Kabanata 23

22 1 0
                                    

Pinanood kong ayusin ni Baste ang mga nakalakal niya pati na rin ang pag-asikaso sa hihigaan ko. Sa tantya ko ay walo o siyam na taon pa lang siya. Lumingon ako sa gawi ng paralisado niyang Nanay na hindi na makapagsalita ng maayos. Na-stroke ito.

"Dito ka na lang ha?" Itinuro niya ang pinagpatong-patong na karton.

"May banyo doon sa likod, kaso medyo madumi." Tumango lang ako.

May inilabas siyang tinapay mula sa sako ng kalakal at napagtanto kong iyon ang hapunan nila.

"Kumain na tayo." Inilapag niya ang tinapay na naka-plastic at kumuha ng isa para subuan ang Nanay niya ng maliliit na butil nito.

Kunot-noo naman siyang tumingin sa akin nang makitang pinapanood ko lang sila.

"Kumuha ka ng tinapay, 'wag ka na mahiya. Bahala ka, baka sa susunod pagkain na ang mahiya sa 'yo," sabi niya bago pinagpatuloy ang pagpapakain sa Nanay.

Napangiti ako dahil kung magsalita siya ay parang hindi bata.

"Hindi pa ba nadadala sa ospital ang Nanay mo?" tanong ko.

Tumigil siya sa ginagawa nang umiling na ang Nanay niya. Nabusog na yata ito sa kakarampot na nakain.

"Nag-iipon pa ako ng pera pampa-ospital kay Nanay," sagot nito at siya naman ang kumain ng tinapay. Kumuha siya ng isa at iniabot sa akin. Hindi ko iyon tinanggihan at kinain na rin.

Iyon ang unang beses na na-appreciate ko ang halaga ng pagkain. Maraming tao ang nakakapagsayang ng pagkain, samatalang nandito ang ilan at nagugutom o pinagkakasya ang kaunting pagkain para makaraos araw-araw.

"May naipon ka na ba?" tanong ko sa kanya.

"Maliit pa lang ipon ko. Extra-extra lang ako sa palengke tapos nangangalakal ng basura." Tumango lang ako.

"Ikaw, bakit nandito ka? Hindi pa kita nakita noon," baling niya sa akin.

"Umalis ako sa 'min," sagot ko.

"Kawawa naman pamilya mo." Ngumiti lang ako sa kanya.

Mga ilang minuto pa kaming nagkwentuhan ni Baste kaya nang makaramdam ng antok ay natulog na rin kami. Sila nga lang ang nakatulog dahil nanatili pa rin akong gising. May mga lamok na kumakagat sa akin pero hindi iyon ang dahilan. Marami akong iniisip. Kaya pagdating ng umaga ay mahapdi ang mga mata ko sa dalawang oras lang yata na tulog.

"Saan ka pupunta?" tanong ko kay Baste.

May dala-dala siyang mga sako ng uling.

"Sa palengke magtitinda. Gusto mo sumama?"

Ganito kaaga siya magtatrabaho?

"Hindi ka ba muna mag-aalmusal?" tanong ko.

"Kung hindi ako magtitinda wala ring almusal," sagot niya.

Tumayo na ako at nauntog pa sa tagpi-tagping bubong. Tinulungan ko siya sa isang sako ng uling. Nakalagay na ang mga iyon sa plastic bags at mukhang ibebenta na lang.

"Nanay, aalis na kami ha? Si Aling Bel muna magbabantay sa 'yo." Humalik pa siya sa noo ng ina. Tumugon lang naman ito ng hindi ko maintindihang salita.

"Araw-araw mo 'tong ginagawa?" namamangha kong tanong.

"Oo naman! Para mabuhay." Natigilan ako doon. Habang kahapon ay gusto ko lang magpakamatay, narito naman siya na ginagawa ito para mabuhay.

Pinanood ko si Baste habang naglalakad kami. Madungis ang suot niyang damit at luma ang mga tsinelas. Kahit na ganoon, nakakangiti pa rin siya at hindi sumusuko. Nag-iipon pa siya ng pera para sa pagpapagamot ng Nanay niya.

Huling Awit ng AdarnaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon