Prologue

6.8K 216 54
                                    

"Esperanza!" Dinig kong sigaw mula sa labas ng bahay.

Sandali kong ibinaba ang platong hinuhugusan saka nagpunas lang ng kamay gamit ang short na suot. Dali-dali ko itong pinuntahan bago pa man masira ang pinto sa lakas ng pagkakalampag dito. Nang mabuksan ay tumambad sa akin si Aling Nena, ang landlady dito sa maliit na kwartong tinitirahan ko, kasama ng anak ko. Pinasadahan ko ng tingin si Aling Nena at doon ay nakitang nagpupuyos ito sa galit.

"Bakit po? May problema ba—" tanong ko na natigil din kaagad sa ere ang bibig.

Hindi na ako nito pinatapos dahil inisang bagsakan niya sa harapan ko ang ilang papel na siyang nahulog pa sa sahig. Sa tingin ko ay bill ng kuryente at tubig iyon, isama pa ang bill ng bahay.

"Nag-usap na tayo, hindi ba? Ngayon ang binigay ko sa 'yong deadline, nasaan na ang pambayad mo?" aniya habang nag-iisang linya ang kilay.

Peke akong tumawa saka pa nagkamot ng batok. Halos umahon naman ang takot sa dibdib ko dahil iba na ang awra nito, kumpara noong nakaraang araw na napapakiusapan ko pa siya. Hindi na maipintura ang emosyong bumabalatay sa mukha ni Aling Nena, para na itong kakain ng buhay sa sobrang galit. Mayamaya pa ay inilahad nito ang isang kamay sa harapan ko.

"Aling Nena—" Hindi na naman ako nito pinatapos nang walang anu-ano'y sininghalan niya ako.

"Kung wala kang maibigay, mabuti pang umalis ka na lang! Ilang beses na kitang pinalalampas, nakakahiya na sa ibang nagrerenta rito na nagbabayad ng tama," mahaba nitong lintanya, tila pa pinipigilan ang sarili na huwag tuluyang magalit sa akin.

Sa edad kasi nitong mid-fifties ay posibleng ma-highblood siya. Huminga ako nang malalim, iniipon ang lakas para muling magmakaawa. Kung kailangan kong lumuhod ay gagawin ko para lang ma-extend kami rito ng anak ko. Hanggang ngayon kasi ay wala pa akong nahahanap na trabaho.

Higit isang linggo na yata at ngayon ay araw naman ng sabado kaya hindi ako makaalis para makapag-apply dahil sarado ang karamihan sa company. Iyong nakaraang trabaho ko sa isang karinderya ay nagsara kaya wala akong nagawa kung 'di ang umalis na rin kasama ng mga kasamahan doon. Sa ngayon ay sobrang gipit na gipit ako.

Tumikhim ako at ngumiting pilit bago nagsalita, "Aling Nena, nakakahiya man sa inyo ay hihingi pa ako ng isang palugit. Pangako at magbabayad na talaga ako, basta ay isa pa pong pagkakataon."

"Sinabing nang umalis ka na! Huwag mo akong hina-highblood, Esperanza, ah!" sigaw nito at saka pa ako idinuro, "Ang tagal ko nang nagtitimpi sa 'yo, matagal na rin sana kitang pinalayas kung hindi lang dahil diyan sa anak mo!"

"Aling Nena naman, kahit ngayon lang po talaga. Last na 'to at sa oras na makahanap ako ng trabaho ay magbabayad din ako kaagad," desperada kong pahayag at tangkang hahawakan ang kamay niya nang lumayo siya sa akin.

"Ganiyan din ang sinabi mo sa akin noong nakaraang buwan."

Kinalampag pa nito ang pinto dahilan para matigil ako sa kinatatayuan ko, tanging pagtitig na lang ang nagawa ko sa mukha nitong hindi na maipinta sa sobrang galit niya sa 'kin.

"Kailangan pagbalik ko rito ay wala na kayo, ah?" matigas nitong sigaw bago ako iniwan doong nakatulala.

Wala sa sariling bumagsak ang balikat ko. Gusto kong maiyak ngunit pagtiim bagang na lang ang nagawa ko, hindi ako ganoon karupok at kahina. Tumingala ako upang pigilan ang parehong mata sa nagbabadyang luha.

"Mamu, bakit po kayo nag-aaway?" Munting boses ang narinig ko mula sa likuran kaya agad ko iyong nilingon.

Bumungad sa paningin ko si Laureece, ang five years old kong anak. Isa sa napakagandang blessing na natanggap ko kahit pa puro kamalasan yata ang nangyayari sa buhay ko. Kinukusot-kusot pa nito ang maliliit niyang mata, tila ba nagising siya dahil sa sigawan namin ni Aling Nena kanina, habang ang mahaba naman nitong buhok ay nakatabon sa mukha niya.

Mabilis ko siyang dinaluhan at binuhat, saka inayos ang kaniyang mahabang buhok. Tinali ko iyon gamit ang akin, kapagkuwan ay hinalikan ko pa ito sa pisngi at nanggigigil na niyakap siya rason para mapahalakhak ito dala ng kiliti.

"Wala 'yon, baby, nagising ka ba ni Mamu? Pasensya na anak, ah?" mahinang sambit ko rito habang hinahagod ang kaniyang likuran.

Mariin akong pumikit at dinama ang malambot nitong balat sa balikat. Siya na lang itong nagpapalakas sa akin, siya na lang ang dahilan ko kung bakit mas pinipili kong magising sa araw-araw, kahit pa sobrang nakakapagod na ng mundo.

Sa gabing ding iyon ay nag-impake ako, sa ilang beses kaming nagpalipat-lipat ng matutuluyan ay naging dalawang bag back na lang itong gamit namin. Isa para sa damit ng anak ko at isa sa akin. Ang hirap kasing dalhin gayong alam kong sa lahat ng napupuntahan naming bahay ay palagi rin kaming pinapalayas, parehong rason at iyon ay dahil wala akong pambayad sa renta.

Nakakalungkot lang din, ni wala akong masandalan sa mga oras na 'to. Wala akong kinilalang pamilya at lumaki lamang ako noon sa piling ng isang matandang hindi ko kaano-ano, si Lola Sering. Ngunit wala na ito at sa panahon pa noong nalaman kong pinagbubuntis ko si Reece. Wala rin naman siyang nabanggit sa akin sa kung sino ang totoo kong magulang dahil dinampot lamang daw niya ako sa tabing ilog malapit sa munti nitong kubo.

Nakakagalit. Sinong matinong magulang ang makagagawa no'n, hindi ba?

"Tao po?" malakas kong wika bago kinatok ang isang pinto, hindi kalayuan sa kaninang bahay na nilayasan namin.

"Ano 'yon, 'neng? Wala kaming yelo," aniya at tiningnan ang hawak ko at dahil doon ay mabilis niya akong pinagsarhan ng pinto.

"Bibili nga ng yelo, e." Sumimangot ako at hindi naiwasang mapairap sa hangin.

Nilingon ko si Reece na siyang buhat ko sa isang kamay, tahimik lang ito habang nakayakap sa leeg ko. Sa isang kamay ko ay iyong isang bag habang suot ko naman ang isa. Kumakalam na rin ang tiyan ko dahil pasado alas siete na. May kaunti naman akong naipon pero sakto lang 'yon para sa pangkain namin ng anak ko.

Naglakad pa ako ng kaunti, kalaunan ay huminto sa tabing kalsada. Sandali akong naupo sa sementadong upuan malapit sa tulay, ibinaba ang isang bag saka huminga nang malalim. Hindi ko na alam kung saan pa ako papunta nito. Mabuti pala at pinakain ko muna itong si Reece kanina bago umalis. Kung wala lang talaga akong anak ay matagal na akong nawala sa mundong 'to.

Noon pa man ay gusto ko nang sumunod kay Lola Sireng, pero nang malaman kong may munting sanggol sa sinapupunan ko ay binigyan ko pa ng isang pagkakataon ang sarili ko. Kahit noong una ay hindi ko matanggap, pero anong kasalanan ng bata kung pati siya ay idadamay ko sa kagagahan ko, hindi ba? Kaya heto, tamang tiyaga lang hanggang sa may mailaga.

"Miss?" Nag-angat ako ng tingin sa isang lalaking huminto sa mismong harapan ko.

Naka-pormal ang ayos niya, may hawak pa siyang brown envelope na inipit nito sa kaniyang kili-kili. Kunot ang noo kong binalingan ang itsura niya, mukha naman siyang matino kaya ngitian ko ito.

"Bakit po?" pagtatanong ko.

"Kailangan mo ba ng tulong? May maitutulong ba ako sa 'yo?" aniya habang tinataas-taas pa ang parehong kilay.

Akala ko ay lalaking-lalaki pero nang marinig ko ang boses niya ay tumabingi yata ang mundo kaya nahulas ang ngiti ko. Sa unang tingin lang pala ito mukhang lalaki.

"Kung hindi mo naman mamasamain ay pwede akong tumulong," dagdag pa niya, animo'y pinipigil ako sa pagsasalita.

Sandali akong napaisip sa alok nito. Normal lang ba na kahit papaano ay makaramdam ako ng ginhawa gayong hindi ko naman siya kilala? Ngayon ko lang siya nakita at gaya ng sabi ko ay mukha rin naman itong matino kaya siguro ay pwede nang pagkatiwalaan.

"Ay, oo! Ano kasi... kailangan ko ng matitirahan kahit panandalian lang." Ngumiti pa ako saka inayos ang sarili bago tumayo.

Kailangan kong maging praktikal, biyaya na itong lumalapit sa akin kaya mabuting tanggapin na lang.

"Oh, siya, ano pang hinihintay mo? Gora na, girl!"

Rampage Society: Taming Esperanza (Published Under Dreame App)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon