Isa sa mga kinatatakutan ng estudyante ang 'Hell week'. Pero para sa akin, isa 'tong blessing in disguise, hindi dahil matalino ako or easy lang sa akin lahat ng school works, kung hindi dahil mas nadadagdagan ang part time job ko.
"Iris, magpahinga ka na muna. Wala pa naman na estudyante ang kakain, mukhang mga busy na talaga kayo," saad ni Aling Enang, isa siya sa mga nagluluto ng mga pagkain dito sa Cafeteria ng University.
Tinanguan ko siya. "Opo, sunod-sunod na po mga school works, eh. Sige po, Aling Enang, upo na po muna ako sa tabi habang nagre-review. Pakitawag na lang po ako kapag may customer na." Agad kong inilabas ang mga librong hiniram ko sa library at saka nag basa-basa. Kailangan kong mag-multitask, mag-review at mag-part time job at the same time.
Makalipas ang ilang minuto ay natapos ko ang isang subject na kailangan kong i-review. Akmang magbabasa na ako ng panibagong libro nang biglang lumapit si Aling Enang na may dala-dalang cake at juice at inilagay sa mismong harapan ko. "Ano po 'yan? May customer na po ba?" Luminga ako sa paligid pero wala naman akong makitang kahit na sinong estudyante ang kakain.
Nginitian niya ako. "Para sa 'yo 'yan, kumain ka na muna."
"Po?" Marahas akong umiling. "Naku! Hindi na po, Aling Enang, ang dami ko na pong utang dito sa Cafeteria. Baka hindi ko na po mabayaran kapag nagkataon." Isa pa man din ang cake sa may pinakamahal na pagkain dito sa Cafeteria.
"Ikaw talagang bata ka! Nagpapalipas ka na naman ng gutom. Kainin mo na 'yan, hindi naman 'yan utang at hindi rin naman 'yan galing sa akin. Mayroong nagpapabigay niyan sayo," paliwanag niya.
Kumunot ang noo ko. "Po? Sino po?"
Nagkibit balikat siya. "Hindi ko rin alam, eh, may nagpabigay lang na kaibigan mo raw. Oh, siya sige na, kainin mo na lang 'yan para hindi masayang. May niluluto pa ako, eh." Magtatanong pa sana ako nang agad na siyang umalis.
Napatingin ako sa strawberry cake at red juice na nasa harapan ko, napansin kong may maliit na note na nakalagay sa tray. Agad ko itong binasa.
Eat up Bre! Ayokong nagugutom ka. I'm sorry, medyo natambakan din ako ng mga school works ngayon kaya hindi na muna kita masasamahan, babawi na lang ako promise. Take care, my Bre -Ver
Napangiti na lamang ako. Mukhang nagiging okay na siya. Nang matapos ako sa pagre-review ay naubos ko na rin ang pagkain at inumin na ibinigay ni Ver.
Agad akong lumapit kay Aling Enang na kasalukuyang nagluluto. "Aling Enang, mauna na po ako, ah? Magpa-part time pa po ako sa library, eh," paalam ko na agad naman niyang sinang ayunan.
"Oh, siya, sige-ay teka! Nakain mo na ba 'yong pagkain at juice na ibinigay ko?" Tumango ako na ikinangiti niya. "Oh, heto meryenda mo raw para mamaya." Abot niya sa akin ng isang sandwich na naka-pack.
Napamaang ako. "Pero-siya rin po ba ang nagpapabigay?"
Tumango siya. "Bago ka raw umalis, ibigay ko raw sa 'yo ito at malalaman niya raw kung kinakain mo o hindi ang lahat ng mga binibigay niya. Kaya siguraduhin mong kakainin mo 'yan. Oh siya, sige na at baka hinahanap ka na ni Mr Cruz sa library." Napailing na lamang ako bago ko itinabi sa bag ko ang sandwich. Sana magkita na ulit kami para mapagsabihan ko siyang itigil na itong kakabili niya sa akin ng kung ano-anong pagkain. Nakakahiya na.
Nang makarating ako sa library ay halos nagkakagulo na ang lahat sa dami ng estudyante. Halos lahat kasi nagre-review na. "Mr Cruz, good afternoon po," bati ko sa librarian namin, siya rin ang nag-alok sa akin na mag part time dito sa library sa tuwing maraming estudyante."Iris, Hija! Mabuti naman at narito ka na. Napakarami ng estudyante. Dating gawi na lang, ah? Pakitulungan 'yong mga estudyante sa mga libro na hinahanap nila, saka pakiligpit na rin 'yong ibang libro na nagkalat na sa sahig."
Nakangiti akong tumango. "Noted, Sir!" Agad akong nag-umpisa na magtrabaho.
Kasalukuyan kong inaayos ang mga librong nahulog na sa sahig nang biglang mahagip ng mata ko si Kevin na nasa pinaka dulong bookshelf at nakatitig sa akin. Bigla akong nailang kaya agad akong nag-iwas ng tingin. Pero ilang saglit lang ang nakalipas nang maramdaman kong naglakad s'ya papalapit sa akin.
"Hindi mo man lang ba ako i-a-assist?" he asked.
Tumikhim ako. "Ano ahm... hindi ko alam itatawag ko sa'yo-"
"Just kevin or anything you want, will do."
I nodded my head. "So ahm, anong kailangan mo? Pakisabi na lang po ng subject and title para matulungan kita hanapin kung ano man ang libro na hinahanap mo," saad ko habang sa ibang direksyon nakatingin.
"How to get closer to you," he said in a serious tone.
"Ha?" Ilang saglit ako natigilan bago ko napagtanto na nang-aasar lamang siya. Huminga ako ng malalim. "Look, Sir Kevin-"
"Just Kevin."
"Okay ahm, Kevin please, marami pa po akong ginagawa-"
"Drop the 'po' "
Napapikit ako ng mariin. "Please lang! Marami pa akong gagawin kaya pakisabi na lang ng librong hinahanap mo."
Napa iling-iling siya. "You're so cold, Iris. Hindi ka naman ganito noong unang pag-uusap natin."
Muli akong nagbuntong hininga. "No offense, pero katulad ng sinabi ko sa 'yo noong nakaraan ay hindi ako makikipagkaibigan sa 'yo. Kaya mas maiging maghanap ka na lang ng ibang kakaibiganin mo. I'm sorry, pero kung wala ka ng ibang kailangan pa, magtatrabaho na ako." Agad akong yumuko at lumayo sa kaniya.
"Ihahatid kita mamaya," medyo malakas ang pagkakasabi niya kaya naman kinabahan ako at napatingin sa paligid. Mabuti na lamang at busy ang lahat kaya walang nakapansin sa amin. Paniguradong kapag may nakakitang nag-uusap kami ay dadami na naman ang mambu-bully sa akin.
"May maghahatid na sa akin," pormal kong saad.
"And who the hell is that?"
"Si Ver, kaibigan ko," malamig kong saad. Ngumiti lamang siya at tumango bago ako iniwan.
Pagkaalis niya sa library ay agad akong nagseryoso sa pag-aayos ng mga libro. Malapit ng mag 6:30 nang tuluyan akong matapos kaya medyo dumidilim na pagkalabas ko.
Papunta pa lang ako sa main gate nang makita ko ang pamilyar na bulto na nakaupo sa motor. Napangiti ako at agad siyang pinuntuhan.
Naka helmet na naman siya kaya hindi ko pa rin makita kung ano ba talaga ang hitsura niya. "Hey! Bakit hindi ka pa umuuwi?"
Agad siyang napatingin sa gawi ko. "Hey! And'yan ka na pala, halika, ihahatid na kita."Agad akong nakaramdam ng hiya. "Hindi na! Ano ka ba, nilapitan lang kita para magpasalamat sa mga pagkain na ibinigay mo. Last na 'yon, ah! Wala akong pambayad sa mga 'yon."
Natawa siya sa sinabi ko. "Hindi naman ako naniningil. Halika na, ihahatid na kita, hinintay talaga kita, sayang naman kung hindi kita maihahatid."
Tatanggi pa sana ako nang makita ko ang isa pang helmet na hawak niya. Mukhang pinaghandaan niya talaga na maihatid ako. Nakakahiya naman tumanggi lalo pa't kanina pa pala siya naghihintay. Tumango na lamang ako at hinayaan siya na ihatid ako.
Mas mahinanon na siyang magmaneho ng motor ngayon. Nang makarating kami malapit sa bahay ay agad akong bumaba at tinanggal ang helmet na ipinahiram niya. "So, Mr mysterious slash Ver, kailan mo ipapakita ang hitsura mo sa akin?"
He chuckled. "I'm not hiding my face, Bre, gusto ko lang makasigurado na kahit pa makita mo ang totoo kong hitsura ay hindi mo ako lalayuan at magkaibigan pa rin tayo."
Napailing na lamang ako. "Loko! Kahit naman anong hitsura mo, walang magbabago."
"Sabi mo yan, ah." Tumango ako.
Dahan-dahan niyang hinubad ang helmet na suot niya. Kahit pa madilim na ay sapat na ang mga ilaw sa poste para makita ko ang kabuuan niya.
Halos manlaki ang mata ko nang makita ko ang mukha niya.
"K-kevin?" halos pabulong ko ng saad.
BINABASA MO ANG
One Love To Go (PUBLISHED UNDER PIP)
Teen FictionHighest Rank Achieve; #1 Chicklit Noon pa man ay itinatak na ni Iris Morgan sa kaniyang isipan na walang magandang maidudulot ang mga mayayaman: dahil kapag mas mayaman, mas basura ang tingin sa mga mahihirap. Namuhay siyang simple at kontento na s...