Little ConstantinePitong taong gulang ako noon nang umuwi si Papa na may dala-dalang isang mahabang rolyo ng chocolate cake na may kasama pang bilao ng pansit at isang bucket ng fried chicken. Tinawag niya si Mama mula sa labas at masaya siya nitong sinalubong.
"Natanggap ako bilang security at family driver ng mga Constantine!" galak na anunsyo ni Papa nang mailapag niya ang mga pagkain sa lamesa. Nanatiling nakapako ang aming paningin ni Zuki sa mga pagkain. Ito kasi ang unang beses na nakabili ng ganyang karaming pagkain si Papa. Nagtatalon naman si Mama sa tuwa habang pinupunasan niya pa ang pawis ni Papa tapos itinabi ang hinubad nitong sapatos.
"Mabuti naman kung ganun! Salamat naman sa Diyos."
"Binigyan nila ako ng paunang bayad kaya ibinili ko agad ng mga pagkain na gusto nila Nami at Zuki. Mga anak, halina dito." pagkatawag sa amin ni Papa, lumapit agad kami ni Zuki papunta sa kaniya. Isa-isa niya kaming binuhat at inikot ng ilang sandali sa ere. Ang lakas talaga ni Papa. Binibilisan niya pa ang pag ikot kapag lumalakas ang hiyaw namin.
"Meron pa pala akong pasalubong sa inyo!" sabi ni Papa nang ibaba niya na kami. May kinuha siya sa kaniyang bag. Umupo siya sa lebel naming dalawa ni Zuki at inabutan kami parehas ng kahon. Binuksan namin ito ng sabay at may lamang manika 'yung akin.
"Wow! Barbie. Salamat, Papa!" sinalubong ako ni Papa nang lumapit ako sa kaniya para yumakap. Ito 'yung doll na nakita ko no'ng nakaraan sa palengke pero mukhang mas mamahalin ito dahil meron talaga siyang sariling box tapos may isang damit, bag at suklay na gamit 'yung barbie. Hindi pa man marunong magsalita si Zuki, halatang nagustuhan niya 'yung laruang robot dahil hindi niya na 'to binitawan pa.
"Oh siya, mamaya na kayo maglaro ulit. Kumain na muna tayo at lalamig na ang pansit at fried chicken."
Simula nang natanggap si Papa sa trabaho niyang yun, mula sa isang kahig at isang tuka na buhay namin noon, medyo gumaan na ngayon.
***
Makalipas ang anim na buwan simula noong ma-regular si Papa sa kaniyang trabaho, ngayong araw naman niya ako isasama sa mansyon, kung saan nakatira ang kaniyang pinagsisilbihan, sa kauna-unahang pagkakataon. Nataon kasing walang maiiwan sa bahay para magbantay sa akin dahil lumuwas si Mama sa Maynila at sinama niya si Zuki para mamili ng mga kailangan niya sa aming maliit na karinderya.
Maaga akong bumangon para maligo dala ng excitement kaya naman gulat na gulat si Papa nang madatnan ako sa hapag-kainan pagkagising niya. Inayusan ko na rin ang aking sarili ng walang tulong galing sa kanila.
Umupo si Papa sa harap ko matapos siyang magtimpla ng kape at kinuha ang dyaryo na ako rin ang naglagay sa mesa. Tamad niya akong tiningnan, "Oh? Saan ang punta mo?" hindi ako sigurado kung tama bang irapan si Papa nang makita ang kanyang mukhang nagpipigil sa pagtawa nang tanungin niya ako no'n. Malamang hindi dahil isa 'yung hindi pag respeto sa magulang. Pero halatang inaasar niya talaga ako!
"Hindi po ba sasama ako sa mansyon ngayong araw?" paalala ko sa kaniya.
Syempre, baka naman nakalimutan talaga ni Papa 'yung usapan namin kagabi. Hindi pwede 'yun! Gusto kong makita 'yung amò niya pati 'yung mansyon na palagi niyang kinu-kwento sa amin bago matulog sa gabi.
"Pwede ko ba naman 'yun makalimutan? 'Wag ka ng umiyak. Nagbibiro lang naman ang Papa." ginulo niya ang buhok kong nakatali sa dalawang ponytail at pinunasan ang luhang namuo sa aking mga mata na 'di ko man lang namalayan.
"Magpakabait ka do'n, ah? 'Wag kang susuot kung saan-saan."
"Opo, 'Pa."
Gaya ng bilin ni Papa, hindi ako umalis sa tabi niya ngunit masyadong abala ang aking mata dahil sa ganda ng lugar na aking napuntahan. Tumango lang din ako sa taong ipinakilala sa akin ni Papa na amo niya. Makisig ito at matapang ang mukha maski pa ngumiti siya sa akin. Maya-maya lang umalis na rin 'yung lalaki at dumiretso kami ni Papa sa malawak nilang garahe. Kasing-laki na siguro ito ng bahay namin. Grabe, garahe pa lang sa kanila 'to!
"Dito ka lang umupo at panuorin mo ako linisin ang sasakyan ni Sir Sebastian." bilin ulit sa akin ni Papa.
Pinanood ko si Papa kung paano niya brasuhin ang malaking sasakyan ng kaniyang amo. Nang isunod niya ang loob ng sasakyan, hindi ko na siya gaanong napanood pa kaya nag umpisa na akong mainip. Hindi pa man ako eksperto sa pagtingin ng orasan, alam kong matagal na rin akong nakaupo dito. Inilipat ko ang tingin sa matayog na gate ng malaking bahay na ito. Kahit na mataas pa ang sikat ng araw, wala kang makikitang bata na naglalaro sa labas kumpara sa lugar namin. Pero dahil nga naiinip na ako, gusto kong sumilip sa labas kaya nagpaalam ako kay Papa.
"'Pa, pwedeng do'n lang ako sa gate? Sisilip lang ako sandali." noong una, hindi sangayon ang mukha ni Papa, parang ayaw niya akong payagan kaso napagtanto niya sigurong kanina pa ako walang ginagawa sa pagaantay sa kaniya.
"Sige, basta 'wag kang lalayo."
Tumakbo ako papunta sa matayog na gate. Wala nga talagang ni-isang anino ng bata sa labas. Napanguso tuloy ako dahil napakatahimik ng paligid. Napalingon ako sa dako kung saan may humuhuning ibon. Tumambad sa akin ang napakagandang hardin. Berdeng-berde ang damo at ang titingkad ng mga bulaklak. Nilingon ko muna ang kinaroroonan ni Papa, nasa likod na bahagi na siya ng sasakyan kaya naisip ko na hindi ako makikita nito kung pupuslit ako sa hardin.
Parang paraiso 'yung hardin habang dahan-dahan ko itong nilibot. Sininghot ko ang halimuyak ng mga bulaklak na nakikita ko lang sa mga libro. Hindi ko alam kung bawal ba pumitas kahit isa pero hindi ko napigilan ang sarili ko dahil pumitas pa rin ako. Dahil sa kaba na baka may nakakita sakin o di kaya kakapkapan 'yung Dora the Explorer kong bag, binilisan ko na ang paglalakad pabalik sa garahe nang may makita akong batang lalaki.
Muntik na akong maiyak dahil baka nga may nakakita sa aking ginawa nang mapagtantong tulog pala 'yung bata. Sa aking kuryosidad, dahan-dahan akong naglakad papalapit sa kaniya. Nakasubsob ang kaniyang pisngi sa mesa. Kapansin-pansin ang kaniyang makinis at maputing balat. Bukod pa do'n, mahaba ang kaniyang pilik-mata na halos tumatama na sa kaniyang talukap. Mukhang magkasing-edad lang kami ng batang ito. Tingin ko siya ang anak ng amo ni Papa. Marami siyang laruan na nakakalat sa mesa. Naisip ko bigla si Zuki dahil paniguradong magkakasundo sila sa kanilang mga hilig laruin.
Matapos siyang pagmasdan ng ilang sandali, napagdesisyunan ko nang umalis para bumalik na sa garahe dahil baka hinahanap na ako ni Papa. Hahakbang na sana ako ngunit mabuti na lang at nakita ko agad ang kaniyang laruang sasakyan sa aking paanan na muntik ko pang maapakan. Dalawang laruan ito, isang sasakyan at isang maliit na teddy bear. Pinulot ko ang sasakyan at nilagay sa kaniyang tabi samantalang 'yung teddy bear lubos kong nagustuhan kaya inangkin ko ito. Tinignan ko siyang muli at ikinumpas ang aking kaliwang palad sa kaniyang nakapikit na mga mata. Gusto ko lang masiguro na tulog siya at hindi niya natunghayan ang aking ginawa.
***
Please feel free to vote, comment and tweet your thoughts by using the hashtag below.
#BIOLittleConstantine
You can also reach me in Twitter (Username: maicaacm)
BINABASA MO ANG
Before It's Over
Teen FictionOVER YOU #1 Love came to Nami at a very young age. Will she fight for it?