Kabanata 24

27 1 0
                                    

"Doon tayo!"

Sinundan ko si Baste at kinuha ang mga nakikitang malalaking piraso ng kahoy. Gagawin itong mga uling para itinda bukas.

"Ayos na 'yan." Anunsyo niya nang wala na kaming mapulot.

Naglakad kami pabalik sa ilalim ng tulay at inilagay sa isang bakal na drum ang mga kahoy. Inapuyan ito ni Baste. Mainit at nakakahilam ang makapal na usok. Ilang oras din iyon bago namin binuhusan ng tubig at ibilad.

"Ang dungis na natin," natatawa kong puna.

"Maligo tayo sa ilog!" masayang pagyaya sa akin ni Baste.

Tumingin ako sa ilong at iba ang kulay nito. May ilang basura din na lumulutang gawa ng mga pabayang tao.

"'Wag na sa ilog. Sa poso na lang." Sumang-ayon naman sa akin si Baste.

Kaya naman salitan kami sa pagligo at pagtikwas sa poso para walang patid ang pag-agos ng tubig. Nang matapos ay kanya-kanya na kaming bihis at narinig ko pang inaya siya ng mga kalaro sa labas. Sumunod lang naman ako sa kanila para panoorin ang mga ito.

Nagkaroon din ako ng pagkakataon na pagmasdan ng mas mabuti ang paligid. Nakita ko ang mga residente rito na may kanya-kanyang pinagkakaabalahan. May mga dalagitang buntis din, may nagsusugal at inaayos ang bahay. Ibinalik ko ang atensyon kina Baste at naglalaro sila ng patintero. Malulam na ang langit kaya naman ilang sandali lang ay bumuhos ang ulan.

"Kuya Geo! 'Yung uling natin dali!" Nagmadali kaming dalawa na puntahan ang lugar kung saan ito nakabilad.

Mabilis na paghakot lang ang ginawa namin kaya hindi naiwasang marumihan kami. Lumakas pa ang ulan nang makasilong kami sa bahay.
May pumatak sa braso ko kaya napatingala ako sa bubong. Hindi na kaduda-dudang may mga patak ng ulan na makakatakas dahil lumang yero na ito.

Narinig kong tumawa si Baste kaya naman napatingin ako sa kanya.

"Bakit?" nagtataka kong tanong.

"May uling ka kasi sa pisngi."

Agad kong inalis iyon ng kamay.

"Sa kabila," sabi naman niya.

"Ikaw rin may uling. Sa noo mo oh," turo ko pa.

Pinanood ko siyang alisin iyon. Napaisip tuloy ako kung bakit mag-isa na lang itong nag-aalaga sa Nanay niya.

"Wala ka bang mga kapatid?" tanong ko sa kanya.

"Nag-iisa lang akong anak."

"Nasaan ang Tatay mo?" Nagkibit-balikat siya sa tanong ko.

"Hindi sinasabi ni Nanay. Sabi naman ng mga kapitbahay may sariling pamilya na raw." Malungkot lang akong tumango.

"Nag-aaral ka pa ba?" Umiling siya at ngumiti sa akin.

"Hindi pa ako nakakapunta sa eskwelahan, pero noong hindi pa na-stroke si Nanay tinuturuan niya ako magbasa, magsulat at magbilang." Napangiti ako sa sinabi niya.

Sayang dahil halatang matalino at matiyaga ang batang ito. Dapat talagang magpasalamat ang lahat ng mga may pribilehiyong makapag-aral dahil maswerte sila kumpara sa mga batang hindi kayang makapasok sa paaralan.

Nang tumila ang ulan ay inaya ako ni Baste na pumunta sa isang kapitbahay. May ipapalako raw kasi itong tinda. Iniabot sa kanya ang isang bilao ng bananaque na siyang ititinda namin sa labas. May porsyento siya sa kikitain dito kaya naman sasamahan ko na siya sa pagbebenta. Nakamamangha talaga ang batang ito dahil hindi siya nauubusan ng pwedeng pagkakitaan.

Habang naglalako ay napadaan kami sa isang elementary school. Nakita ko ang pagmamasid ni Baste. Bakasyon ngayon kaya sarado ito at mga utility na naglilinis lang ang nasa loob.

Huling Awit ng AdarnaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon