Habang nasa pila ay nagpapicture lang kami sa isang member ng Psychology Student Council, pagkatapos ay maingay nang nagkwentuhan ang mga kaklase ko ganoon din ang dalawang kasama ko na sila Justin at Sabrina.

"Una akong manonood ng swimming," sabi ni Justin na kinikilig pa.

"Ayaw mo naman kasi sumama sa amin ni Geo, si Noel naman ang papanoorin natin doon," pamimilit pa rin ni Sabrina sa kaibigan.

"No way! Congratulate ko na lang si Noel sa awarding, mananalo naman iyon," pagmamatigas ni Justin.

Hindi naman na sila nagpilitan pa nang magsimula na ang parade. Maingay ang lahat at kanya-kanya sigaw ng mga cheer per college. May mga Photojournalist din ng University Paper ang kumukuha ng litrato ng lahat ng mga kolehiyo. Halos lahat ay sinisigaw ang cheer, isa naman ako sa mga lumalakad at nagmamasid lamang sa paligid. Tumama sa mata ko ang pang-umagang sikat ng araw na nagpaparamdam na ng init nito. Bumagal ang lahat ng pangyayari sa paningin ko. Saya lamang ang nararamdaman ko sa mga oras na iyon, wala akong kamalay-malay sa mga susunod na mangyayari dahil hindi ko rin naman inaasahan ito.

Huling Awit ng AdarnaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon