Chapter 29

30 5 0
                                    

Feed Me with Truth

"Zaf!" Isang hindi malinaw na pagtawag ang narinig ko.

Doon lamang ako natauhan na nasa kailaliman ako ng dagat. Wala akong nakitang Zig o Mama sa harapan ko. Tanging ang madilim na dagat lang ang bumungad sa akin nang bumalik ako sa aking katinuan.

Agad akong lumangoy pataas upang makaahon ngunit naramdaman ko ang pagpulupot ng isang bagay sa aking paa, dahilan para hindi ako makagalaw.

Tinignan ko kung ano yon. Hindi man malinaw ay kita ko ang isang nilalang na nasa paanan ko, hawak ang aking paa at pinipigilan akong umahon.

"Ang sabi mo akin ka lang." Hindi bumuka ang bibig nito ngunit narinig ko ang kanyang sinabi, ang mas ikinagulat ko pa ay boses ni Zig ang aking narinig.

Pilit kong binawi ang aking paa mula sa pagkakahawak nito. Tinadyakan ko ito ngunit imbis na bumitaw ay mas lalo lamang humigpit ang pagkakahawak nito. Nauubusan na ako ng hininga. Kailangan kong umahon dahil kung hindi, katapusan ko na.

Nawawalan na ako ng pasensya. Inipon ko lahat ng lakas na meron ako upang makawala rito. Ramdam ko ang enerhiyang pumipigil sa paglabas ng aking kapangyarihan ngunit pilit ko iyong nilabanan. Hindi ako puwedeng mamatay. Lalo pa't alam kong may naghihintay sa akin.

Isang kamay ang humila sa aking kamay na siyang tumulong na iangat ako. Kaunti nalang ay makakaahon na ako, ngunit hindi ko na kaya pa. Hinayaan ko na lamang ang sarili kong makatulog sa sobrang panghihina.

-

Nagising ako sa kakahuyan malapit sa marmol na sahig ng Onopeia. Inilibot ko ang aking tingin sa paligid. Nahagip ng aking mata si Eos na nakatulog sa lilim ng malapit na puno. Siya ang humila sa akin pataas. Ngunit paano niya nalaman na nandito ako? Paano siya nakapunta dito? Tumakas ba siya sa mga kawal?

Nag-iwas ako ng tingin nang dumilat ang mga mata nito. Baka kung ano ang isipin niya kapag nakitang nakatitig ako.

"Gising ka na. Sa susunod ay mag-iingat ka sa sinusundan mong tinig. Hindi lahat ng naninirahan dito ay mga diyos at dyosa. Isang sirena ang tinangka kang kunin," aniya na siyang nakapagpabalik ng aking tingin sa kanya.

Napalunok ako sa nalaman. Isang sirena. Una, dragon, ngayon naman ay sirena. Minsan sa klase ay naririnig kong nagdedebate ang mga kaklase ko tungkol sa kung totoo ba ang mga sirena o hindi. Kung dalhin ko kaya rito ang mga humindi?

"Salamat nga pala," iyon lamang ang nasabi ko.

"Walang anuman."

Bumuntong hininga ako saka inangat ang tingin sa mga ulap.

Naroon ang Sierra. Tila ba napakalapit nito sa akin, ngunit ang hirap pa rin abutin. Hindi ko akalaing ganito ang mangyayari sa akin matapos ng lahat ng pinagdaanan ko at ng mga tumulong sa akin para lang makausap ang hari, ang nakatataas.

"Anong iniisip mo?" tanong ni Eos nang mapansing nakatulala ako sa itaas.

"Sinabihan niya akong taksil, na katulad ako ng dyosa dahil nananalaytay rin sa akin ang dugo niya. Hindi ko alam kung bakit niya nasabi iyon, gusto kong malaman," sagot ko sa tanong ni Eos.

"Zafrina, may hindi ako nasabi sa iyo tungkol sa pagkatao ko."

Nginitian ko ito. "Hindi na mahalaga sakin 'yon, Eos. Hindi mahalaga kung sino ka man o kung ano ka man. Basta't kaibigan ang tingin at turing ko sa 'yo," pagpapagaan ko ng loob nito, ngunit tila walang epekto iyon.

Thy KismetTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon