Kabanata 9

34 3 1
                                    

Sa dumating na weekend ay umuwi muna ako sa bahay namin. Halos isang buwan din ako na hindi nakauwi at talagang na-miss ko ang pagkain sa bahay. Sa buong biyahe ko sakay ng bus ay nakatulog lang ako dahil tatlong oras din iyon. Pagbaba ko sa kanto kung saan ako sasakay ng tricycle para maihatid sa bahay ay naisip ko munang dumaan sa isang sikat na bilihan ng pastillas sa bayan namin. Paborito kasi ito ni Papa at alam ko namang hindi siya laging nakakabili dito dahil busy sa farm. Lalo na sa ganitong panahon dahil iba-ibang gulay rin ang itinatanim nila roon.

Pagdating ko sa bahay ay tahimik ito. Sumalubong naman sa akin ang mga pusang alaga namin at ang dalawa naming mga aso. Hindi rin naka-lock ang pinto kaya alam kong nandito pa si Papa.

"Pa?" tawag ko at walang sumasagot.

Binaba ko ang mga dala at bag sa sala saka nagpatuloy sa paghahanap sa kanya.

"Pa!" Nilakasan ko na ang boses ko at wala pa ring sumasagot.

Pumunta ako sa kusina at nakita siyang nakaupo at parang may iniindang sakit sa dibdib dahil nakahawak siya rito.

"Pa? Anong nangyari?" Kumuha agad ako ng isang baso ng tubig at iniabot sa kanya iyon.

"Wala 'to, medyo hiningal lang ako," sagot naman niya at ininom din ang tubig.

Tumayo siya mula sa pagkakaupo at aalalayan ko sana siya nang pigilan ako. Ngumiti siya sa akin saka hinawakan ako sa balikat.

"Ginulat mo naman ako, hindi mo sinabing uuwi ka ngayon," sabi niya at pinilit ko namang ngumiti.

"Oo, ang tagal ko na rin doon sa dorm. Na-miss ko rito," sabi ko lang naman.

"May pasalubong pala ako sa 'yo, 'yong paborito mong pastillas," dagdag ko pa at nagpasalamat lang naman siya.

Sa dumating na hapon ay sinabi ko kay Papa na huwag na muna pumunta sa farm pero hindi siya nagpatinag. Sumama na lamang ako para mabantayan siya, pinilit ko namang hindi ipahalata ang pag-aalala.

Papunta sa farm ay sakay namin ang isang maliit na tractor kaya naman tanaw na tanaw ko ang mga berdeng taniman ng iba't ibang gulay at prutas. Sa malayong tanawin ay matatanaw ang bundok na simula pagkabata ay hindi ko alam ang pangalan, basta ang alam ko ay ito ang bundok na sumasangga sa bawat bagyong dumadaan sa bayan namin. Dinama ko ang sariwang hangin at nasilaw rin sa panghapon na sikat ng araw na mararamdaman pa rin ang init. Pagdating namin sa farm habang pinapanood ko si Papa na mag-spray ng kemikal laban sa peste sa mga pananim katulong ang ilan niyang kaibigan na magsasaka rin ay tinawagan ko na si Kuya Dan.

Kung malalaman ni Papa na tinawagan ko ito ay siguradong magagalit iyon sa akin kaya pasikreto ko lang na ikinuwento kay Kuya ang naabutan ko kanina. Sumusulyap naman sa gawi ko si Papa at nginingitian ko lang siya. Sa kilos niya ngayon ay walang bakas ng kahit anong iniindang sakit. Binaba ko na ang tawag nang masabi ang lahat kay Kuya Dan at siya na raw ang bahala.

Nang mamahinga sila Papa para magmeryenda ay nagpaalam muna ako na maglalakad-lakad. Lupa ang makitid na daanan papunta rito at isang truck lang yata ang kasya. May mga maliliit na talahib sa daan pero hindi nito tinatabingan ang mga pananim, may mga puno rin ng acacia sa kanang gilid ng daanan.

Umihip ang mas malakas na hangin at nakita ko ang grupo ng puting mga ibon na sumasabay sa daloy nito. Bigla kong naalala ang mga kaibigan ko.

Kaya naman kinabukasan, araw ng Linggo ay magkasama kaming pumunta ni Papa sa simbahan. Mag-isa na lang din na babalik si Papa sa bahay pagkatapos ng misa dahil didiretso na ako sa pagbiyahe pabalik sa university, pero makikipagkita muna ako sa mga kaibigan ko. Taimtim ko lamang na ipinagdasal ang panghihingi ng tawad at magandang kalusugan ni Papa. Gusto ko ay habang malayo ako sa kanya ay manatiling mabuti lang ang pangangatawan niya. Pagkatapos namin doon ay nagpaalam lang ako sa kanya na makikipagkita muna sa mga kaibigan ko bago bumiyahe.

Huling Awit ng AdarnaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon