Kabanata 26

32 1 0
                                    

Inihatid rin kami nina Anne at Gab sa kanto malapit sa tulay. Nagpasalamat lang kami sa dalawa.

"Ang sarap ng pagkain do'n!" masayang sinabi ni Baste. Bitbit niya ang take out na binili ni Anne para kay Ate Linda.

Ngumiti lang ako sa kanya. Iniisip ko pa rin ang pang-aakusa sa akin ni Gab na nagpapanggap lang akong mahirap. Alam ko namang hindi ganoon ang ginagawa ko dahil pinili kong mamuhay kasama sila Baste. Hindi ko nga lang alam kung hanggang kailan. Napaisip tuloy ako kung hinahanap pa rin ako nila Tita. Ang tagal ko na ring wala sa bahay.

"Hindi ka ba nabusog?" tanong ni Baste nang mapansin ang katahimikan ko.

"Nabusog ako. 'Di ba ibibigay pa natin 'yong perang kinita sa sampaguita?" paalala ko.

"Ay, oo nga pala!" Tumakbo si Baste papunta sa bahay ng nagpatinda sa amin no'n. Pinanood ko lang siya.

Kinagabihan habang kumakain ulam ang take out galing sa fast food ay masayang nagkwento si Baste sa ina. Nakinig lang ako sa kanya at natutuwa na naiintindihan nito ang mga ungol na sagot ni Ate Linda.

"Kapag gumaling ka Nay, mag-aaral ako tapos magpapayaman. Dadalhin kita do'n!" masaya nitong sinabi kay Ate Linda.

Pagkatapos kumain ay nagtulungan lang kami sa paghuhugas ng mga pinaggamitan. Nilinis ko ang mga plato gamit ang baretang sabon habang si Baste naman ang nagbabanlaw nito. Bago naman matulog ay nakita kong kinuha niya ang alkansyang kawayan. Sa mahinang ilaw ng gasera ay kitang-kita ko pa rin ang inosente niyang mukha. Punong-puno ito ng pag-asa.

"Ano'ng plano bukas?" tanong ko sa kanya.

"Mangongolekta ulit tayo ng kahoy pang-uling." Ngumiti lang ako sa sagot niya.

"Matulog na tayo para maaga tayo magising bukas," sabi ko naman.

Tumango lang siya at hinipan na ang apoy ng gasera. Binalot ng dilim ang paligid na nakatulong din para hilahin ako ng antok.

Pagdating ng umaga ay pinagkasya lang namin ang isang instant noodles para magkalaman ang tiyan bago mangolekta ng mga kahoy.

"Kuya Geo, hindi ka pa ba napapagod sa ginagawa mo rito?" biglang tanong sa akin ni Baste habang naglalakad kami.

"Hindi naman. Bakit mo naitanong?"

"Wala lang. Hindi mo ba nami-miss 'yong bahay niyo? Pamilya mo? Kapatid mo? Alaga n'yo?" Napangiti ako sa sinabi niya.

"Makakabalik naman ako do'n. Masaya rin naman ako rito," sagot ko.

Ngumiti lang sa akin si Baste at namulot na ng mga kahoy. Hindi nga ganoon karami ang mga nakakalat na kahoy ngayon kaya hindi na rin kami nagtagal doon at nagdesisyong umuwi na. Nakalulungkot lang dahil alam kong kaunti na lang ang perang natitira para sa pagkain.

Naabutan naman namin sa harap ng bahay si Anne. May dala itong paperbag at ngumiti nang makita kami.

"Ate Anne!" salubong sa kanya ni Baste.

"Hi! May pagkain akong dala para sa inyo." Ibinigay niya ang paperbag kay Baste.

Agad na ipinasok iyon ni Baste sa loob. Lumapit naman sa akin si Anne.

"May balita ako sa 'yo," masaya nitong sinabi.

Pinunasan ko ang pawis sa noo at hinintay ang sasabihin niya.

"Naghahanap kasi ng isa pang helper sa bahay, naisip ko ikaw na lang ang kuhanin," balita niya.

"Talaga? Salamat! Kaso nga lang, maiiwan si Baste," pag-aalala ko.

Huling Awit ng AdarnaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon