Kabanata 27

28 3 0
                                    

Sa isang linggo na lumipas ay naging masaya naman kami ni Baste sa trabaho. Lingguhan ang sweldo namin at magandang sweldo iyon. Kaya naman nakabili rin ako ng mga damit, sapatos at ilang kailangan pa namin ni Baste. Minsa'y binibigyan pa kami ni Anne ng pagkain para iuwi sa bahay. Napakainam na nito kung ikukumpara sa pagtitinda ng uling.

"Pakidala naman itong tuwalya kay Sir Gab, nasa pool siya ngayon." Sabay kaming napatingin ni Baste sa dalawang kasambahay na nag-uusap.

Kasalukuyan naming dinidiligan ang garden dahil malinis naman ang pool kanina nang dumating kami.

"Ako? Eh pinapaakyat na ako sa taas at malawak pa ang lilinisin doon," pagtanggi ng kasambahay na pinakiusapan habang may mop na hawak.

"Naghihintay na kasi ang driver sa labas at pupunta na 'kong palengke," paliwanag naman ng isa na siyang may hawak ng tuwalya.

Napaiwas naman ako ng tingin sa kanila nang sabay pa silang lumingon sa gawi namin ni Baste.

"Si Kuya Geo na po ang magdadala niyan," sabi ni Baste kaya nanlalaki ang mga mata akong napatingin sa kanya.

"Buti naman! Heto na ang towel, pakiabot na lang kay Sir Gab." Pinatay ko na ang hose at kinuha ang iniabot na tuwalya.

"Pakibilisan mo lang at baka magalit 'yon," dagdag pa ng kasambahay bago umalis.

Tiningnan ko ng masama si Baste na ngumiti lang sa akin. Umalis na rin muna ako sa garden papunta sa likod ng mansyon kung nasaan ang pool. Napanood ko ang tahimik na paglangoy ni Gab na halatang sanay na sanay. Napadako ang tingin ko sa sun lounger sa gilid kaya roon ko na lang naisipan na ilagay ang tuwalya.

"Bakit d'yan mo lang ilalagay?"

Nagulat ako sa biglang pagsasalita ni Gab. Lumingon ako sa kanya at nakatingin na siya sa akin pero nakalubog pa rin ang katawan sa tubig.

"Ah, saan ko ba ilalagay?" nahihiyang tanong ko.

"Iabot mo sa 'kin dito." Lumapit siya sa gilid ng pool at nanatiling nakalubog sa hanggang balikat na tubig ang katawan.

Lumapit na rin ako roon. Seryoso niya akong pinanood habang lumuluhod para maiabot ng maayos ang tuwalya sa kanya. Inilapit ko sa kanya iyon pero hindi niya kinuha. Nagkatinginan kami at nakita kong may gusto siyang sabihin.

"Wala akong tiwala sa 'yo," kunot-noong bungad niya.

Nabigla ako pero agad ko ring binawi ang naipakitang reaksyon.

"Pinaimbestigahan ko kung sino ka ba talaga. Nalaman ko na taga-ibang probinsya ka, umalis ka ng walang pasabi sa mga kamag-anak mo. Nag-aaral ka rin sa isang kilalang unibersidad," paglalahad niya.

Hindi mo nga talaga kayang takasan ang tunay mong pagkatao. Kahit isang buwan ko nang hindi iniisip iyon ay bumabalik pa rin sa akin.

Umahon si Gab mula sa pool kaya napatayo ako para maiwasang mabasa. Nakita ko ang magandang katawan niya pero agad ko ring iniwas ang tingin doon. Lumapit siya sa akin kaya naman medyo napaatras pa ako sa pagkabigla. Hindi ko itinuon ang tingin sa kanya, napahigpit din ang hawak ko sa tuwalya.

"Iyon lang naman ang nalaman ko, walang criminal records o kung anong sabit." Napatingin na ako sa kanya dahil sa sinabing iyon. Akala ba niya masamang tao ako kaya niya pinaimbestigahan?

Ilang pulgada lang ang layo ng mga mukha namin kaya kitang-kita ko ang mapanuri niyang mga mata.

"Isang estudyante na tinakasan ang maayos na buhay," sabi niya at ngumisi.

Nagulat pa ako nang maramdaman ang basa niyang kamay na humaplos sa ibabaw ng kamay ko, pero kinuha lang niya ang tuwalya mula roon. Isinabit niya ang tuwalya sa balikat bago lumakad papunta sa lounger. Huminga naman ako ng malalim bago bumalik sa trabaho.

Huling Awit ng AdarnaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon