Kabanata 25

27 2 0
                                    

"Ano ka ba Gab! Sinabi na nga nilang hindi sila kasabwat ng snatcher. Naibalik na 'yang bag mo ah," pagtatanggol sa amin ni Anne.

"Kung hindi sila kasabwat dapat hindi nila ako tinakbuhan," pagmamatigas nito.

"Eh tumawag ka ng pulis!" singit ni Baste kaya pinanlakihan ko siya ng mga mata para tumahimik.

"Tinakot mo kasi," dagdag pa ni Anne.

"Sige na! Siguraduhin mo Anne na mapagkakatiwalaan 'yang mga 'yan," pagsuko nito.

"Oo naman, tanungin mo pa. 'Di ba Geo?" baling sa akin ni Anne.

"Oo, hindi kami kasabwat no'n. Namumuhay ng marangal ang mga nakatira dito." Masungit lang na iniwas ni Gab ang tingin sa akin.

"Saka hindi taga-rito si Geo, kaya imposibleng kasabwat siya ng mga gano'ng tao."

"Oo na! Hintayin na lang kita sa kotse." Umalis na si Gab.

Tumawa si Anne saka humarap sa amin ni Baste.

"Pagpasensyahan niyo na. Mapanghinala talaga ang Kuya kong 'yon, minsan din iritable," paumanhin pa niya.

Tumingin ako kay Baste at ginulo ang buhok nito. Hinawi lang naman niya ang kamay ko kaya tinawanan ko siya.

"Tara na ulit sa pagbabasa," pag-aya rin ni Anne sa amin kalaunan.

Nanood lang ako sa pagtuturo ng mga volunteers sa mga bata at minsan ay sinasama rin nila ako sa mga ice breaker para malibang ang mga ito.

"Geo, para sa 'yo." Binigyan ako ni Anne ng juice.

Kasalukuyan ngayong pinagmemeryenda ang mga bata. Nakaupo lang ako at pinapanood ang pagtawa ni Baste habang kumakain kasama ang mga kalaro.

"Matagal na ba kayong magkakilala ni Baste?" tanong ni Anne at tumabi sa akin sa kahoy na upuan.

"Halos dalawang linggo pa lang," sagot ko at nginitian siya.

"Ah, pero matagal ka na rin dito?" Umiling ako.

"Halos dalawang linggo pa lang din," sagot ko kaya tumango-tango lang siya.

"Ano ba talagang dahilan mo at umalis ka sa inyo?"

Tumawa ako at napatingin sa bracelet na suot na ibinigay ni Baste. Nabahiran ng kaunting dumi ang sinasabi niyang balahibo ng ibong Adarna.

"Nakahanap ako rito ng bagong pamilya," sagot ko lang.

"Kung gano'n, masaya 'ko para sa 'yo. Sa tingin ko rin masaya mamuhay rito. Kahirapan lang talaga ang nagpapalungkot sa lugar na 'to." Tumingin ako sa kanya dahil sa sinabing iyon.

"Kayo? Bakit naisipan niyong magturo sa mga bata na nandito kaysa sa mga nasa paaralan?" tanong ko.

Huminga siya ng malalim at tumingin sa hawak na cup ng juice.

"Kapag nakakapasok sa school ang bata, may teacher na magtuturo sa kanya. 'Yong mga nakatira dito hindi na nakapagtapos sa pag-aaral kaya walang gano'ng magtuturo sa mga bata. Doon pumasok ang ideya namin na 'to." Ngumiti ako sa isinagot niya.

"Pwede ka pa lang humabol na Mayor," biro ko sa kanya.

Tumawa siya at umiling-iling.

"Ayoko sundan ang yapak ni Papa!" natatawang sinabi niya. Nagulat naman ako.

"Mayor ang Papa mo?!" Tumango siya.

Natakot tuloy ako dahil kapatid niya si Gab. Anak pala ng Mayor ang nagbintang sa amin na mga snatcher kami. Kung nagkataon na hinuli kami ng pulis ay wala ng paliwanag na magaganap at kulong ako.

Huling Awit ng AdarnaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon