Naging mahimbing ang tulog namin ni Reece sa gabing iyon, paano at ngayon lang namin naranasan na matulog sa isang malambot na kama. Kinabukasan ay nagising ako dahil sa tunog ng door bell. Pikit pa ang isang mata nang binalingan ko si Reece na mahimbing pa rin ang tulog.
Dahan-dahan ay bumangon ako saka ito hinalikan sa noo. Nang makatayo ay sandali akong nag-inat ng mga kamay at nag-ayos ng sarili bago nagtungo sa pintuan. Marahan ko iyong binuksan at bumungad sa akin ang isang babae, may katandaan na ito at tingin ko'y nasa mid-fifties na.
"Good morning! Ako si Manang Fe, pinadala ako rito ni Sir France para mag-alaga sa baby mo," aniya nang may ngiti sa labi.
Sa narinig ay nangunot ang noo ko saka siya pinasadahan ng tingin pamula ulo hanggang paa at pabalik sa kaniyang mukha. Naroon pa rin ang ngiti at nakikita kong napakamasiyahin niyang tao.
"Excuse me, pero hindi ako nag-request ng babysitter," naguguluhan kong sambit habang hindi maalis ang titig ko rito.
"Opo, pansamantala lang naman po ito dahil naghihintay na po si Sir France sa baba. Nasabi niyang papuntahin kita roon at may pag-uusapan daw kayo."
Shit, oo nga pala! May usapan pala kami ngayon. Wala sa sariling napatingin ako sa wall clock na naroon nakasabit sa pader, 8:15 AM na!
"Sige ho, Manang, pasok po kayo." Niluwagan ko ang pagkakabukas ng pinto.
Ngiti ang naging tugon nito at tahimik na pumasok sa loob na mabilis kong sinundan matapos kong maisara ang pintuan. Pinaupo ko muna ito sa may kalakihang sofa.
"May gusto po ba kayo? Inumin? Pasensya na, nawala kasi sa isip kong pupunta ngayon si France," sambit ko na nananatiling nakatayo sa may gilid.
"Ayos lang, hija, naiintindihan ko naman dahil nabanggit din niyang marahil ay napagod ka kagabi."
Lumipad ang tingin nito sa kama, kung saan naroon si Reece na hanggang ngayon ay tulog pa rin. Malawak ang room ko rito pero walang mga pader na nagsisilbing harang kaya kita ang bawat sulok. Nasa pinakadulo ang kwarto namin, ang naging divider doon ay ang dalawang sofa na magkadikit na siyang katapat nitong mahabang sofa.
May estante rin sa gilid nito at doon ay nakapatong ang malaking flatscreen. Sa kabilang dulo ay naroon naman ang kusina na counter table ang nagsilbing harang, papasok sa loob ay ang kusina at malaking dining table. Sa tabi naman nito ay ang malawak na banyo.
"Ilang taon na ang anak mo, hija?" pagtatanong ni Manang Fe dahilan para mabalik ako sa ulirat.
"Limang taon na po." Nakangiti kong sagot, "Sige po, Manang, maliligo lang ho ako sandali."
Tumango ito kaya nagmadali na akong kumuha ng damit at kumaripas ng takbo papasok ng banyo. Sa sobrang lawak nga nitong banyo ay halos malula ako dahil sa may kalakihang bathtub na naroon sa gilid. Sa gitnang bahagi nito ay ang shower room, katabi ng toilet bowl at malaking salamin sa gilid nito.
Ang sarap pagmasdan, para talaga akong nasa isang mansyon. Ilang minuto ang itinagal ko sa pagligo, kalaunan ay lumabas na rin ako. Suot ko na ngayon ay ang blue washed jean at isang kulay puting loose shirt. Sandali kong inayos ang mukha saka naglagay lamang ng pulbo at lipstick.
"Manang, bababa na ho ako, ah? Ikaw na po munang bahala kay Reece. Kapag nagutom po siya ay may tira pa namang pagkain doon sa kusina," pahayag ko rito na naroon pa rin sa sofa.
"Sige, hija."
"Siya nga pala, Manang, kapag umiyak siya at hindi niyo mapatahan, puntahan niyo na lang po ako sa baba."
Lumapit ako kay Reece at marahang pinatakan ng halik sa noo. Muli kong binalingan si Manang na ngayon ay sa akin naman nakatitig.
"Napakaganda mo pala, hija," bulalas niya kaya muntik na akong masamid.
BINABASA MO ANG
Rampage Society: Taming Esperanza (Published Under Dreame App)
General FictionSa hirap ng buhay ay hindi lubos akalain ni Esperanza na tatanggapin niya ang isang trabaho- na kailanman ay hindi sumagi sa utak niyang magagawa ito- ang maging isang high profiled hooker sa Rampage Society at para maitaguyod ang nagkukumahog niyan...