Chapter 8

4.2K 175 37
                                    

Hindi ko alam kung matutuwa ba ako na walang nangyari sa amin, sinabi pa niyang makukuha ko ang five million pesos. Nang ganoon kadali? Pagak akong tumawa at saka tumayo na mula sa pagkakaluhod. Isang punas pa ang ginawa ko sa pisngi at inayos ang sarili bago pasuray-suray na naglakad palabas ng unit, ni hindi man lang kami nagtagal sa loob kaya ganoon na lamang ang gulat ng limang body guard na naroon pa rin sa labas ng pinto.

"Ma'am, ano pong nangyari? Lumabas po si Mr. Miller na galit na galit," anang isa sa kanila na hindi ko na pinansin at nilampasan lamang.

Deretso ang naging lakad ko patungong elevator at doon tahimik na pumasok, mabilis namang nakahabol ang mga ito at muli akong pinalibutan. Hindi nagtagal nang tuluyan kaming makababa, pagkapasok sa van ay kaagad din iyong umusad. Mabuti at hindi na sila ulit nagtanong, marahil nakita nilang wala ako sa mood makipag-usap.

Wala na nga akong pakialam kung ano nang itsura ko ngayon, pero natitiyak kong para akong pinagsakluban ng langit at lupa. Ramdam ko ang bigat sa parehong mata at gusto ko na lamang matulog. Ilang oras pa ang lumipas nang sabay-sabay kaming bumaba sa van nang marating namin ang Demoirtel. Pasado alas dose na ng madaling araw kaya mabilis kong tinungo ang elevator paakyat sa unit.

Nang makapasok ay naabutan kong madilim doon at hindi na ako nag-abalang buksan ang ilaw dahil dumeretso na ako sa kama kung saan mahimbing na ang tulog ni Reece, samantalang naroon naman si Manang sa pahabang sofa. Masyado nang mabigat ang talukap ko, pati ang puso kong nag-uumapaw sa hinanakit kaya hindi nagtagal nang makatulog ako, dala-dala ang sakit na dulot ni Renz.

Kinabukasan ay nagising ako dahil sa likot ng katabi ko, umuuga ang kama kaya mabilis akong nagmulat at doon ay nakita ko si Reece na patalon-talon habang nakataas ang dalawang kamay sa ere.

"Morning, Mamu!" malambing niyang sambit nang mapansing gising ako at saka pa lumuhod para gawaran ako ng halik sa pisngi.

"Morning, anak ko..." bulong ko tila nanghihina pa.

"Umalis na si Manang Fe, Mamu, tawag daw siya, e."

Sa sinabi niya ay marahan akong tumango. Hindi na ako nagsalita at tanging pagtitig na lamang sa kaniya ang ginawa ko. Pakiramdam ko nga ay para akong tinakasan ng kaluluwa ko. Mabigat ang katawan pati na ang ulo ko. Matapos kong suklian ng halik si Reece ay sabay pa kaming napalingon nang tumunog ang doorbell sa labas.

"Ako na, Mamu!" Dali-daling bumaba si Reece ng kama at tumakbo.

Dahan-dahan naman akong umahon mula sa pagkakahiga at tumayo na rin. Hindi na nga pala ako nakapagpalit ng damit kagabi kaya ganoon pa rin ang ayos ko. Gulu-gulo ang buhok kaya saglit ko iyong inayos. Kino-kondisyon ko pa ang sarili nang biglang nag-materialize si France sa paningin ko.

Deretso ang naging pasok nito sa sala at inilapag sa center table ang hawak niyang attache case. May tatlong body guard ang nakasunod sa kaniya at naroon sa likuran niya. Nang makita ako ay masaya itong ngumiti kaya wala sa sariling nilapitan ko ito.

"Good morning, Esperanza!" aniya habang hindi nawawala ang ngiti sa labi. "Nabanggit sa akin ng mga body guard mo ang nangyari kagabi..."

Huminto ako sa mismong katapat niya at walang imik na pinagmamasdan siya. Nakasuot pa rin ito ng pormal na damit, ang kaniyang polo shirt ay kumikinang dahil sa mga palamuti na nakapalibot doon.

"Sa totoo lang, isa ka sa mga maswerteng babaeng nakilala ko. Biruin mo at hindi ka na nga nagalaw ni Third ay bukas pa sa pusong ibibigay niya ang five million pesos cash sa 'yo."

Sa sinabi niyang iyon ay binuksan nito ang attache case at doon ay tumambad sa paningin ko ang tumpok ng mga daan-daang libo. Halos mamangha ako at kulang na lang ay tumulo ang laway ko kakatitig doon. Ngunit mabilis ding naputol iyon nang ibagsak ni France ang takip no'n at muling isinarado. Nilingon ko siya at kumunot ang noo nang mapansing nakangisi ito sa akin, tila nang-uuyam.

Rampage Society: Taming Esperanza (Published Under Dreame App)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon