Chapter 2

4.9K 184 43
                                    

Pagkapasok sa room ay mabilis kong binuksan ang ilaw sa loob, doon ay tumambad sa paningin ko ang malawak at malinis na unit, ganito 'yong mga pinapangarap kong bahay noon. Pinaghalong kulay puti at ginto ang naroon sa loob. Mula sa pinturang puti sa sementadong dingding, sa tiles na kay linis tingnan hanggang sa kisameng may touch of gold.

Ang chandelier na nagsisilbing liwanag sa paligid, ang kurtinang umaalon dahil sa ihip ng hangin mula sa veranda ng kwarto at nang mahagip ng mata ko ang queen size bed ay nagtungo ako roon. Marahan kong inihiga si Reece na ngayon ay kinakamot-kamot na ang kaniyang mga mata, sa haba ng biyahe namin kanina ay ngayon lang siya nagising.

Ang cute talaga ng batang 'to, napakabait kaya hindi ganoon sumasakit ang ulo ko sa kaniya, bagkus ay siya pa itong naging stress reliever ko.

"Mamu..." Rinig kong sambit niya kaya hinalikan ko ito sa pisngi.

"Kamusta ang tulog ng baby ko? Hmm?" tanong ko habang sumisiksik sa kaniyang leeg.

Dahil doon ay narinig ko naman ang munti nitong pagtawa na siyang kay sarap pakinggan, tila pa isang musika sa pandinig ko.

"Mamu, nasaan tayo?" aniya dahilan para balingan ko ito.

Umayos ako sa pagkakaluhod ko sa kaniya at hinawakan ang magkabilaan nitong kamay, nilalaro ko iyon habang hindi maalis-alis sa labi ko ang isang ngiti.

"Dito tayo pansamantalang manunuluyan, anak," pahayag ko rito.

Pansamantala lang muna dahil hindi ko pa alam kung ano talaga ang pakay sa akin ni France, kung ano iyong magiging kapalit ng pagtulong niya sa amin ng anak ko. Kung maayos at matinong trabaho naman ay tatanggapin ko, walang problema iyon sa akin at baka pagbutihin ko pa para lang masuklian itong kabutihan niya sa amin.

"Hindi ka ba nagugutom, anak? O gusto mo ulit kumain?" tanong ko nang muling kumalam ang sikmura ko.

"Saan tayo kakain, Mamu?"

"Sa baba raw, anak, may kainan doon. Samahan mo na lang ako?"

Bumaba ako mula sa kama at naglakad palapit sa pinto kung saan nakalapag ang mga bag namin, hinila ko iyon palapit at naupo upang buksan. Kumuha ako ng isang pares ng damit para kay Reece saka siya pinalitan at inayusan na rin. Nang matapos ay pinatayo ko ito sa kama, roon ay nangingiti ko siyang pinagmasdan.

Ang dalawang pares nitong mata, kulay tsokolate iyon na malayong-malayo sa akin na kulay itim. Ang matangos nitong ilong, ang mapupula at malambot niyang labi, hanggang sa mala-singkamas niyang balat. Kalaunan ay napawi ang ngiti ko nang ma-realize kong wala siyang nakuha sa akin, maliban na lang sa alon-alon nitong buhok. Lahat ng facial features niya ay namana nito sa kaniyang ama, na hindi ko na alam kung nasaan na o kung buhay pa ba.

Wala naman na akong balak hanapin iyon dahil unang-una, siya ang nang-iwan sa akin six years ago. Umalis itong walang paalam kaya bahala siya sa buhay niya ngayon. Napangiwi ako nang nag-materialize ang itsura nito sa mukha ng anak ko. Wala sa sariling napabuga ako ng hangin. Kalaunan ay binuhat ko na rin pababa ng kama si Reece para makaalis na kami. Kailangan ko pa kasing hanapin iyong Resto na sinasabi ni France.

"Mamu, nagugutom na rin ako," sambit ni Reece nang makapasok kami sa elevator.

"Ako rin, anak." Tumawa ako at nailing na lamang sa kawalan.

Pakiramdam ko nga ay mabubutas na ang tiyan ko sa sobrang pagkalam nito. Ilang segundo lang nang bumukas ang pinto ng elevator at iniluwa kami sa unang palapag kung saan nalingunan kami ni kuyang guard.

"Oh, Miss, bakit pa kayo bumaba? May pupuntahan po ba kayo?" anang guard na inilingan ko lang.

"Hindi po, ano kasi... nagugutom kami ng anak ko. Gusto ko lang din itanong kung nasaan iyong Resto rito?"

Rampage Society: Taming Esperanza (Published Under Dreame App)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon