Kabanata 29

27 2 0
                                    

"Kuya Geo!" Napabalik ako sa wisyo nang marinig ang tawag ni Baste.

Nababasa ko na pala siya habang pinaliliguan namin ang mga aso.

"Sorry," natatawa kong paumanhin.

"Kanina ka pa tulala, ano bang iniisip mo?" tanong niya.

Hindi ko naman nahalatang lumulutang na pala ang isipan ko. Kanina ko pa kasi iniisip ang tungkol kay Nathan. Hindi naman niya ako kinausap noong namamasyal kami kasama ang mga kapatid niya, pero kitang-kita ko na may gusto siyang itanong.

"Wala! Tapusin na natin 'yan," sagot ko lang.

"Geo, pwede bang patulong lang sandali sa loob?" tawag naman sa akin bigla ng isang kasambahay. Naghugas lang ako ng kamay at sumunod na rin.

Pagpasok sa loob ay nakita ko ang malaking vase na nasira. Hindi naman siya basag na basag, napingas lang ang maliit na parte.

"Nabuwal kasi, ilalabas sana para maitapon na," paliwanag ng kasambahay.

"Sige, ako na ang bahala," sabi ko naman.

"Ay hindi! Tutulungan kita at mabigat 'yan," prisinta niya na hindi ko naman na tinanggihan.

Lumapit na ako sa vase at kinuha ang maliit na parte nitong napingas para ilagay sa loob. Kasing-laki ng timba ang vase kaya alam kong mabigat ito.

"Ano'ng nangyari?" Sabay pa kaming nagulat ng kasambahay nang sumulpot si Nathan.

"Ah Nathan, nabasag kasi ang vase, kaya ilalabas namin."

Pagkatapos niyang pakinggan ang paliwanag ng kasambahay nila ay sa akin naman siya tumingin. Iniwas ko ang mga mata at tumingin na lang sa vase.

"Kami na lang ni Geo ang magbubuhat," sinabi ni Nathan.

Nagkatinginan kami ng kasambahay at nakita ko ang pagtataka sa mukha niya. Siguro ay nagtataka kung bakit kilala ako ni Nathan.

"Sige, kaya mo ba?" tanong ng kasambahay at tumango lang si Nathan.

Pumalit siya sa pwesto ng kasambahay. Nakatingin kami sa isa't isa pero agad ko ring iniwas ang mukha. Nagulat naman ako nang hawakan niya ang kamay kong nakahawak sa vase.

"Ako na ang magbubuhat sa gawing ito, baka mahiwa ka," sinabi niya saka inalis ang kamay ko na nakahawak malapit sa nabasag na parte.

"Ano'ng mayro'n?" Lahat kami ay napalingon nang sumulpot si Gab.

"Ilalabas lang 'yong vase, nabuwal at nabasag kasi," paliwanag ng kasambahay.

Mariing tumingin si Gab sa aming dalawa ni Nathan.

"Geo, tapusin mo na 'yong trabaho mo sa labas. Ako na ang tutulong bumuhat niyan," sinabi niya direkta sa akin.

Napatingin sa akin si Nathan. Lumapit naman si Gab sa pwesto ko kaya tumayo na ako at hinayaan siya.

"Salamat," sinabi ko lang bago lumabas.

Sa labas ay nakita kong nagdidilig na ng halaman si Baste. Kinuha ko ang isang hose at tumulong.

"Ano'ng ginawa mo sa loob?" tanong ni Baste.

"Wala lang," sagot ko.

"Bakit namumula ka?" Nanlalaki ang mga mata akong tumingin sa kanya.

"Talaga?" gulat kong tanong.

"Medyo lang," natatawa naman niyang sagot.

Napatingin naman ako bigla kina Nathan at Gab na buhat-buhat na ang vase para dalhin sa likod. Una akong napatingin kay Nathan na nakatingin sa akin, sunod ay kay Gab na nakatingin din pala at salubong ang mga kilay. Mabilis kong iniwas ang tingin sa dalawa.

Huling Awit ng AdarnaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon